NayTay: Nanay na, Tatay pa, at Guro din

ni Gael Mindanao

ni Antonio Reyham R. Baesa

Kumaayod sa umaga. Kumakalinga sa gabi. Sila ang mga taong binubuhay ng ASHS at mga taong bumubuhay sa ASHS.

Patay ang ilaw, tumutugtog ang gitara, at kalat ang mga liham na pinunit mula sa kwaderno, sabayan mo pa ng “Ma’am/Sir, may nagsusuntukan po!” Paniguradong may inihanda nang sorpresa para sa mga hinahangaan nating guro. Sa buwan na ito, ipinagdiriwang ang World Teachers’ Day. Gayunpaman, paano naman ang mga taong nasa likod ng pagdiriwang na ito, ang mga custodians na naglilinis ng konfeti at mga guard na naghahatid ng mga ipinadalang piging? 

Nangungunang Ngiti: Mainit na Kape’t Pagmamahal

Natatandaan mo pa ba ang unang taong tinamaan nang iyong tanaw sa ASHS? Si pal ba ito? Si future mod? O si crush? Malamang sa malamang, iyan ang una mong maiisip. Gayunman, marahil sina ate at kuya guard iyon, na siyang unang sasalubong at huling magpapaalam sa’yo—umulan man o umaraw, malugod ka man o malumbay, kanilang lakas ay tila hindi napapawi. Anong kape kaya ang iniinom nila?

Paniguradong sa mahaba at nakaiinip na pila tuwing umaga’y mapagmamasdan niyo na kaagaad sila—sila ang mga ngiting bumubungad sa pasilyo ng paaralan, ang mga security guards. Tibay at tapang—gaya ng barakong kape, taglay nila ang dibdib na handang gibain ang bawat pader upang panindigan ang kanilang tungkuling sinumpaan: “to protect the lives of the public.” Isa na rito si Sir Joseph Balag, magdadalawampu’t tatlong taon nang nagsisilbi sa pamantasan at limang taon sa ASHS. 

Tulad ng kapeng tumitindig sa matinding bagyo at bumabagtas sa tirik ng araw, si Sir Joseph ay palaging alerto sa tawag ng pangangailangan, hindi lamang sa komunidad ng ASHS, kung hindi sa kaniyang pamilya. Alas tres pa lang ng madaling-araw ay umaamoy na ang halimuyak ng kape ni Sir Joseph. Hindi pa man sumisikat ang araw, handa na siyang pumasok sa paaralan—hindi para mag-aral, kundi upang mapagtapos niya ng pag-aaral ang isa pa niyang anak sa isang pampublikong paaralan. Sa kabila ng kumakalam na sikumura, gugugulin na ni Sir Joseph ang nalalabing tatlong oras upang halughugin ang mga kustal ng bawat estudyanteng pumapasok sa ASHS, makita lamang ang tinatagong gunting. Matapos nito, handa na siyang gumupit ng galyetas para sa kaniyang agahan. 

Sa unti-unting pagbalot ng karimlan at katahimikan, ang paglalagalag niya ay hindi matigil—tingin dito, silip doon. Matatapos na ang kalahating araw na pagkayod ni Sir Joseph, panahon na para kanlungan niya ang kaniyang pamilya. Maaga man o umaga na siya makauwi, may mga taong mananatiling nakapila sa kaniyang bulwagan, hindi upang maghalukay ng bulsikot, kung maibsan ang pangungulila sa tinatawag nilang ‘tatay.’ Sa kaniyang mga binitawang salita, sinabi niya, “Ang pamilya ko naman, hindi kumakain hangga’t hindi ako dumarating. Sama-sama kaming kumakain ng pamilya ko—kung ano man ang pagsaluhan namin, masarap man o hindi, mas lalong sumasarap ‘yon dahil kasama ko sila.”

Tamis ng Tungkulin

Sumasang-ayon naman dito si Geronimo Opada, dating K-9 handler ng security department at ngayo’y isang custodian. Inilarawan niyang pamamalengke ang isa sa mga ‘bonding’ nila ng kaniyang kabiyak. Pagpatak ng ganap na alas singko ng madaling-araw, hindi lamang almusal ng kanilang tatlong supling ang inihahanda nila, kundi maging ang mga putahe sa kanilang munting sideline—ang pagtitinda sa tabi ng paaralan. Ilan sa mga pagkaing nakahain sa kanilang hapag ang sopas, champorado, at spaghetti, na patok na patok sa mga mag-aaral na dumadaan sa kanilang tahanan. 

Walang duda na singtamis ng pag-irog nila ang asukal sa kape ni Sir Joseph. Tulad ng asukal, hindi lamang paglilinis at pagsisinop ng mga himulmol ng pinunit na papel o mugmog ng pagkain ang kanilang trabaho. Sa paniniwala ni Geronimo, ito ay pagtanaw ng utang na loob at pagtulong, hindi man sa larangang pang-akademiko, ngunit sa aspetong pangkapaligiran. 

Butil-butil man ang asukal, ang madalas na hindi nabibigyang-pansin na dedikasyon ni Geronimo at ng iba pang mga custodians ang nagbibigay-kaayusan sa paaralan — ang nagbibigay ng karagdagang lasa sa mapait na kape. Giit nga niya, “Sinusuklian ko po [ang] binigay na pagkakataon ng Ateneo sa akin, kaya ginagawa ko nang maayos ang trabaho ko.” Gayunman, tulad ng makabagong gawi sa ASHS, hindi tumatalima ang kapeng bumubuo rito sa makalumang gawi—nangangailangan ito ng mabusisi at masining na gawi.

Gawad sa mga Gumagabay: Tamang Timpla ng Gatas at Tiwala 

Coffee art, latte art, o anupamang katawagan ang mayroon, paniguradong kapag banayad na hinalo ang gatas sa mainit na kape’t asukal, nababalanse ang pait at tamis—nabubuo ang lasap ng karunungan. Hindi nalalayo sa usaping ito ang isa sa mga alagad ng sining sa ASHS, ang moderator ng Art Guild at 11–Grande, si Mark Rommel Santos.

Ubos. Lubos. Buhos. Tatlong salita upang ilarawan ang kayang ialay ni Santos nang tanggapin niya ang papel ng pagiging guro sa ASHS, apat na taon na ang nakakaraan. Maihahalintulad ang pang-araw-araw na pamumuhay niya sa paghalo ng gatas sa dalawa pang sangkap—paikot-ikot, paulit-ulit. Mula sa paggising ng alas singko ng umaga, hanggang sa paghahanda para sa panibagong MIP (Moderator’s Inspection) session, pagtuturo, pagsusuri ng mga gawain, at iba pa, hanggang sa matapos ang kaniyang araw ng alas singko ng hapon, batid niyang mas marami siyang oras na ginugugol sa paaralan kaysa sa kaniyang personal na buhay.

Sa kabilang banda, higit sa pagiging isang puti, payak, at matabang na inumin ng gatas, dala ng pagtuturo ang mga bagay higit sa inaalaka. Inilahad niya na, “They see the job as merely passing knowledge, but, of course, we know that we do more than that. We are also concerned with your welfare and formation as a person, and ultimately to [help you] find your purpose in life.”  

Kaakibat din nito ang payo niyang, “Don’t be afraid to study. In art, when we talk about study it refers to [the] preliminary stages of doing art. It is the time for you to try out things [and] allow yourself to make errors, so when you realize those things, you are able to refine and correct them and hopefully, the outcome would be something very pleasing.”

Iba-iba man ang gampanin, iba-iba man ng adhikain, nananatiling isa ang dahilan nila sa pagbangon—ang kanilang pamilya at ang mga itinuturing nilang pamilya, ang Ateneo de Manila Senior High School. Ito ang pundasyong sinasandigan nila upang buhayin ang kanilang sarili, at sa pamumuhay ay nakapagbibigay-buhay sila sa ibang tao, nakapagtuturong mangarap, at nakapagsisilbing-halimbawa ng pagsisikap. 

Leave a comment