
By Lia Atienza and Glaiza Salanio
Isinagawa ng bawat strand ang kanilang mga aktibidad para sa strand week sa Ateneo Senior High School (ASHS) mula Lunes, ika-25 ng Nobyembre, hanggang Huwebes, ika-28 ng Nobyembre.
Bilang pahinga mula sa mga pang-akademikong kaganapan, ang bawat araw ng mga strand ay nagtampok ng kanilang kakayahan bilang mag-aaral sa paraan ng iba’t ibang laro, pagtatanghal, at iba pa, sa Formation Learning Center (FLC) building at field.
GA, Go!
Nagsimula ang strand week sa pagdiriwang ng General Academic (GA) strand noong Lunes, ika-25 ng Nobyembre.
Gamit ang “Squid Game,” at “It’s a Small World,” bilang inspirasyon, nilalayon ng strand na ipagdiwang ang pagiging bukod-tangi ng iba’t ibang kultura sa mundo.
Ayon sa isang estudyante mula 11-Escribano, “Siyempre sobrang excited ako kasi, for the first time, makakapaglaro kaming lahat GA sections all together… all in all masaya naman kasi nakapag-bonding with people na di mo kilala at kilala mo rin.”
Ang mga laro, tulad ng tug of war at agawan base, ang naging pampasigla ng araw, pati na rin ang pagtatanghal ng mga mag-aaral.
Siklab, STEM!
Sumunod ang Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) strand noong Martes, ika-26 ng Nobyembre, na may temang “STEMasigasig,” nagtatampok ng iba’t ibang laro kagaya ng patintero, sack relay, at pass the water.
Bilang strand na may pinakamaraming populasyon sa ASHS, hinati sa apat na grupo ang mga seksyon ng ika-11 at ika-12 baitang para sa mga aktibidad.
Naging parte rin ng araw na ito ang parada ng bawat seksyon mula SHS Building hanggang FLC, na nagpapahayag ng mga kasuotan batay sa temang “Batang 90s,” at ang mini-concert na ginanap.
“Para sa akin, ang strand day ay ang araw kung saan puwedeng magpahinga sa mga asignatura at makipaglaro at makipagsaya sa mga kaklase,” banggit ng isang mag-aaral ng 12-Walpole.
Husay, HumSS!
Sa kabilang dako, ang strand day ng Humanities and Social Sciences (HumSS) strand ay naganap noong Miyerkules, ika-27 ng Nobyembre, gamit ang temang “Pistang Humanista,” at bahagi nito ang iba’t ibang palarong Pinoy kagaya ng palo sebo, agawang-buko, kadang kadang, at iba pa.
“Labis kong ikinagalak ang bawat sandaling binahagi ko kasama ang aking nakakatandang kamag-aral,” sabi ng isang estudyante mula 11-Hoyos.
Nagbahagi rin ang iba’t ibang mag-aaral ng kanilang talento sa musika, sa pamamaraan ng pagtatanghal mula sa mga banda, at pananamit sa bahagi ng “Reyna Elena.”
ABM, Powered!
Ang Accounting and Business Management (ABM) strand ang huling nagdiwang ng kanilang strand day noong Huwebes, ika-28 ng Nobyembre, na may inspirasyon mula sa “Money Heist.”
Binigyang buhay ng mga larong “Cash Me If You Can,” (dodgeball), “Agawan Pera,” (agawan panyo), “Bank Heist,” (obstacle course), at “Capture the Bag,” (patintero) ang araw ng mga estudyante ng ABM strand.
“Napakahalaga ng pagkakaroon ng strand day kasi ito ‘yung panahong nakikilala ng bawat isa ‘yung kaniyang mga kasama at makakasama. Sa pamamagitan ng mga laro at patimpalak, nahuhubog tayo na makisalamuha at makisama sa mga taong nasa paligid natin na siyang nagsusulong sa pagkakaisa ng isang strand,” bahagi ng isang mag-aaral ng 12-Arnaiz.
Pagbuo ng Komunidad
Ang pagdiriwang ng strand week sa ASHS ay nagbigay ng oportunidad para magpahinga at magsaya ang mga estudyante kasama ang kanilang mga kamag-aaral sa kanilang strand.
Sabi ng isang guro sa ASHS, “I think na yung objective ng strand day na ihalo yung grade 11 at grade 12, ang ganda ng konsepto na ginagawa sa strand day kasi mas nakikilala nila ang kapuwa nilang HumSS, for example, and at the same time, nakakapag-bond sila… I think doon mas napapalalim ang samahan natin bilang isang komunidad.”
