
Ni Glaiza Salanio
Nagtipon ang buong komunidad ng Ateneo Senior High School (ASHS) noong Biyernes, Agosto 30 sa Formation Learning Center para sa Pinoytuntunan, ang pangwakas na programa ng buwan ng wika na may temang “Sumayaw, Sumunod sa Mapagpalayang Musika ng Dekada 70 at 80.”
Layunin ng pagdiriwang ito na alalahanin at tangkilikin ang ganda ng wika at musikang Filipino noong dekada 70 at 80.
Nagsimula ang programa sa pagbibigay ng pambungad na mensahe ni Gng. Rosanna Borja, punong-guro ng ASHS.
“Mayroong isang dalubhasang heswita, si Padre Horacio de la Costa. Mayroon siyang ginawang sanaysay, ang title ay Jewels of the Pauper. Sabi niya doon, ang Pilipinas ay hindi mayamang bansa pero mayroon siyang dalawang nakatagong yaman, ang kaniyang musika at ang kaniyang pananampalataya. Sobrang natuwa ako na napagsama natin itong dalawang yaman na ito sa lahat ng mga naging gawain natin ngayong Buwan ng Wika,” pagbabahagi ni Gng. Borja.
Matapos nito, binigyang pagkilala ang mga nagwagi sa patimpalak ng Pinoy Trivia, Panalanging Bayan sa Katutubong Wika, at Pintograsya na ginanap buong buwan ng Agosto.
Nanalo sa Pinoy Trivia ang mga mag-aaral na sina Kyle Quincy Ballon, Celine Anne Stephanie Eviota, Charlize Ivonne Castillo, Reeve Siccion, David Marcelino Fajardo III, at Dale Lazier.
Nakuha ng 11-Angelis at 12-Acquaviva ang unang gantimpala sa pintograsya, habang 11-Torres at 12-Sullivan naman ang nagwagi sa Panalanging Bayan sa Katutubong Wika.
Bukod dito, naganap din ang Bihis Pinoy para sa mga mag-aaral at guro, Hataw Pinoy, at ang finals ng Videoke sa programa.
Sa kategorya ng Bihis Pinoy, nagtagumpay ang 11-Moscoso at 12-Walpole para sa mga mag-aaral at sina Gng. Joy Sacluti at G. Gerome Carlos para sa mga miyembro ng faculty.
Panghuli, nakamit ng HumSS strand ang unang pwesto para sa Hataw Pinoy, at sina Chloe Licayan ng 11-Nakaura at Sophie Reyes ng 12-Ogilvie ang nanalo sa Videoke.
Nagtanghal din ang mga magulang at mga guro ng ika-11 at ika-12 na baitang upang magbigay aliw sa mga mag-aaral.
“Pinoytuntunan for me has been a fun experience, especially since as a head of Pintograsya, I was able to learn more about our Marian devotion and I was able to express myself,” wika ni Evan Gelilio ng 11-San Vitores patungkol sa kaniyang karanasan sa Buwan ng Wika.
