
Ni Dani Santos
Sa kasalukuyang panahon, ang pagsasagawa ng Pride Month sa buwan ng Hunyo ay nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Subalit, hindi ito laging ganito noon.
Hindi naging mabait ang panahon ng dekada ‘60 sa mga taong bahagi ng LGBTQ+ community. Halimbawa, ipinagbawal noon ng New York State Liquor Authority ang pagbebenta o paghahain ng alak sa mga kilala o sa mga pinaghihinalaan nilang LGBTQ+ na indibidwal. Hindi kalauna’y nabigyan din naman ng karapatan ang mga naturang indibidwal na pagbentahan ng alak, ngunit hindi ang karapatan nilang maging sila. Ito ay sa kadahilanang ang mga aksyon gaya ng paghahawak ng kamay o holding hands at pagsayaw kasama ang kaparehong kasarian ay itinuring na ilegal. Kung kaya, madalas at naging normal ang mga raids o pagsalakay ng mga pulis sa mga gay bar—isa sa mga naging puntahan ng LGBTQ+ community. Bukod pa rito, naging gawi rin nila ang pagdadala ng pinaghihinalaan nilang mga indibidwal sa banyo upang suriin o i-check ang kanilang kasarian. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga uri ng harassment na natanggap ng komunidad mula sa mga pulisya. Subalit, lingid sa kanilang kaalaman, ang naturang marahas na mga aksyon ang mismong magsisiklab ng natutulog na apoy sa mga puso ng komunidad—na siyang magtutulak sa kanila upang tumindig at lumaban.
Ang Siklab ng Stonewall Inn
Sa isang pagsalakay ng mga pulis sa Stonewall Inn noong June 28, 1969 nagsimula ang pagtanggi ng mga LGBTQ+ na indibidwal sa kanilang mga nararanasang diskriminasyon mula sa mga pulis. Bunsod nito ang marahas na kaguluhan o riot na kinasangkutan ng maraming mga tao na tumagal ng lima pang araw. Dahil dito, sa isang taong anibersaryo nito noong June 28, 1970, nagbunga ang unang gay parade sa Estados Unidos. Ito ay nagsimula sa kalye ng Stonewall Inn hanggang sa Central Park. Kalakip ng kanilang paglalakad ang kanilang pagsigaw ng “Say it loud, gay is proud,” na siyang umalingawngaw sa kalye ng Manhattan. Ang naturang pagsiklab na ito ay nagbigay-daan sa iba’t ibang organisasyon at pagkilos tungo sa pagkamit ng karapatan ng mga LGBTQ+ na indibidwal sa ibang bahagi ng mundo.
Sa konteksto ng Pilipinas, isang bansang karamihan ay Katoliko (78.8%), ang unang pagtitipon ng mga aktibista at iba pang queer activists ay nagsimula noong 1996, na siyang pinangunahan ng ReachOut Foundation. Ito ay mas kilala ngayon bilang 1996 Metro Manila Pride March. Ang mga sumunod na pagtitipon ay pinangunahan na ng Task Force Pride hanggang sa taong 2017 nang ito ay pangunahan na ng Metro Manila Pride organization.
Sa kasalukuyan, ang paglaban at pagpupunyagi ng LGBTQ+ community sa Pilipinas ay nagbunga ng iba’t ibang organisasyon at kaganapan na nakatuon sa paggunita ng Pride sa bansa, kagaya na lamang ng taunang Metro Manila Pride March, pati na rin ang pagdaraos ng Quezon City (QC) Pride. Ito ay nagsisilbing patunay na sa kabila ng matinding hamon ng konserbatibong paniniwala o kultura ng bansa, hindi nito matitinag ang mga pusong sabik sa makabago at mapagpalayang bukas.
Sa isang banda, marahil ang kasalukuyang pamamaraan ng paggunita ng Pride ay nakaayon sa pagkilala na ito ay tungkol sa pagmamahal at pagkakaiba-iba ng bawat isa. Gayunpaman, sa kabila ng marami at iba’t ibang pagpapakahulugan sa Pride, mahalagang isagunita na ang Pride ay higit pa sa isang selebrasyon.
Ang Iba’t Ibang Kulay ng Pride
Gaya ng bahaghari, iba’t iba ang kulay ng Pride—ang kahulugan at kahalagahan nito ay naiiba ayon sa kaniya-kaniyang perspektibo ng mga tao.
Ayon kay Christian Galope, guro mula sa Mathematics Subject Area ng Ateneo de Manila Senior High School (ASHS), ang Pride ay tungkol sa pagmamalaki sa kung sino ka—sa iyong pagkakakilanlan. Dagdag pa niya, “Pride is a symbol of letting people know that we are not someone to be ostracized.” Gayundin ang pagpapakahulugan ni Jeng Uy, guro mula sa Science Subject Area ng ASHS. Ayon sa kaniya, “In Filipino culture, which is mostly conservative, people who don’t conform to societal norms, their first instinct is to hide themselves so that they would not be subjected to discrimination or hate.” Binibigyang-diin nito na sa mundo kung saan tila lahat ng mga mata ay nakatingin sa iyong bawat kilos, hindi madaling ipagmalaki ang kung sino ka at malayang ipahayag ang iyong sarili sa takot na magkaroon ng hindi magandang reaksyon ang lipunan.
Kung kaya, para kay Kalix* mula sa STEM, ang Pride, bukod sa pagpapahalaga sa sarili, ay isang pagpapakita ng tapang at lakas ng loob. Ayon sa kaniya, “It embodies the courage to express our authentic selves, unapologetically. It’s the boldness to embrace our uniqueness, regardless of societal norms or judgments.” Ganito rin ang kahulugan ng Pride para kay A* mula sa STEM. Dagdag niya, “Pride is simply the choice to live as your authentic self. I am nothing without this pride, my acceptance of my queer gender [and] sexuality is also the refusal to conform to the standards society holds for me.” Hindi maikakailang hindi madaling maging iba sa paningin ng lipunan. Kung gayon, ang Pride ay isa ring anyo ng pagtanggi sa pamantayang itinakda ng lipunan. Ito ay pagpapakita na hindi mali—walang mali sa pagiging iba. Bagkus, ang mali ay ang hindi pagtanggap sa katauhan ng isang indibidwal dahil lamang sila ay hindi sumasang-ayon sa pamantayan ng lipunan.
Ayon naman kay Meg Lopez, incoming grade 11 na mag-aaral mula sa HumSS, ang Pride ay nakaugat sa pag-ibig na lumalaban at pag-ibig na naghahangad ng pagkakapantay-pantay. Ayon sa kaniyang pagpapaliwanag, “Pride exists because people from the past loved themselves enough to be able to fight for themselves.” Bukod sa pagpapakita ng tapang, ang Pride ay makikita rin bilang isang anyo ng pagmamahal na maaaring mag-udyok sa isang indibidwal na ibahagi at ipagtanggol ang sarili laban sa matutulis na mga salita ng lipunan. Samakatuwid, sa radikal na pagmamahal nagsisimula ang paglaban para sa sarili.
Samantala, batay sa pahayag ni Reitzel Tayag, guro ng Filipino mula sa ASHS, ang Pride ay hindi na lamang tumutukoy sa pagbibigay-kahulugan o pagpapaliwanag ng konsepto nito sa iba. Pagpapaliwanag niya, “Hindi lang ito binibigyan ng depinisyon o ipinapaliwanag sa kapwa natin.” Binigyan niya ang salitang ito ng ibang mukha, sapagkat para sa kaniya, ang Pride ay maaaring tumukoy sa tanong na “What actions should we be able to do to show Pride?” Ipinapakita ng pagpapakahulugan na ito na ang Pride ay hindi na lamang kalipunan ng mga salita at depinisyon. Ito ay kalipunan ng mga aksyon na nagpapakita ng pagmamalaki sa sarili, tapang, at ng pagtutol sa dikta ng lipunan. Ang Pride ay paglaban—Ang Pride ay Protesta.
Ang Pride Bilang Anyo ng Paglaban
Ang pagtanggi at pagtutol sa pamantayan at kagustuhan ng lipunan ay tila pagbubuhat ng mabigat na bagahe. Hindi ito madali gawin nang mag-isa. Ayon sa pagpapaliwanag ni A, “It’s so, so scary to be the way that I am! It’s scary to feel like you’re totally alone! But once you’re surrounded by so many other people thinking that same thing, that fear is gone.” Sa kabila ng takot na kaniyang nadarama, nakatulong ang presensya ng iba pang mga taong bahagi ng komunidad. Dagdag pa niya, “That’s why solidarity within the community is so important – we need to have each other’s backs.” Dahil dito, mahalagang palibutan ang sarili ng mga taong makauunawa sa pinagdadaanan at magsisilbi na ring suporta sa laban—sa loob o labas man ng tahanan.
Hindi rin naging madali para kay Lopez ang maging transwoman sa isang all-boys na paaralan, sapagkat kalakip nito ang mga tuntunin na nakaayon sa kanilang pamamalakad bilang isang institusyon, gaya na lamang ng haircut rule. Naging suliranin ito nang bumalik sa onsite classes ang paaralan at kinailangan ng mga mag-aaral na putulin ang kanilang mahabang buhok, kung saan kasama rito si Meg. Bunsod nito ay ang pagbuo ng grupo ng mga mag-aaral na naapektuhan ng haircut rule na nakipag-ugnayan sa administrasyon ng paaralan tungkol sa paksang ito. Dagdag pa niya, “That was our way of showing na we should be able to express ourselves and be who we are as members of the LGBTQIA+ community.” Hindi man naging madali ang karanasan na ito para kay Meg at sa iba pang mag-aaral, ang kanilang pagtutol sa naturang pamantayan ay hindi lamang nagpapakita ng kanilang nagliliyab na determinasyon at pagsisikap na lumaban tungo sa mas bukas na kapaligiran, ngunit, ito rin ay maaaring simbolo na patungo sa tamang direksyon ang naturang paaralan dahil sa natatanging hangarin ng mga mag-aaral nito na bumuo ng mas ligtas at malayang lipunan.
Sa kabilang banda, bilang pakikibahagi sa kilusan, si Uy ay nagboluntaryo sa selebrasyon ng Pride noong nakaraang taon bilang isang grounds volunteer. Sa kaniyang pakikibahagi, siya ay naging saksi sa isang hindi mabuting pangyayari, kung saan ang isang event-goer ay tila ‘hinuhuli’ ng kaniyang magulang dahil sa pagpunta sa naturang kaganapan. Ayon sa kaniya, “It was really disheartening to see people who are still against their children being gay or being part of the LGBT community, and then making such a public display of it.”
Subalit, kamakailan lamang ay nakaranas din si Uy ng isang pangyayaring hindi naging kaaya-aya para sa kaniyang pagkakakilanlan. Ayon sa kaniyang salaysay, nang inilabas ang mga class photos, napansin niya na ang ginamit na English honorific sa kaniyang class photo ay “Mx” at hindi “Ms,” ang honorific na kaniyang ginagamit. Bukod pa rito, hindi rin nagbigay ng pahayag si Jeng na nais niyang matawag gamit ang “Mx” sapagkat hindi naman talaga ito ang kaniyang ginagamit. Dagdag niya, “Siguro ‘yun na ‘yung ‘quote-unquote,’ fight ko, which was reaching out to the people-in-charge.” Nakadidismaya na mula sa mga malalaking kaganapan hanggang sa maliliit na bagay, makakakita pa rin ng mga aksyon na hindi nagiging mabait at hindi nagpapadali sa laban na isinusulong ng komunidad Ito ay lalong nagpapatunay kung bakit ang Pride ay isang protesta, mangyari man ito sa mas malaki o mas maliit na antas, ang Pride ay isang patuloy na paglaban. Sa kabilang dako, upang matugunan ang naturang sitwasyon, nakipag-ugnayan din si Uy kay Ms Aina Martin, ang point person ng University Gender Hub sa ASHS. Bunsod naman nito ang naging maayos na usapin sa pagitan ni Uy at ng mga taong sangkot sa sitwasyong ito. Ipinakikita naman nito na sa kabila ng tila nakapanghihinayang na sitwasyon, hindi rin dapat kaligtaan ang mga maliliit na pagkapanalo ng Pride, gaya na lamang sa konteksto ng salaysay ni Uy. Hindi man ito naging madali sa umpisa, nagkaroon pa rin ito ng maayos na diskurso sa huli.
Ang Pag-unlad ng Pride Bilang Isang Kilusan
Hanggang kailan tayo maghihintay?
Iyan ang tanong na naibahagi ni Gallope nang mapag-usapan ang tungkol sa Sexual Orientation and Gender Identity or Expression o SOGIE Bill sa Pilipinas. Ayon sa kaniya, “Itong SOGIE Bill, na ang tagal-tagal na nating sinusulong sa admin, pero wala pa ring nangyayari. May baby steps—pero haggang kailan? Hanggang kailan tayo maghihintay na mabigyan ng parehong karapatan—hindi naman tayo humihiling na tayo’y maging special.” Sa kabila nito, binigyang-diin pa rin niya ang pagkilala sa mga naging pagsulong at pag-unlad ng Pride sa bansa. Pagpapaliwanag niya, “Hindi ito possible before. Kung babalikan mo ‘yung 2000’s era, wala akong nababalitaan masyado sa news about these events.” Ang katotohanang ang paggunita ng Pride noon ay maaaring hindi posible at iginugunita ng karamihan gaya ngayon, ay patunay na umunlad ang Pride sa bansa. Subalit, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang laban.
Bilang miyembro ng isang peministang organisasyon sa kaniyang paaralan noon, si Tayag ay aktibong sumuporta at sumusuporta sa mga kaganapan at adbokasiya para sa Pride. Nakikita niya ang Pride bilang hindi lamang isang selebrasyon kundi isang protesta. Ayon sa kaniya, kung tayo’y mas nakatutok sa pagdiriwang, maaari nating malimutan na marami pa tayong dapat gawin. Dagdag pa niya, “Hindi p’wedeng malimit lang tayo sa celebration, kailangan nandoon pa rin ‘yung protest at kailangan mas mangibabaw pa rin ‘yung pagprotesta dahil hindi pa rin sapat ‘yung mayroon tayo ngayon to actually protect the LGBTQIA+ community fully and wholeheartedly.” Dahil dito, gaya na rin ng pagpapaliwanag ni Tayag, mahalagang manalaytay sa isipan kung bakit isinagawa ang Pride—kung bakit ito isang anyo ng protesta. Ito ay sapagkat may mga bagay na mahigpit pa rin ang kapit sa kinasayan at nangangaailangan ng pagbabago—marahil ay sa kadahilanang hindi pinapakinggan at tinutugunan ang mga ipinaglalaban ng Pride.
Sa mundo at konteksto naman ng ASHS, masasabing may makabuluhang pag-unlad din na nagaganap sa loob ng paaralan. Gaya ng pahayag ni Lopez, “The fact that we have committees or orgs dedicated to the queer community is also a good sign of the progress we’ve made.” Kabilang na rito ang pagtatag ng AJHS Lakapati, isang komite na nakatuon sa pag-unlad ng adbokasiya ng Pride at pagbuo ng safe spaces sa loob ng paaralan. Kasama rin dito ang ASHS Lakambini na, ayon kay Uy, ay nagsasagawa ng gender sensitivity training kada taon na nagsisilbing kontribusyon nito sa adbokasiyang pagpapaunlad ng Pride sa paaralan. Naitatag din ang Mayari Committee, na pinamumunuan ng mga mag-aaral na siyang nagbibigay ng peer-to-peer na suporta sa mga biktima ng Sexual and Gender-Based Violence (SGVB).
Higit pa rito, isinaad din ni Gallope, “May mga lugar na hindi pa sila welcome sa idea of this particular Pride, kaya thankful nga ako sa Ateneo, kasi kahit Catholic school tayo, we still honor Pride events.” Mauunawaan dito na sa kabila ng konteksto at pinanggalingan ng institusyon, mahalagang makilala pa rin ang mga pagsisikap nitong maging isang ligtas at bukas na kapaligiran para sa mga iba’t ibang uri ng sektor sa komunidad na nasasakupan nito. Ayon naman kay A ng STEM, “I’ve been seeing posts online about AHS students pushing for a more gender-affirming school environment, especially for transgender students. I think this is a huge leap in the right direction, especially since there is much more progress to be made in regards to trans rights [and] acceptance.” Bagama’t maaaring may mga ilang pangyayaring hindi naging kaaya-aya para sa iba, tulad ng haircut rule at maling paggamit ng honorifics—hindi pa rin dapat maliitin ang nakamtang pag-unlad ng komunidad sa loob ng paaralan, lalo na ang kagustuhan at pagsisikap ng mga mag-aaral na magkaroon ng mas ligtas at bukas na lipunan. Upang tugunan ang mga pangyayaring ito, ayon kay Tayag, nagkakaroon din ng kolaborasyon ang paaralan sa ibang mga organisasyon na siyang gumagawa ng pananaliksik tungkol sa kung anong maaaring gawin ng institusyon upang mas mapatatag ang gender sensitivity at inclusivity sa loob ng komunidad nito. Dagdag pa niya, “The school itself is continuing to collaborate with different experts pa.”
Sa pangkalahatan, hindi maitatangging maraming laban na rin ang naipanalo ng Pride—sa loob man ng bansa o sa mas maliit na komunidad gaya ng ASHS. Ang mga panalo na ito ay hindi dapat kinakaligtaan, bagkus ay tinatandaan, sapagkat dito natin makikita kung gaano kalayo na ang ating narating. Gaya nga ng pahayag ni Kalix mula sa STEM, “Pride is the unwavering belief that our journey is worth celebrating.” Subalit, hindi pa rin tapos ang laban—ang protesta ng Pride, dahil marami pa ang kailangang gawin—ang kailangang magbago. Malayo man ang narating, malayo pa ang daang ating tatahakin.
Gamit ang radikal na pagmamahal tungo sa makabago at mapagpalayang bukas, sabay-sabay nating iparamdam—Ang Pride ay Protesta.
