
Nina Glaiza Salanio at Althea Natividad
Naitala ang unang kaso ng Mpox o Monkeypox sa Pilipinas ngayong 2024 noong Lunes, ika-19 ng Agosto ayon sa Department of Health (DOH), matapos itong ideklara ng World Health Organization (WHO) bilang isang public health emergency.
Ito na ang ikasampung kaso sa bansa at unang kaso ngayong taon kasunod ang huli noong Disyembre 2023.
“The case is a 33 year old male Filipino national with no travel history outside the Philippines but with close, intimate contact three weeks before symptom onset,” sabi ng DOH.
Nakaramdam ang pasyente ng mga sintomas kagaya ng lagnat at rashes sa mukha, likod, batok, katawan, singit, palad at talampakan isang linggo na ang nakalipas.
Naka-isolate pa rin ang pasyente ngayon ng tatlong linggo hanggang sa gumaling ang kanyang balat ayon kay Health Secretary Ted Herbosa.
Modes of transmission
Ayon sa ulat ng WHO, pangunahing kumakalat ang Mpox sa person-to-person na transmisyon sa pamamagitan ng malapitang kontak, tulad ng balat-sa-balat o bibig-sa-balat, kabilang ang paghalik at pakikipagtalik.
Maaari din itong kumalat sa pamamagitan ng pagkalantad sa mga kontaminadong bagay, tulad ng damit, tuwalya, o sa mga ginamit ng taong may Mpox–lalo na kung may sugat o nahipo ang mga mata, ilong, o bibig.
Kabilang din dito ang transmisyong patungo sa sanggol sa panahon ng pagbubuntis, panganganak, o malapitang kontak pagkatapos nito.
Bagaman may limitadong ebidensya, iniulat din na posible ang pagkahawa mula sa asymptomatic na indibidwal, ngunit hindi pa ito ganap na napagsisiyasatan.
Sa mga hayop, maaari itong makuha sa pamamagitan ng kontak sa mga hayop na may virus, lalo na sa mga ligaw na hayop o hindi maayos na nalutong karne.
Tumaas ng 160% ang mga kasong naitala ngayong taon kumpara sa nakalipas na taon ayon sa report ng kagawarang pangkalusugan.
