Simbang Gabi: Siyam na Misa Tungo sa Tunay na Liwanag ng Pasko

Dibuho ni Olivia Infante

ni Antonio Repe

Ang Simbang Gabi ay tulad ng isang bituin sa gitna ng malamig at abalang Disyembre—nagniningning upang paalalahanan tayo na ang diwa ng Pasko ay hindi nakasalalay sa makikinang na dekorasyon o malalaking regalo, kundi sa init ng ating pananampalataya at espiritwal na pagninilay. Sa pagdiriwang ng Pasko, marami ang abala sa mga handa, regalo, at mga salu-salo, ngunit madalas ay nalilimutan natin ang tunay na kahulugan ng mga tradisyon na nagbibigay-buhay sa Kapaskuhan.

Noong mga nakaraang taon matapos ang pandemya, ang pagdalo ng Simbang Gabi ay tila naging isang trend na lamang para sa iilang Pilipino, lalo na sa bagong henerasyon. Naging patok sa mga social media platforms, tulad ng Tiktok, ang “Simbang Gabi outfit check,” at “Ang Kampana dance trend,” na tila nagdadala ng bagong sigla sa tradisyon. Gayunpaman, sa likod ng katuwaang ito, mahirap iwasan ang tanong: alam pa ba ng mga tao ang tunay na layunin ng Simbang Gabi—ang espiritwal na paghahanda sa Pasko?

Ang Diwa ng Simbang Gabi

Ang Simbang Gabi ay higit pa sa isang tradisyon—ito ay simbolo ng pananampalataya at espiritwal na paghahanda sa pagdating ng Pasko. Mula sa pinagmulan nito noong 1669, itinakda ito bilang isang serye ng siyam na misa tuwing madaling araw upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na makapagsimba bago simulan ang kanilang araw sa bukid. Ito’y sinisimulan tuwing ika-16 ng Disyembre hanggang ika-24. Bilang isang sagradong tradisyon na nag-ugat sa sakripisyo at debosyon, ang Simbang-Gabi ay tunay na nagbibigay-buhay sa diwa ng Kapaskuhan sa mga Pilipino.

Sa kabilang banda, ang araw naman ng Pasko ay isang selebrasyon para sa kapanganakan ni Hesukristo, samantalang ang Simbang Gabi ay isang paghahanda sa pagdiriwang na ito. Subalit, sa paglipas ng panahon, tila nababalot ng iba’t ibang kulay ang liwanag ng tradisyong ito. 

Para sa ilan, ito ay isang espiritwal na tungkulin—isang paraan upang mapalapit sa Diyos at sa kapwa. May mga iba namang naniniwalang ang kumpletong pagdalo sa siyam na misa ay magdudulot ng katuparan ng kanilang “Christmas wish,” habang ang iba’y tinitingnan ito bilang bahagi ng kanilang kultural na pagkakakilanlan. Sa kabila nito, isang nakababahalang katotohanan din ang lumilitaw—ang Simbang Gabi, sa mata ng ilang kabataan at netizens, ay tila nagiging kasangkapan para lamang ibahagi ang kanilang bagong kasuotan o pagsunod sa mga trending na pakulo sa social media, isang kagawiang taliwas sa kakanyahan ng seremonya. Sa gitna ng paglaganap ng kaugaliang ito, paano nga ba natin mapapangalagaan at mapapalaganap ang tunay na kahulugan ng Simbang Gabi sa makabagong panahon?

Simbang Gabi sa Makabagong Panahon

Sa gitna ng modernisasyon at pag-usbong ng komersyalismo sa selebrasyon ng Pasko, nagiging hamon ang pananatili ng diwa at halaga ng mga tradisyon tulad ng Simbang Gabi. Noong 2023, isang patok na trend sa social media ang “Simbang Gabi outfit check,” kung saan ipinakikita ng mga netizens ang kanilang kasuotan sa pagdalo ng misa. Bagaman wala namang masama sa pagpapakita ng estilo ng pananamit, nararapat lamang na ating tandaan na ang kasuotan sa Simbang Gabi ay hindi lamang para sa personal na pagpapakita o pagsunod sa uso. Ito ay nararapat na iniaakma sa kabanalan ng seremonya.

Hindi maitatangging nakatutuwang makita ang kabataan na dumadalo sa mga misang ito, ngunit dapat din nating tandaan na mahalagang makita, hindi lamang ang ating presensiya, kundi ang ating intensyon sa pagdalo sa bawat misa. Ang Simbang Gabi ay higit sa isang simpleng aktibidad na ginagawa para sa mga social media posts. Sa bawat misa, inaanyayahan tayo na pumasok sa isang espasyong puno ng pagninilay, pagsamba, at pagpapalalim ng ating relasyon sa Diyos. 

Pagbabalik sa Liwanag ng Pasko

Sa kabila ng lahat ng ito, nawa’y hindi natin malimutan ang tunay na diwa ng Pasko na matatagpuan sa ating pananampalataya at relasyon sa Diyos. Ang Simbang Gabi, na nagsimula bilang sagradong tradisyon, ay patuloy na nagsisilbing gabay upang tayo’y magbalik-loob at maghanda sa espiritwal na kahulugan ng Pasko. 

Sa gitna ng pagiging abala natin sa paghahanda ng noche buena, pagbiyahe sa matinding trapiko, at pagdalo sa mga salu-salo, higit na nakalulugod malaman na may oras pa rin ang karamihan upang kumpletuhin ang siyam ng misa ng Simbang Gabi. Bagaman mahalaga ang pagdalo sa mga misa, dapat nating alamin ang espiritwal na layunin sa likod ng bawat misa at huwag hayaan na masilaw tayo sa mga materyal na aspekto ng pagdiriwang.

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakikita natin ang kahalagahan ng bawat misa, ngunit sa bawat hakbang na ginagawa natin patungo sa simbahan, sana’y magningning sa ating puso ang tunay na liwanag ng Pasko. Matapos ang lahat, si Hesus ang bituin na ibinigay sa atin sa araw ng Pasko, na siyang nagniningning at gumagabay sa atin tungo sa tunay na diwa nito. Sa bawat tunog ng kampana, nawa’y madala natin ang diwa ng Pasko sa ating mga buhay at maging tunay na saksi sa Kanyang pag-ibig at biyaya. 

Leave a comment