Tanghalan ng Katotohanan: Pagninilay sa Dalawang Dula ni Dumol

Likha ni Hans Paigones

Isinulat nina Marielle Orbong at Aeron Montallana

TALA NG EDITOR: Magandang araw! Ang lathalain na ito ay naglalahad ng ilang mahalagang detalye tungkol sa mga dula ni Dumol. Sa madaling salita, nagbibigay ito ng spoilers. Bukod dito, ang laman ng lathalaing ito ay galing sa interpretasyon ng mga may-akda, at hindi opisyal. Ang sining ay walang-takda hangga’t may sinabi ang lumikha. 

May kaginhawaan pa ba sa ating lipunan?’’ Iyan ang kaisipang naisambit ng mga manonood matapos masaksihan ang landas na tinahak ng mga tauhan.

Sa masining at malawak na mundo ng pagsasadula, bawat eksena nito’y namutawi sa puso ng madla. Ang mga pagtatanghal na ito ay sumasalamin sa katayuan ng ating lipunan at maging sa buhay ng bawat indibidwal.

Ang Dulaang Sibol ay isang organisasyon ng Mataas na Paaralan ng Ateneo na nagtatanghal ng iba’t ibang dula na nagsimula noong 1955. Ito ay karaniwang puno ng awitin at pagsasalaysay ng isang kuwento sa malikhaing paraan ng pag-aarte sa entablado. Samot-saring tema ang maipapalabas dito na tiyak na maaaliw ang bawat manonood.

Bukod sa kariktan nito, layunin din ng samahang ito ang makapagpalaganap ng makabuluhang mensahe at maimulat ang kabataan sa mga isyung panlipunan sa kasalukuyang panahon. 

Isa sa mga kilalang may-akda sa Dulaang Sibol ay si Paul Dumol; isang mananalaysay, at manunulat ng dulang itinatanghal sa Pilipinas. Mula sa pamantasan ng Ateneo de Manila, siya ay umakda ng dalawang obra maestra na lubos na kinikilala ngayon lalo na sa larangan ng dulaan.

Sa pagtuklas sa mga akdang dula ni Dumol, nagpasinaya ng pagtatanghal ang Dulaang Sibol noong Septyembre 21, araw ng Sabado. Sinimulan ang mga palabas sa magkasunod na araw upang maging bukas ito sa lahat ng nais makilahok at masaksihan ang kanilang inihanda.

PITHAYA SA NAGLAHONG TIMAMANUKIN

Mababanaag sa unang dulang “Ang Puting Timamanukin,” ang paghihirap ng pangunahing tauhang si Animong Bata; isang aninong nangungulila sa kaniyang puting timamanukin (Asa). Binalot ng awa ang buong entablado matapos ipakitang ang ugat ng kinahinatnan ng pangunahing tauhan ay dahil sa alitan ng kaniyang mga magulang na iniwan siyang mag-isa.

Umikot ang kabuuan ng palabas sa pantasya ng paralisadong bata kasama ang tatlong haring sina Haring Mala (malaking bata), Haring Pepe (pipe), at Haring Ale (alingawngaw), ang mga naglatag ng malawak na pananaw sa kaniyang kinahaharap na suliranin. 

Sa gitna ng pagkaalila ng bata sa kaniyang nawawalang puting timamanukin, nakilala niya ang tatlong haring layuning mahanap ang natatanging tubig na pinaniniwalaan nilang makasasagot sa matagal na nilang hinihiling. 

Para kay Haring Mala, mabubuhay ng tubig na ito ang mga nalalanta niyang ani. Gagamitin naman ni Haring Pepe sa pagbubugaw ng aninong naninilbihan sa kaniyang sarili at pumipigil sa kaniyang pagsasalita ang tubig. Samantala, para kay Haring Ale, ang lumisan niyang karunungan ang pangunahin niyang hinahanap. 

Nang ang mga hari naman ang nakarinig sa suliranin ng bata, pinayuhan nila itong dapat muna siyang pumanaw upang makita niya ulit ang kaniyang puting timamanukin. Ang kaniyang pagpanaw ay maaaring magsilbing repleksyon ng pagkitil niya sa sariling kapakanan, kung saan makalalaya siya mula sa sakit at kalungkutang nararamdaman kapag winakasan niya ang kaniyang buhay. 

Lubos na nagdalamhati ang bata sa unti-unting pagsilakbo ng kaniyang damdamin. Subalit, nagpasya siyang hayaan na lang na mawala si Asa at tuluyan na ngang hindi ito nakita sa huli—posibleng indikasyon ng pagtanggap niya sa katotohanan na siya ay isang alila at ang posibleng indikasyon ng pagtanggap niya sa katotohanan na siya’y isang alila at ang bigat ng buhay ang kaniyang kalaban.

“Pabayaan mo nang mawala si Asa. Ang pag-iisa’y mas mabuti.”

Iyan ang naging madiin na sambit ng bata matapos mahantong ang rurok ng pagkaulila.  Naging isa ito sa mga nangibabaw na bahagi ng dula, mula sa iniwang pagkagulantang sa mga manonood matapos umakyat sa pinakamataas na palapag ng scaffolding ladder—bahagi ng set—ang pangunahing tauhan at mistulang nagdalawang-isip na bawiin ang buhay.

Sa panimulang dula pa lamang na ito, bumungad na agad sa madla ang matinding emosyon ng mga gumanap na aktor sa pagtatanghal. Naging tulay rin ang mga madamdaming linyang binitawan nila upang gisingin ang kasabikan ng madla. Higit pa itong binigyang-kulay ng mga himig at tugong maririnig mula sa mga pansuportang karakter na nasa paligid sa bawat pagkakataong ibinabahagi ni Haring Mala ang kaniyang pananaw at nagdududa ang Animong Bata sa kaniyang sarili.

Karagdagan pa rito, naging malaking sangkap ang pagbagsak ng mga ritmo at ang pagpapalit ng ilaw sa kapaligiran sa pagbibigay-diin sa bitbit na katangian ng tatlong hari at ng bata. Winakasan ito ng pagbalot ng kadiliman at dagling katahimikan sa kabuuan ng teatro.

Bagaman tumagal lamang nang mahigit kumulang limampung minuto ang unang palabas, itinampok agad nito ang isa sa mga pasabog na inihanda ng Dulaang Sibol sa entablado.

BINULAG NA KATOTOHANAN

Pagdako naman sa pangalawang dula, “Ang Paglilitis kay Mang Serapio,” natunghayan ang mga madidilim na pangyayaring nararanasan ng mga mamamayang nasa ilalim ng pederasyon. Ito ay patungkol sa isang tauhan na si Mang Serapio, isang miyembro ng pederasyon ng mga namamalimos, na siyang isinusuko ang kanilang kita sa kanilang lider pagkatapos ng trabaho. Hanggang sa isang araw, biglaan na lamang nagbago ang takbo kaniyang mundo dulot ng isang masidhing sakuna.

Sa unang eksena pa lamang, saksi na ang madla sa mabigat na pasang bitbit ni Mang Serapio sa hukuman nang harapin ang akusasyong ipinatong sa kaniya na pag-aaruga ng bata, sapagkat naghahatid ito sa paggasta ng pera—na itinuturing bilang pag-aaksaya sa pondo ng pederasyon. 

Walang kaalam-alam ang pangunahing tauhan sa krimeng isinisi sa kaniya at kung bakit kinailanganniyang dumaan sa isang paglilitis. Gayunpaman, bunsod ng kawalan ng sapat na kapangyarihan upang ipaglaban ang kaniyang karapatan, wala siyang nagawa kung hindi sundinang utos at linawin ang sarili mula sa pagkakasalang ipinataw sa kaniya nang walang makatwirang rason.

Mayroon siyang anak na si Sol na matagal nang patay, ngunit marahas pa ring iginigiit ng pederasyon na may alaga itong bata. Bagaman ilang beses niyang ipinaglaban na tatlong taon nang umano ang nakalipas mula nang yumao ang anak mula sa pagkasagasa ng sasakyan, hindi nagpatinag ang hukuman at pilit siyang pinagdudahan. 

Kalaunan, ipinatawag naman ang mga saksi na nagbantay sa mga galaw ni Mang Serapio sa loob ng isang linggo. Iginiit nilang nagsisinungaling lamang si Mang Serapio na patay na ang anak, dahil tiyak sila sa narinig na pakikipag-usap ng matanda sa kaniya.

Ito na Sol, kumain ka na, isuot mamaya ang damit na pula.” Ito anila ang linyang binitawan ng nangungulilang ama sa anak. Naglaro sa isipan ng bawat tauhan ang narinig na pahayag kaya’t mas lalo silang pumanig sa patotoo ng mga nagpabatid.

Samakatuwid, nagpalabas din ng mga utusan ang pederasyon upang malaman na ang katotohanan. Sinalakay nila ang tahanan ni Mang Serapio at kinuha ang isang malaking baul na pinaghihinalaan nilang may laman. Ginawa lahat ng matanda para pigilan silang buksan ang baul, ngunit siya ay pinagtulungan at ipinadapa. Nang buksan nila ito, nakita nila ang isang manika na pinahahalagahan ni Mang Serapio dahil anak ang turing niya rito. 

Ramdam sa buong teatro ang patinding kasukdulan sa eksenang iyon. Ikinagulat ng lahat ang hindi inaasahang pangyayari kaya’t nagmistulang peryahan ang halo-halong reaksyon ng madla. Nasaksihan sa kanilang pag-arte ang pagtangis ng pangunahing tauhan at ang walang humpay na paggigiit ng pederasyon makuha lamang ang kanilang hinahanap mula sa kaniya.

Labis na nadismaya ang buong pederasyon at nagpasya silang ituloy ang paghatol kay Mang Serapio. Ang pagtataksil ay may kaakibat na kaparusahan, kaya ang matanda ay binulag nang walang awa.

Bumuhos ang emosyon ng madla nang masilayan ang nakakaantig ng pusong eksena. Nabalot ng dilim ang entablado kasabay ng matinding musika na narinig sa buong tanghalan na siyang nagpasiklab ng damdamin ng mga manonood. Tanging sigaw ng pagkabalisa lamang ng tauhan ang nangibabaw sa mga sandaling iyon. Sa huli, ang bawat hinagpis ni Mang Serapio ay nagtapos sa karimlan.

BAKAS NG HIWAGA

Hindi maipagkakailang malaki ang iniwang marka ng dalawang palabas sa pananaw ng madlang nakasaksi sa ipinararating nitong mensahe sa mga mamamayan. Mula sa mga panayam sa mga magulang at mag-aaral na dumalo, higit na nangibabaw para sa kanila ang palaisipang “Ano nga ba ang hiwagang ikinukubli ng dalawang obra maestrang itinampok sa teatro?” matapos ang panonood.

Bagaman maaaring nag-iwan ng malawak na interpretasyon ang dalawang dulang ito, ang natatanging kadalubhasaan ng bawat gumanap na aktor kasabay ng pagbitaw ng mga linya ang nailantad na kasagutan sa pagsisiwalat ng hiwagang taglay ng mga ito.

Naging tulay rin ang mga malikhaing kagamitang ibinida sa entablado upang mabigyan ng malinaw na imahinasyon ang mga manonood tungkol sa lalim ng kwento, at ang dramatikong tugtugin upang higit pang maramdaman ang atmospera ng bawat akto. Sa huling sandali, ang buong teatro ay nakibahagi upang magbigay-karalangan sa pambansang awit na nagpalalim ng pagkilala sa ating kakanyahan. Nag-iwan naman ng makabuluhang aral ang pagsasadula na tiyak na nagpalawig ng isip ng madla na siyang hatid ng husay na ipinamalas ng samahang Dulaang Sibol. 

Umapaw ang reaksyon at komento mula sa mga manonood ukol sa kanilang nasaksihang tagumpay handog ng kagila-gilalas na presentasyon. Ipinahiwatig ng pagtatanghal na ang isang akda ay hindi lamang nakasulat o naitatala, marahil ito rin ay maisasabuhay na may layong magpalawak ng ating isipan. Sa malayang pagpapahayag, masisilayan mula rito ang diwa ng panitikang Pilipino at ng bayang sinasagisag nito.

Dula, isang uri ng panitikang bumoboses sa bawat tao tungo sa tunay na kasarinlan. Lumahok, makibahagi, at gunitain ang kahalagahan ng sining.

Leave a comment