
Ni Lili
Ang Araw ng Kalayaan ay sumasalamin sa matagumpay na paglaban at paglaya ng Pilipinas matapos ang 333 na taong pagkakabilanggo ng bansa sa ilalim ng mga Espanyol. Higit pa rito, ang naturang araw ay sumisimbolo rin sa pusong nasyonalistiko ng ating mga ninuno at sa ilang daang taong halaga ng dugo, pawis, at luhang dumanak sa ating minamahal na lupa, makamit lamang ang matamis na kalayaang pinanghahawakan natin ngayon.
Ngayong taon, idineklara ng National Historic Commission of the Philippines ang tema ng pagdiriwang ng ika-126 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas bilang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.” Ang proyektong ito ay simula ng panibagong tradisyon sa ilalim ng administrasyong Marcos, kung saan ito ay tumagal ng tatlong araw, simula noong Hunyo 10, at nagtampok ng iba’t ibang mga atraksyon sa Burnham Green sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Nagtapos ang pagdiriwang na ito sa mismong Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12 na sinimulan sa pagtaas ng watawat ng Pilipinas na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos. Ang naturang Pangulo ay siya ring nagpaabot ng mensahe para sa mga Pilipino, kung saan binigyang-diin niya ang tungkulin ng mga Pilipino na protektahan at pangalagaan ang kalayaan na ipinaglaban ng ating mga ninuno.
Subalit, tila dapat ay nanawagan din ang Pangulo para sa makabansang puso ng mga Pilipino, sapagkat ang umuusbong na mga banta sa ating kalayaan, na unti-unti nang nagsisimulang magpakita at lumago, ay hindi na lamang gawa ng mga dugong banyaga, ngunit mula na rin sa ating sariling mga kalahi.
Ang Laban sa South China West Philippine Sea
Bukod sa pagprotekta at pangagalaga sa kalayaan, mahalagang maprotektahan din ang soberanya o ang kapangyarihan at awtoridad ng isang bansa sa kaniyang nasasakupang mamamayan at lupain, sapagkat sa oras na mawalan ng soberanya ang isang bansa, maaaring lumaki rin ang banta sa kaniyang kalayaan. Ngunit, sa kasamaang palad, ang Pilipinas ay humaharap ngayon sa hamon tungkol sa kaniyang nasasakupan. Ito ay sa kadahilanang may malaking banta ang Tsina sa angking yamang tubig ng Pilipinas—ang West Philippine Sea.
Ngayong Mayo, naglabas ang Beijing ng patakarang anti-trespass law, kung saan simula Hunyo 15 ay pinapayagan nitong hulihin ang mga trespassers o ang mga taong ilegal na papasok sa lahat ng lupain at yamang tubig na kanilang kinikilala bilang kanilang pag-aari, kasama na rito ang ‘South China Sea,’ na nagsisilbing pugad ng hanapbuhay para sa mga mangingisdang Pilipino. Ayon naman sa tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) na si Commodore Jay Tariela, “This rule only sought to discourage Filipinos from doing legitimate activities in the West Philippine Sea.” Aniya, ang polisiyang ito ay isa lamang intimidation tactic ng Tsina.
Subalit, tawagin man itong intimidation tactic ng PCG, hindi pa rin naaalis ang katotohanan na isa itong malaking banta sa kaligtasan, buhay, at hanap-buhay ng mga mangingisdang Pilipino na may buong karapatan sa ligtas na paghahanap-buhay sa tubig na pagmamay-ari ng Pilipinas. Ito ay isang nagbabalat-kayong malaking banta sa Pilipinas na kanilang tinatago sa ilalim ng pangalang anti-trespass law. Ngunit, sa kabila ng marahas na banta na ito, hindi rito natatapos ang mga ginawang banta at harassment na ginawa ng Tsina laban sa Pilipinas dahil sa West Philippine Sea.
Noong Pebrero 6 ng nakaraang taon, nabalitaang tinutukan ng Chinese Coast Guard (CCG) ng military grade na green laser ang PCG, na siyang dahilan kung bakit panandaliang nabulag ang mga Pilipinong bahagi ng barkong sinalakay. Higit pa rito, noong Abril 30, inatake naman ng Tsina ng water cannon ang barko ng PCG, na nagdulot ng pinsala sa naturang sasakyang pangdagat.
Mula sa pagtutok ng laser na nagresulta sa panandaliang pagkabulag ng mga Pilipino hanggang sa pagpapatupad ng anti-trespasser law na nagbabanta sa hanap-buhay ng mga mangingisdang Pilipino, hindi maipagkakailang hindi natatakot ang Tsina na labanan ang Pilipinas at subukan ang tatag ng soberanya ng bansa. Ang mga umaagresibong banta mula sa Tsina ay hindi na lamang banta sa hanapbuhay ng mga mangingisdang Pilipino, ngunit hinahamon na rin nito ang kalayaan, soberanya, at kapangyarihan ng Pilipinas sa kaniyang kinasasakupan.
Gaya ng mensahe ni PBBM, hindi dapat maging balakid ang walang-takot na pagkilos ng Tsina sa ating tungkulin na protektahan at pangalagaan ang ating minamahal na mga kababayan, lalo na’t kung ito’y banta sa kanilang kabuhayan. Ito ang dapat maging motibasyon ng gobyerno at ng mga Pilipino na pahalagahan ang soberanya at kalayaan ng Pilipino na maging Pilipino sa teritoryong inaangkin ng mga Tsino. Para saan pa ang kalayaan at soberanyang ipinaglaban ng ating mga ninuno kung hindi tayo matututong pangalagaan ito? Bagkus, nararapat lamang na palakasin natin ang ating pwersa at, higit sa lahat, panindigan natin kung ano ang atin—kung ano ang pagmamay-ari ng Pilipinas at ng mga Pilipino.
Pilipino Laban sa Pilipino
Subalit, tila nakalulungkot na sa gitna ng ating pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan—ang araw ng mga Pilipino, ay kailangan nating harapin ang katotohanan na mayroong mga Pilipinong hindi maka-Pilipino—na ang ating gobyerno, na siyang dapat unang tagapagtaguyod ng mga Pilipino, ay hindi maka-Pilipino.
Nitong Abril ay naglabas ng pahayag si Pangulong Marcos, kung saan ibinunyag niya na nagkaroon ang dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ang Tsina ng isang inilihim na gentleman’s agreement. Ayon kay Marcos, “Even during the transition from the Duterte administration to my administration, they did not inform us that we have (gentleman’s agreement).”
Nakadidismaya man ngunit hindi nakagugulat na kayang-kayang bitawan ng dating Pangulo ang karapatan ng mga Pilipino sa ating angking teritoryo. Maaaring ang pagbibigay-prayoridad sa seguridad ng mga Pilipino ang nag-udyok kay dating Pangulong Duterte na kusang loob na ipaubaya ang West Philippine Sea sa mga Tsino. Ngunit, kung ito man ang naging dahilan ng dating Pangulo, hindi ito epektibo. Patuloy pa rin ang pang-aatake at harassment na nararanasan ng mga mangingisdang Pilipino at ng PCG mula sa mga Tsino, na nagpapakita na hindi pa rin ligtas ang Pilipinas sa hagupit ng plano ng mga Tsino. Tila ibinenta na lamang ng dating Pangulo ang karapatan ng mga Pilipino para sa pangakong ipinako. Ganito na lamang ba kadali para sa mga politiko na bitawan ang pagiging maka-Pilipino?
Ang Laban Para sa ‘Bagong Pilipinas’
Sa kabilang banda, nitong Hunyo 9, inilabas naman ng Malacañang ang Memorandum Circular 52, kung saan inoobliga nito ang mga ahensya ng gobyerno, mga institusyong pagmamay-ari ng gobyerno, at mga institusyong pang-edukasyon na kantahin ang Bagong Pilipinas hymn at bigkasin ang pledge nito tuwing pagkatapos ng pagtaas at pagbaba ng watawat ng Pilipinas. Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang memorandum na ito ay pinirmahan upang “further instill the principles of the Bagong Pilipinas brand of governance and leadership among Filipinos.”
Tuwing pagtaas at pagbaba ng watawat ng Pilipinas, ang kantang ikinakanta ng bawat isa ay ang Lupang Hinirang. Ang Lupang Hinirang, bukod sa ito ang pambansang kanta ng Pilipinas, ay sumasalamin din sa pagiging malaya ng Pilipinas, sapagkat ito ang sumisimbolo na mayroon tayong sariling pagkakakilanlan bilang isang bansa. Ito ang nagpapaalala sa atin ng pinagdaanan ng Pilipinas at tila isang deklarasyon ng ating pagka-Pilipino. Sa kabilang banda, ang Bagong Pilipinas hymn ay maaaring maging simbolo ng ating paglalakbay patungo sa pagbabago at pag-unlad ng Pilipinas. Maaari rin itong maging paalala sa bawat isa ng ating kagustuhan ng isang bagong Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Subalit, ang pagkanta ng hymn at pagbigkas ng pledge na ito ay hindi na kailangan, sapagkat ang pagpapainam ng nasyonalismo at pagiging Pilipino ay isa nang trabahong ginawa ng pagkanta ng Lupang Hinirang. Ang ating pambansang kanta ay hindi lamang sumisimbolo sa pagbabago sa ilalim ng bagong administrasyon, ngunit ito ay sumisimbolo sa mga nagbago, nagbabago, at pagbabago na mangyayari pa sa ating bansa. Higit sa lahat, ang Lupang Hinirang ay sumasalamin sa mga Pilipino noon, ngayon, at sa susunod pang henerasyon, hindi lamang sa mga Pilipinong namumuhay sa kasalukuyang administrasyon.
Bukod pa rito, gaya ng pahayag ng ACT Teachers Party List Representative France Castro, ang memorandum na ito ay maaaring isang inisyatibo mula kay Pangulong Marcos upang “pabanguhin” ang pangalang Marcos. Ang pag-oobliga ng pagkanta ng Bagong Pilipinas hymn at pagbigkas ng pledge nito ay maaaring isang kilos upang mas mapatatag ang pangalan ng mga Marcos sa mga Pilipino o ‘di kaya’y linisin ang kanilang pangalan sa kabila ng kanilang madugong kasaysayan. Kung kaya’t hindi maikakala na maraming mamamayan ang nagkaroon ng reaksyon at bumatikos sa memorandum na ito, sapagkat sa gitna ng mga suliranin sa loob at labas ng Pilipinas, tila ba ay mas mahalaga ang pagsasabatas nito kaysa ang estado ng mga Pilipino, partikular na ng mga mangingisdang Pilipino. Sino nga ba ang pinagsisilbihan ng ating mga pinuno? Sarili o mga Pilipino? Ano nga ba ang mas mahalaga para sa ating mga politiko? Ang soberanya ng mga Pilipino o ang kanilang sariling kapakanan?
Ang Mamatay Para Kanino?
Mula sa bagong banta sa kalayaan at soberanya ng Pilipinas, sa dating Pangulong binitawan ang karapatan ng Pilipinas sa teritoryong Pilipino, hanggang sa kasalukuyang Pangulong inuuna ang sariling kapakanan, sa gitna ng ating pagdiriwang ng kalayaan ng Pilipinas at sa mga kasalukuyang suliranin ng bansa, hindi naging malinaw kung sino nga ba talaga ang totoong kalaban sa kapayaan, kalayaan, at soberanya ng Pilipinas. Ang dugong banyaga nga ba? O ang mga pinunong Pilipinong hindi maka-Pilipino? Sa panahon ng kakapusan at kahirapan, kanino nga ba nila iaalay ang kanilang buhay?
Madaling ipilit na ang bansang Pilipinas ay nagbabago at pinipiling magbago. Subalit, walang magbabago sa isang bansang ang mga pinuno’y pinipili at inuuna ang sarili. Walang magbabago sa Pilipinas kung hindi nito pipiliin ang mga Pilipino—ang Pilipinas.
Kaya’t sa ating pag-alala at pagdiriwang ng kalayaan ng Pilipinas, piliin nating maging maka-Pilipino. Alalahanin natin na nananalaytay sa ating dugo ang dugo ng mga Pilipinong lumaban at namatay para lamang masabi natin na atin ang Pilipinas ngayon. Dahil dito, gaya ng ating mga ninuno, walang dapat makapagpigil sa atin na labanan ang kung sino at ano mang banta at hamon sa ating kalayaan at soberanya—ang mga Tsino man o ang sarili nating mga kababayan.
