
Ni Glaiza Salanio
Noong Sabado, Agosto 24, ginanap ang “Tahanan,” isang welcoming party para sa mga iskolar ng ika-11 baitang na pinamunuan ng Samahan ng mga Iskolar na Naglilingkod at Gumagabay (SINAG) sa Blackbox Theatre sa unang palapag ng Ateneo Senior High School (ASHS) main building. Kasabay nito ang Parent’s Day, kung saan nagkaroon ng pagtitipon ang mga magulang at mga guro upang pag-usapan ang mga magaganap sa bagong taong panunuran.
Tahanan
Nagbigay ng pambungad na salita ang punong guro ng Ateneo Senior High School (ASHS) na si Gng. Rosanna Borja at guro ng CSIP na isa rin sa mga founding members ng SINAG na si Mx. Kaia Catacutan upang salubungin ang mga iskolar sa kanilang unang taon sa ASHS.
Nagkaroon din ng mga diskusyon tungkol sa organisasyon, kanilang mga ginagawa at mga adbokasiya.
“Here sa welcoming party ng SINAG, I learned that in a world na naninibago ako, akala ko maleleft out ako because of a lot of new people, nakahanap ako ng tahanan na I would feel comfortable in at kaya kong maging sarili ko,” wika ni Aliyah Nicole Guela.
Iba’t ibang aktibidad at laro tulad ng group cheers, bingo, relay, Liham ng KinabukaSUN, at quiz bee ang nagbigay ng oportunidad sa mga iskolar upang lalo nilang makilala ang isa’t isa.
“I had a really fun experience in the games na mas nakilala ko yung ibang mga scholars. Nalaman ko na dapat we should really be proud of our achievements kasi isipin mo scholar ka sa Ateneo so dapat ipagmalaki mo talaga iyon,” pagbabahagi ni Renzo Enrique Gutierrez.
Nagtanghal din ang Music Industry Organization (MIO), Glee, at Indayog ng Atenistang Kabataan (IndAK) na nagbigay aliw sa mga iskolar.
Bilang pagtatapos, nagbigay ng mensahe sina Gng. Sylvia Aldana, ang Office of Admissions and Scholarship Coordinator, G. Jerry Pavia, ang former SINAG moderator, at G. Noel Miranda, ang bagong SINAG moderator.
“Gusto ko magpasalamat sa tapang ninyo na um-oo na maging bahagi ng Ateneo. I mean, kailangan ng kaunting tapang, ‘di ba? Para um-oo at maging Atenista kayo kasi challenging. May challenge sa pagiging scholar dito sa Ateneo,” pagpapasalamat ni Gng. Aldan.
Ang welcoming party ay idinaraos taon-taon upang malugod na tanggapin ang mga iskolar para sa bagong taong panunuran.
“SINAG holds an annual party/program for junior scholars to welcome them in their new year in the ASHS, with this year’s theme of ‘TAHANAN.’ Our event aimed to gather junior scholars and to engage them in fun and formative activities that encapsulate Ateneo and SINAG’s own 5Cs. It especially aimed to show scholars that they have a home and a place to run to in the ASHS,” sabi ni Claudde Agleam, ang Vice President for Formation and Member Care ng SINAG.
“Nandito lang kaming maglilingkod at gagabay sa inyo, hindi lamang sa mga problema kundi sa pag-asam ng pamilya at tahanan dito sa ASHS. We hope that you find your home in Ateneo and in our community,” mensahe niya sa mga iskolar.
“First of all, it was a very nice and fun experience, since we were able to communicate and interact with other scholars and to finally feel that we belong and to feel very welcome with each other. And isa sa mga natutuhan ko na kapag scholar ka, it doesn’t make you any less of those na nagbabayad talaga ng full tuition. And we are scholars because we deserve to be here and we earned our spot,” sambit in Irish Nicole Nasam.
Parent’s Day
Bukod sa Tahanan, nangyari din ang Parent’s Day sa silid-aralan ng mga mag-aaral bilang unang pagkikita ng mga magulang at mga guro.
Naganap ang Parent’s Day ng mga mag-aaral sa ika-11 baitang sa umaga habang sa hapon naman ang sa mga mag-aaral ng ika-12 na baitang.
Pagkatapos ay idinaos ang unang family mass para sa taong panunuran sa St. Aloysius Gonzaga Chapel sa Formation Learning Center.
