Pilipinas, nag-uwi ng apat na medalya mula sa Paris Olympics 2024

Larawan mula sa Rappler

Ni Glaiza Salanio

Nag-uwi ng apat na medalya ang mga atletang Pilipino na sina Carlos Yulo, Nesthy Petecio, at Aira Villegas sa katatapos lamang na Paris Olympics 2024 noong Agosto 11.

Naging two-time gold medalist ang artistic gymnast na si Carlos Yulo matapos ipanalo ang events ng men’s floor exercises at vault. Nakakuha si Yulo ng 15 puntos sa men’s floor exercises at 15.116 puntos sa vault.

Si Yulo ang naging kauna-unahang Pilipinong Olympian na nakakuha ng dalawang gintong medalya.

“Ito na po ‘yung ultimate goal, grabe, wala na po akong hinihinging iba pa ngayon. Sobrang thankful po ako kay Lord na naring Niya po at di Niya ako pinabayaan sa lahat ng challenges na binigay Niya sa akin. Nag-grow ako, [I’m] really grateful na di ako sumuko,” sabi ni Yulo.

Gumawa rin ng kasaysayan ang boksingerong si Nesthy Petecio, nang magwagi ng bronze medal dahilan upang siya ang maging unang Pilipinong boksingerong nakakuha ng dalawang medalya sa history ng Olympics.

“I’m proud of myself that I’m still fighting for the country, for my family, and for my dreams,” banggit ni Petecio.

Bukod pa rito, nakamit ng isa pang Pilipinong boksingerong si Aira Villegas ang bronze medal sa kategorya ng women’s 50kg.

“I’ll do everything to accomplish my dreams of having our national anthem played for me in the Olympics before I retire,” saad ni Villegas.

Pagbati at pagkilala sa mga atleta

Kasama ang iba pang mga atletang Pilipino na sina boxers Carlo Paalam, Hergie Bacyadan, at Eumir Marcial, tracksters John Cabang Tolentino at Lauren Hoffman, weightlifter John Ceniza, Elreen Ando, at Vanessa Sarno, at pole vaulter EJ Obiena, sinalubong sila ng kanilang mga pamilya sa Villamor Airbase sa Pasay City noong Agosto 13.

Pagkatapos ay dumiretso sila sa Malacañang upang makipagkita kina President Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos.

“You have shown the spirit of the Filipino, the determination of a Filipino and the excellence of the Filipino spirit,” ani ni Pangulong Marcos habang nasa hapunang kanyang inihanda para sa mga atleta.

Kinabukasan, libo-libong Pilipino naman ang dumagsa sa heroes’ parade ng mga Olympians na ginanap sa Maynila.

Pumuwesto bilang ika-37 sa overall at una sa Timog-Silangang Asya ang Pilipinas ngayong Summer Olympics.

Leave a comment