
Ni Lili
“Bagong Pilipinas, Bagong mukha”
Sa mga salitang ito tumakbo ang naging pangangampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Halalan 2022. Dito rin umikot ang mga ipinangakong plano at reporma ng Pangulo para sa mga Pilipino—ang isang makabagong Pilipinas.
Makalipas ang isang taon, noong Hulyo 3, 2024, inilunsad ng Opisina ng Presidente ang ‘Bagong Pilipinas,’ bilang tema ng pamamahala at pamumuno sa ilalim ng administrasyong Marcos. Ayon sa Memorandum Circular 24, layunin nito ang “deep and fundamental transformations in all sectors of society and government, and fosters the State’s commitment towards the attainment of comprehensive policy reforms and full economic recovery.” Bukod pa rito, inilarawan din ang ‘Bagong Pilipinas,’ bilang “characterized by a principled, accountable, and dependable government reinforced by unified institutions of society, whose common objective is to realize the goals and aspirations of every Filipino.”
Tila marami na rin ang pinagdaanan ng Pilipinas matapos ang dalawang taong pamumuno ni Pangulong Marcos. Mula sa pagtaas ng mga bilihin, pagbabago ng standard minimum wage para sa mga manggagawang Pilipino, mga usapin tungkol sa Charter Change, Divorce, at SOGIE Bill, hanggang sa tensyon sa West Philippine Sea. Dahil dito, tila marami rin ang mga suliraning iniwan ng nakaraang administrasyon na kinailangan at kailangang tugunan ng Pangulo. Subalit, sa lahat ng nangyari at nangyayari sa Pilipinas, sapat na ba ang mga ito upang sabihin na may mga pagbabagong nangyayari sa bansa? Sapat na ba ang mga ito upang tayo ay matawag na ‘Bagong Pilipinas?’ Nagbago nga ba ang Pilipinas para sa ikabubuti o para sa mas masahol pa?
Bilang Pilipino na may pagmamahal, pakialam at malasakit;
Upang tayahin ang mga naturang ‘pagbabago,’ na nangyari sa bansa matapos ang dalawang taon, mahalagang hakbang ang pagbabalik sa mga nagdaan. Maaari itong simulan sa mga naging State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bilang kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura o Department of Agriculture (DA), isa sa mga binigyang-pansin ni Marcos ang kalagayan ng agrikultura sa Pilipinas sa kaniyang unang SONA. Aniya, “One of the main drivers of our push for growth and employment will be in the agricultural sector.” Bunsod nito ang plano ni Pangulong Marcos na taasan ang produksyon sa susunod na planting season sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinansyal at teknikal na tulong sa mga magsasaka, gaya ng mga punla, feeds, fuel subsidy, abono, at ayuda. Pagpapaliwanag niya, “Magbibigay tayo ng pautang, habang mas ilalapit natin sa sektor ng agrikultura ang hindi gaanong mahal na farm inputs na bibilhin na ng bulto ng gobyerno.” Bukod pa rito, inilatag din ni Marcos ang planong pagsuporta at pagpapalakas ng post-production at processing ng mga prosesong pang-agrikultura. Kabilang dito ang pagpapatayo ng mga national network ng farm-to-market roads upang mas mailapit ang mga magsasaka at kanilang mga produkto sa pamilihan. Kasama rin dito ang muling pagpapatakbo ng mga KADIWA Centers na naglalayong magbigay ng mga libreng puwesto para sa mga magsasaka na makapagbenta ng kanilang mga produkto. Ayon sa kaniya, “gagawa tayo ng mga paraan upang maramdaman ng mga mamimili ang pagluluwag ng presyo ng mga produktong pagkain sa kayang halaga, gaya ng muling pagbubuhay ng mga KADIWA Centers.”
Makalipas ang dalawang taon, tila nakakita rin naman ng paglago ang mga planong ibinahagi ni Pangulong Marcos para sa sektor ng agrikultura. Ayon sa VERA Files, naging matagumpay ang administrasyon sa pag-aabot ng tulong pinansyal at pagpapautang sa mga magsasaka para sa kanilang farm inputs. Noong Hunyo 2023 naman ay nailunsad na rin ng DA at ng Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) ang mga inisyal nilang plano hinggil sa pagbuo ng national farm-to-market roads. Samantala, patuloy namang pinapalawak ang mga KADIWA Centers, gaya na lamang ng tatlong naidagdag sa Metro Manila ngayong Hulyo 2024.
Subalit, sa kabila ng pagsisikap ng administrasyon na palakasin ang sektor ng agrikultura at merkado, kabi-kabilang suliranin pa rin ang kinahaharap ng mga naturang sektor makalipas ang dalawang taon. Kabilang na rito ang kanilang pagkabigong maibaba ang presyo ng mga produkto, lalo na ang bigas. Ayon sa Price Watch ng DA, ang presyo ng bigas sa National Capital Region (NCR) ay nagsisimula sa P48.55 hanggang P60.32 kada kilo. Bukod pa rito, ang iba pang mga produkto gaya ng sibuyas at bawang ay may retail price naman na P108 at P424 kada kilo—isang patunay na ang pamahalaan mismo ay nahihirapang isakatuparan ang kanilang ipinangako. Higit sa lahat, mababa rin ang minimum wage ng mga magsasaka sa presyong P608 lamang sa kabila ng poverty threshold na P452. Mag-abot man ng tulong pinansyal ang pamahalaan o magpautang para sa mga magsasakang Pilipino—paano naman nila ito mababayaran at maibabalik kung ang kanilang suweldo ay P608 kada araw at ang presyo ng mga bilihin ay kumakalahati na ng kanilang pera?
Kung gayon, hirap pa rin makaahon ang sektor ng agrikultura sa kabila ng mga alituntuning ipinatupad para sa kanila, na siyang nagpapakita na may mga suliranin sa pagpapatupad ng mga panukalang ito sapagkat kabaliktaran ang nangyayari at naidudulot nito para sa merkado at mga magsasakang Pilipino.
Hindi makasarili kundi para sa mas nakakarami;
Sa kabilang banda, binigyang-pansin din ni Pangulong Marcos ang sektor ng edukasyon sa kaniyang ikalawang SONA, kung saan isa sa kaniyang mga plano ay ang recalibration ng K to 10 program sa bansa. Dagdag pa niya, “We are recalibrating the K to 10 curriculum to ensure that it is always relevant, responsive, and at par with international standards.”
Tila napatunayang matagumpay ang panukalang ito nang ang recalibrated K to 10 program ay mailunsad noong Agosto 2023 sa ilalim ng bagong katagang ‘Matatag Curriculum.’ Ninanais ng panukalang ito ang pagbibigay-pansin at pagtuturo ng limang foundational skills, gaya ng language, reading and literacy, mathematics, makabansa, at good manners and right conduct mula kinder hanggang Grade 10. Samantala, ang pagpapatupad naman nito ay sisimulan na ngayong school year 2024-2025.
Dahil ang Matatag Curriculum ay tila bago sa paningin ng mga guro at ng mga mag-aaral, mahalagang mabantayan ang magiging mga progreso nito upang matiyak na ang naturang panukala ay nagbibigay ng oportunidad sa naturang sektor na maging maunlad at mapabuti pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa, sa kabila ng mga mabababang iskor ng mga estudyanteng Pilipino sa mga pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA). Noong 2022, lumabas na mula sa 81 na bansa, ang Pilipinas ay pang-anim sa huli sa reading at mathematics, samantalang pangatlo sa huli naman pagdating sa science. Bukod pa rito, mula sa 64 na bansa, pangalawa sa huli naman ang Pilipinas pagdating sa creative thinking.
Bunsod nito, lumalabas na ang mga suliranin sa mabababang PISA rankings ay patunay na hindi matatag ang pundasyon ng edukasyon sa bansa dahil kung ang paksa gaya ng reading ay mahirap na para sa mga estudyanteng Pilipino, paano pa kaya sila sa iba pang aspekto? Paano nga ba nila maiintindihan ang iba pang mga asignatura kung hindi sila marunong magbasa? Paano nila ito maiintindihan nang maayos kung hindi naitatag sa kanila ang maayos na pagpoproseso ng impormasyon?
Ang reading o reading comprehension ay nagsisilbing saligan o pundasyon ng bawat iba pang aspekto ng pagkatuto ng isang mag-aaral sapagkat dito maaaring mabuo ang proseso ng pag-iisip ng isang estudyante, lalo na sa pagpoproseso ng mga salita o pangungusap at mga impormasyon mula rito. Kung gayon, patunay rin ang mga mabababang PISA rankings sa pangangailangan ng agarang pagtugon at pagresolba rito sa pamamagitan ng pagpapalalim at pagbibigay-pansin sa aspekto ng pagbasa ng mga mag-aaral—isang bagay na dapat tutukan sa nalalapit na pagpapatupad ng Matatag Curriculum.
Higit sa lahat, naging pokus din ng ikalawang SONA ni Marcos ang mga foreign relations at foreign investments na ‘di umano’y natatanggap ng Pilipinas dulot ng kaniyang paglilibot sa iba’t ibang mga bansa. Ayon sa kaniya, “We have embarked on foreign trips to promote the interests of the country, for peace-building and for mutually beneficial purposes. These economic missions have yielded an estimated total investment value of 3.9 trillion pesos or 71 billion US dollars, with a potential to generate 175,000 jobs.” Dahil dito, sumampa na sa tumataginting na P1.4 bilyon ang pondong inilaan sa kaniyang opisina para sa pangangalap ng mga foreign investments sa pamamagitan ng kaniyang mga “foreign trips.”
Subalit, kung ang mga pamumuhunan na natanggap ng bansa mula sa mga dayuhan ay umabot na sa P3.9 trillion, na aniya ay makapagbibigay ng 175,000 na trabaho, bakit nga ba tumaas muli sa dalawang milyon ang mga Pilipinong walang hanap-buhay? Bukod pa rito, sa kabila ng kaliwa’t kanang foreign trips ng Pangulo upang mas mapatatag ang ating foreign investments at engagements, tila hindi ito tumatalab o gumagana upang makuha ng Pilipinas ang mabuti at tamang uri ng engagement o pakikipag-ugnayan mula sa Tsina. Sa kasalukuyan, patindi na nang patindi ang mga nagiging aksyon ng mga Chinese Coast Guard (CCG) tungo sa mga Philippine Coast Guard (PCG) na pumapalaot sa West Philippine Sea (WPS). Noong Hunyo 23, 2024, nabalitaang walo sa PCG ang nasaktan mula sa aksidenteng nangyari sa WPS na kinasangkutan ng CCG, kung saan naputulan pa ng daliri ang isang Pilipino.
Dahil dito, makikitang nagiging agresibo na ang aksyon ng mga Tsino sa mga Pilipinong napapadpad sa West Philippine Sea at maaring malagay sa panganib ang buhay ng mga mangingisdang Pilipino. Hindi na dapat pang magkibit-balikat pa ang pamahalaan tungkol sa isyung ito sapagkat ito ay may kinalaman sa pinangangalagaag teritoryo at soberanya ng bansa. Kung kaya namang maglibot at makapunta sa ibang bansa upang makakuha ng pamumuhunan mula sa mga dayuhan, bakit hindi na lang gamitin ang kakayahang ito upang ipagpatuloy ang mga diplomatikong pakikipag-ugnayan sa Tsina hinggil sa West Philippine Sea?
Samakatuwid, naipakita ng una at ikalawang SONA ng Pangulo na totoong may mga naging paglago ang mga bagay na ipinangako nito sa iba’t ibang sektor ng Pilipinas. Subalit, kasabay ng mga naging pag-unlad ng mga panukalang ito, ang mga nanatili at dumagdag pang suliranin sa bansa na nangangailangan ng agaran at mabilis na pagtugon mula sa administrasyon.
Tatahakin ko ang landas tungo sa isang Bagong Pilipinas!
Hindi maikakaila na may mga pagbabago at pag-unlad na nangyari sa bansa simula nang maupo bilang Presidente si Pangulong Marcos. Mula sa sektor ng agrikultura at edukasyon, ekonomiya ng Pilipinas, at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, lahat ng ito’y nakakita ng pagbabago—maliit man o hindi.
Subalit, sapat na ba ang mga ito upang masabing bago na ang Pilipinas? Nagkaroon nga ba ng “deep and fundamental transformations” ang mga sektor na ito? Paano nga ba masasabi ng administrasyon na ito ay makatotohanan?
Ang salitang bago o makabago ay nakikita at nararamdaman—pero sapat na ba ang nakikita natin upang masabi natin na tayo ay nakapagbago para sa ikabubuti ng sambayanan? Tamang uri nga ba ng pagbabago ang nakikita, nararamdaman, at nararanasan ng ating bayan?
Hindi man ito makakayang sagutin makalipas ang dalawang taong pamumuno at pagsisilbi ng administrasyong Marcos, ngunit patunay ang mga isyu sa loob at labas ng bansa na marami pang kailangang baguhin. May nagbago man, ngunit may kailangan pang magbago. Ayon nga sa Panata ng Bagong Pilipinas, panahon na upang maging mga Pilipino na may pagmamahal, pakialam, at malasakit, hindi lamang sa kapwa Pilipino, ngunit pati na rin sa karapatan at soberanya ng Pilipinas.
Malaki man ang nagbago sa Pilipinas, mas malaki pa rin ang kailangan pang baguhin.
