ASHS nagtipon para sa Misa ng Banal na Espiritu

Ni Glaiza Salanio

Noong Biyernes, Agosto 16, nagtipon ang buong komunidad ng Ateneo Senior High School (ASHS) sa ikatlong palapag ng Formation Learning Center (FLC) upang ipagdiwang ang Misa ng Espiritu Santo at salubungin ang bagong taong panunuran na may gabay ng Banal na Espiritu.

Pinamunuan ni Fr. Roberto “Bobby” Yap, ang Pangulo ng Mataas na Paaralang Ateneo de Manila, at iba pang mga paring Heswita ang pagdiriwang ng eukaristiyang ito.

Bago magsimula ang misa, iminartsa ng mga miyembro ng ASHS Sanggunian ang pitong biyaya ng banal na Espiritu: Karunungan, Pagka-unawa, Pagpayo, Katatagan, Kaalaman, Kabanalan, at Banal na Pagkatakot sa Diyos.

Binigyang pansin ni Fr. Yap sa kanyang homiliya ang koneksyon ng abilidad ng apoy upang magpainit (warm), magpadalisay (purify), at magpa-alab (ignite) sa konsepto ng pasasalamat (gratitude), pagbabago (renewal), at misyon na dapat isapuso sa simula ng taong panunuran.

Through this Red Mass, let us ask the Holy Spirit to warm our hearts so we may see how wonderful the graces that God has given us and that we may be always grateful for all these gifts,” sabi ni Fr. Yap

May we see the spirit’s fire, the one fire of goodness, or one of God’s truth, so we can see that all is grace,” dagdag pa niya.

Kinalaunan, nagkaroon din ng seremonya ng pagsisindi ng mga kandila kasama ang mga guro, mag-aaral, magulang, at iba pang empleyado ng ASHS.

Ang Pulang Misa

The Red Mass o Ang Pulang misa ay isa sa mga tradisyon ng mga paaralang Heswita mula noong 1548 upang magpasalamat sa Banal na Espiritu para sa mga biyayang ibinigay at humingi ng gabay para sa bagong taong panunuran.

Tinawag itong The Red Mass dahil ang kulay pula ang sumisimbolo sa “tongue of fire” na bumaba sa mga apostol noong panahon ng Pentecoste at nagbigay sa kanila ng Banal na Espiritu (Acts 2:1-4).

Come, Holy Spirit, enkindle in us the fire of Your love so we may go and set the world on fire,” pagtatapos ni Fr. Yap sa kanyang homiliya.

Leave a comment