
By Lia Atienza
Binuksan na ng mga mag-aaral ng Ateneo Senior High School (ASHS) ang kani-kanilang negosyo para sa Katipunan Fund Drive (KFD) noong Martes, ika-12 ng Nobyembre, sa ASHS Main Building.
Nagsimula ang araw ng KFD noong Martes sa common reflection na ibinahagi ni Bb. Kaia Catacutan, isang guro sa CSIP, tungkol sa kasaysayan at kahalagahan ng KFD sa ating komunidad.
KaBayanI
Ayon sa pagninilay, ang KFD ay nagsimula noong 1995 bilang “Pinatubo Drive,” kung saan nagbigay ng tulong ang mga estudyante ng Ateneo High School sa mga naapektuhan ng pagputok ng Mt. Pinatubo, bago ito ginawang taunang proyekto ni Fr. Raymond T. Holscher SJ noong 2003.
Bahagi rin ng pagninilay ang kahalagahan ng KFD, lalo na sa konteksto ng kasalukuyang lagay ng ating bansa.
“Ngayong taong 2024, halos buwan-buwang may kalamidad–dahil daw ito sa climate change. Sinusubukang tugunan ng KFD ang mga naapektuhan,” ayon kay Bb. Catacutan sa kanyang pagninilay.
Sa pagtatapos ng common reflection, inihayag ang tema ng KFD ngayong taon, “Kapwa Bayan Sarili,” at inaanyayahan ang komunidad ng ASHS maging isang “Kabayani,” na may kakayahang makapagbago ng lipunan.
Pinunong-Lingkod (Servant-Leaders)
Isa sa mga layunin ng KFD ang pagbubuo ng isang pinunong-lingkod, o servant-leader, sa pamamaraan ng paggawa at pag-oorganisa ng isang negosyo bilang mag-aaral.
Ayon kay Martin Mañaol, CEO ng Wrightfully Sweet ng 11-Wright, natutuhan niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pasensya at responsibilidad bilang lider upang maging matagumpay ang negosyo ng kaniyang klase.
Dagdag din ni Jian Juanengo, CEO ng MakMak Sweetened Sari-Sari Store ng 11-Hoyos, “Ang pinaka-essence ng KFD sa’kin is you’re leading to serve those who need to be served.”
