Kabataan, Makibaka, Huwag Matakot: Ang Paalala ng Batas Militar

Likha ni Lou

Ni Lili

Taliwas sa naging pagpapatahimik sa taumbayan noong panahon ng Martial Law, sinalubong ng malalakas na tinig ng pagproprotesta ang araw ng Sabado, Setyembre 21, 2024. Minarkahan ng araw na ito ang ika-52 anibersaryo ng pagpirma ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa Proklamasyon Blg. 1081, ang dokumentong nagpasailalim sa Pilipinas sa isang Batas Militar. Ang araw na ito ay sumisimbolo sa isang madilim at madugong yugto na bumalot sa mga Pilipino sa ilalim ng mga kamay ng isang Marcos. 

Isa ang grupo ng Southern Tagalog sa mga nagtipon sa Welcome Rotonda upang magsagawa ng isang rally tungkol sa naturang anibersaryo. Kabilang naman sa mga aktibidad na naglalayong alalahanin ang masalimuot na nakaraan ng Martial Law ay ang film screenings ng Active Vista, ang candle lighting at prayer program ng Ateneo de Davao University Community Engagement and Advocacy Council, ang candle lighting campaign ng Buhay Ang EDSA Campaign Network, at marami pang iba.

Sa kabilang banda, hindi rin pinalampas ng Ateneo de Manila Senior High School (ASHS) Sanggunian ang pagkakataong gunitain at alalahanin ang ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa bansa. Alinsunod sa temang SingKWENTA y Dos: A Martial Law Commemoration, hatid ng kinatawan ng mga mag-aaral ang iba’t ibang aktibidad, gaya ng ‘Tawag Niya, Tawag Mo’ (Noise Barrage), ‘Tudla ng Bayan’ (Flash Mob), ‘Isang Sagot, Isang Tanong (Flash Mob)’, ‘Dinig Kita’ (Film Viewing), ‘Daan ng San Juanico’ (Interactive Chalk and Paint Out Art), ‘Kamalayang Kamayan’ (Reflection Board), ‘Maisasagot Mo Kaya?’ (Interactive Question Board), at ‘Isinasatrono Ang Walang Sinasanto’ (Martial Law History Panel Board). 

Ang mga inisyatiba at protestang ito ay patunay na marami man ang nagdusa at nahulog sa patibong ng Batas Militar—may nakaalala. May mga nakaaalala, may nagtiyaga, may lumaban, may lumalaban, at may mga lalaban pa para sa ating hinaharap. Ang mga aktibidad na ito ay sagisag ng ating pagtindig at pag-alala sa nakagigimbal na nakaraan ng Pilipinas sa ilalim ng Martial Law. Higit sa lahat, ipinakikita ng kabataan, sa loob at labas ng ASHS, ang kanilang matinding hangarin na lumaban at tumindig, hindi lamang para sa karapatang pantao, kundi pati na rin sa ating kinabukasan.

Subalit, sa kabila ng mga inisyatibang ito, sa kasamaang palad, tila tinatahak muli ng Pilipinas ang parehong daan na kaniyang tinahak limampu’t dalawang taon na ang nakalipas. May bagong pangalan man ang daang ito, parehas pa rin ang mukha—ang pamilyang nangunguna rito. Walang magbabago sa isang Pilipinas na hindi kayang tanggapin at matuto sa kaniyang pinanggalingan. Hindi kailanman matatakpan ng isang ‘Bagong Pilipinas,’ ang sugat ng nakaraan. 

Kung kaya, ano nga ba ang silbi ng pag-alala kung hindi tayo matututo rito? Kung hindi tayo makukumbinsi sa ipinahihiwatig nito? Ano nga ba ang silbi ng mga sugat kung hindi tayo matututong mag-ingat? Kabataan, matapos ang iyong pag-alala at pakikibaka, ano pa ba ang magagawa mo para sa iyong kinabukasan?

Ang Pagbabalik sa Madugong Nakaraan

Nabuwag ang gabi ng sambayanang Pilipino nang humarap ang yumaong dating Pangulong Marcos sa pambansang telebisyon upang magdeklara ng Batas Militar sa Pilipinas noong Setyembre 23, 1972. Ayon sa Proklamasyon Blg. 1081, ang katwiran sa likod ng deklarasyon na ito ay ang mga “communist threats,” o “pagbabanta ng mga komunista,” sa bansa. Gayunpaman, sa lahat ng mga naging malalang paglabag sa karapatang pantao na naganap noong mga taon ng Batas Militar, hindi maiiwasan magtaka kung sino nga ba ang tunay na kalaban ng bansa. 

Ayon sa mga pinakalat na paniniwala tungkol sa panahon ng Martial Law, ang Pilipinas ay nagtamasa ng isang “golden age.” Ngunit, taliwas ito sa mga nakalap na mga tala at kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Batay sa pag-aaral nina JC Punongbayan at Kevin Mandrilla, ipinakikita ng mga datos na baon sa utang ang Pilipinas noong panahon ng rehimeng Marcos. Mula sa $8.2 bilyong halaga ng utang noong 1977, lumobo ito sa halagang $24.4 bilyon noong 1982. 

Sa kabilang banda, ayon naman sa tala ng Amnesty International, tinatayang 70,000 ang nakulong, 34,000 ang na-torture, at 3,240 ang pinatay noong panahon ng Martial Law. Bukod pa rito, hindi rin nakatakas ang mga kabataan at mamamahayag mula sa mahigpit na tanikala ni Marcos sa malayang paghahayag. Noong Setyembre 28, 1972, unang linggo ng Batas Militar, dagliang naglabas ang dating Pangulo ng isang Letter of Instruction No. 1 na naglalayong magbigay ng awtoridad sa mga militar na pamahalaan ang mga ari-arian ng malalaking media outlet sa bansa, gaya ng ABS-CBN, Channel 5, at iba pang mga istasyon ng radyo.

Samantalang ang kabataan naman na sina Liliosa Hilao, Archimedes Trajano, Maria Elena Ang, Trinidad Herrera, at iba pa na buong-tapang na nagsalita at lumaban sa diktaduryang Marcos ay ilan lamang sa kabataang nagdusa at namatay sa ilalim ng Martial Law. 

Matatandaang nagsimula ang Batas Militar sa layuning mabigyan ng proteksyon ang bansa mula sa mga banta ng komunista. Subalit, sa pagpapatuloy nito, batay sa mga tala at datos na nakalap, mas naging malinaw na marahil mas kinailangan natin ng proteksyon mula sa sarili nating gobyerno. Isang madilim, masalimuot, at madugong kapanahunan ang itinayo at ipinamalas ni dating Pangulong Marcos, taliwas sa isang payapa at maaliwalas na pamamahala—taliwas sa sinasabing golden age

Hindi man nabigyan ng mukha—hindi man nabigyan ng hustisya ang 70,000 na nakulong, ang 34,000 na na-torture, o ang 3,240 na pinatay, ang kanilang mga kuwento, mga ipinaglaban, at mga dahilan ng kanilang paghihirap o pagkamatay ay nagsisilbing isang paalala sa atin tungkol sa ating pinaggalingan. Ang mga sugat na iniwan ng Batas Militar ay paalala sa pagdurusang naranasan ng ating mga kababayan—ng ating bansa sa ilalim ng sarili nitong Pangulo. 

Ang Hamon ng Ating Madilim na Kasaysayan

Ngunit, sa kabilang banda, ang mga nakagigimbal na pangyayari ng Batas Militar ay higit pa sa isang paalala. Tinatawag tayo ng mga masalimuot na pangyayari, ng mga pinahirapan, at ng mga kamatayan na huwag lamang basta alalahanin ang nangyari ngunit gawin ang lahat ng ating makakaya upang hindi maulit ang kasaysayan. Ang mga nangyari noong Martial Law ay nagsisilbing hamon sa atin na pumili ng mas mahusay, may kakayahan, at mabubuting pinuno na may totoo at mabuting intensyon para sa ating bayan.

Bukod pa rito, sa kabila ng katotohanan na muling binigyan at inihalal ng bansa ang isang miyembro ng pamilyang Marcos sa upuan ng kapangyarihan, nararapat din nating tanggapin ang katotohanan na habang hindi natin kayang mababago ang nakaraan, mayroon tayong ganap na kapangyarihan upang baguhin ang ating kinabukasan. Nasa ating mga kamay, sa ating mga boto, ang susi sa pintuan ng pagbabago—sa bagong Pilipinas. Kung kaya, sa darating na halalan, nawa’y magsilbing gabay sa atin ang mga pangyayari, hindi lamang noong Martial Law, ngunit pati na rin ang mga pangyayari nitong nakaraang taon. 

Ang nalalapit na Halalan 2025 o midterm elecctions ay isang oportunidad para sa mga Pilipino na maghalal ng mga bagong pinuno mula sa Kongreso na binubuo ng Senado o Senate at Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas o House of Representatives hanggang sa mga lungsod at maliliit na munisipalidad. Hinihikayat naman ni House Speaker Martin Romualdez ang kabataan na makilahok sa halalang ito. Dagdag pa ni Romualdez, “The youth are the backbone of our nation’s future. Their active participation in the upcoming elections is crucial in ensuring that their concerns, aspirations, and vision for the country are represented and addressed by our leaders.”

Ang Papel ng Kabataan sa Halalan 

Ang katagang “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” ay isa sa mga iniwang kataga ni Dr. Jose Rizal na tila isa rin sa mga madalas nating marinig. Ipinapaalala ng katagang ito ang kahalagahan ng papel at tungkulin na ginagampanan ng kabataan sa ating bayan. Subalit, sa isang bansang gaya ng Pilipinas, tila mahirap para sa kabataan ang makisama at makisangkot sa mga tungkuling panlipunan, lalo na sa politika. Lumalabas sa pag-aaral nina Ibardeloza et al. na isa sa mga aspekto na humahadlang sa kabataan na makilahok sa mga usaping politikal ay ang takot na ang kanilang pakikilahok ay maglagay ng kanilang buhay sa panganib. Ayon naman sa pagsusuri ni Bunquin, ang kabataan ay pinanghihinaan ng loob na makisali sa mga usaping politikal dulot ng diskriminasyon o hindi pagkakapantay-pantay ng edad. 

Subalit, sa kabila ng mga hadlang, ngayong ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa Pilipinas, nagawang maipakita, hindi lamang ng komunidad ng ASHS, kundi ng ibang kabataan ang kanilang karapatang makilahok—ang kanilang karapatang magsalita at makibaka para sa kanilang paniniwala at pinaninindigan sa buhay. Naipakita natin na, ngayon pa lamang, sa ating edad, mayroon tayong pinaninindigan, mayroon tayong pinaglalaban, at mayroon tayong boses na dapat nilang pakinggan. Panahon na upang ipakita na ang kabataan ay may masasabi sa nangyari at nangyayari sa bansa. Ang kabataan ay hindi lamang pag-asa ng bayan. Bagkus, ang kabataan ay boses ng kalayaan. 

Kung kaya, tinatawag ng Halalan 2025 ang bawat isa sa atin, hindi lamang ang nakatatanda, kundi lalo na ang kabataan, na kunin ang pagkakataong mabago at mahubog ang ating kinabukasan tungo sa mas mapagpalayang bayan—isang malaya sa pang-aapi at katiwalian.

Matapos ang ating pakikibaka at pagtindig sa karapatang pantao, nararapat lamang na tayo’y magparehistro at bumoto. Sa pagkakataong ito, mayroon tayong masasabi—mayroon tayong boto. Tayo naman ay makibaka at tumindig, makialam at bumoto—para sa bayan, para sa mga Pilipino.

Kabataan, nasa kamay mo ang pagbabago—nasa boto mo nakasalalay ang tunay na Bagong Pilipinas.

Leave a comment