Sa Likod ng Bawat Pahina: Kakulangan ng Access ng mga Pilipino sa mga Aklat

ni Antonio Repe

Ang mga pahina ng bawat aklat ay nagsisilbing susi na nagbubukas ng pinto tungo sa walang katapusang kaalaman—ang bawat pahinang binubuklat ay isang hakbang tungo sa malawak na mundo ng karunungan. Ngunit para sa libo-libong Pilipino, ang susing ito ay tila isang pangarap na hindi maabot, at sila’y nananatiling nakakandado sa likod ng pintong ito. Hindi dahil sa kakulangan sa pangarap, kundi dahil sa kakulangan o ‘di kaya ang kawalan ng access sa mga aklat na magpapalaya sa kanilang mga isipan at magdadala sa bagong mga posibilidad.

Ayon sa Program for International Student Assessment (PISA), nakakuha ng mababang marka ang mga Pilipinong mag-aaral pagdating sa Mathematics, Science, at Reading Comprehension noong taong 2022. Ang PISA, na itinuturing bilang isang global na pamantayan sa pagsusuri ng sistema ng edukasyon, ay nagpapakita ng kakayahan ng mga mag-aaral na makipagsabayan sa padaigdigang antas. Kung kaya, nakalulungkot na isipin na noong 2018, nasa huling pwesto ang Pilipinas mula sa 78 bansa, at noong 2022, nasa ika-77 naman mula sa 81 bansa. Dahil dito, lumalabas na hindi nagkaroon ng makabuluhang pag-unlad ang marka ng mga Pilipinong mag-aaral mula sa resulta ng PISA noong 2018. Ang datos na ito ay nagsisiwalat ng patuloy na paghihirap ng ating mga mag-aaral na makasabay sa internasyonal na pamantayan ng edukasyon. Subalit, bakit nga ba ito nangyayari?

Kakulangan ng access sa mga aklat-pampaaralan

Sa mga pampublikong paaralan, lalo na sa mga probinsya, ang pagkakaroon ng kumpletong bilang ng textbooks ay isang bihirang pribilehiyo. Karamihan sa mga estudyante ay naghahati-hati na lamang sa iisang aklat upang sila ay may magamit. Dahil dito, hindi maikakailang isa ito sa mga dahilan kung bakit nahihirapan  ang ating mga mag-aaral na makipagsabayan sa mga kakayahan ng mga estudyante sa ibang bansa—sapagkat ang kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral ay nagiging pribilehiyo na lamang. Sa halip na maging pundasyon ng kanilang edukasyon, ang mga aklat at iba pang learning resources ay nagiging pribilehiyo na lamang, imbis na karapatan. Ang karapatan sa dekalidad na edukasyon, na dapat ay isang obligasyong tinutupad ng ating gobyerno, ay nagiging isang panaginip na hindi abot para sa marami. Patunay rito ang saliksik ng Southeast Asian Primary Learning Metrics (SEA-PLM) na nagsasabi na ang mga mag-aaral na nakikihati sa o walang textbooks ay mas mababa ang nakukuhang marka kumpara sa mga mag-aaral na may sariling aklat. 

Bukod pa rito, simula noong ipinatupad ang kurikulum ng K-12 noong 2012, ang mga baitang lima at anim pa lamang ang may kumpletong aklat hanggang sa taong 2022. Sa madaling salita, sa loob ng sampung taon, hindi nagawa ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na bigyan ng kumpletong textbooks ang karamihan sa mga mag-aaral, partikular na ang mga baitang mula Kinder hanggang ikaapat na baitang at ikapito hanggang ikasampung baitang. Inilahad ni Ariz Cawilan, Direktor ng DepEd Bureau of Learning Resources, na maraming hamon ang hinaharap ng DepEd kaya nangyayari ang mga ito, tulad ng mabagal na proseso ng paggawa ng mga aklat, kakulangan sa kwalipikadong supplier, at pagkaantala ng pagpapagawa dulot ng mga di-kontroladong pangyayari tulad ng pandemya. 

Ayon din sa ulat ng 24 Oras, sa loob ng apat na taon (2018-2022), isang bilyong piso lamang mula sa labindalawang bilyong pondo ang nagamit ng DepEd para sa pagpapagawa ng mga textbooks. Higit pa rito, dumaan na rin ang paglunsad ng inirebisang kurikulum na MATATAG noong nakaraang taon subalit hindi pa rin kumpleto ang mga textbook na ito. Sa kasakuluyan, ang DepEd ay nagpapagawa ng mga textbook sa National Book Development Board (NBDB), at ayon sa kanila, binibigyan lamang sila ng anim na buwan upang tapusin ang isang aklat na kadalasang inaabot ng labing-walong buwan. Dahil dito, inirekomenda ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) sa DepEd na pag-isipang bumili na lamang ng mga aklat na agad na mabibili at magagamit sa halip na magsulat at maglimbag pa ng mga bagong aklat. 

Ayon naman sa depensa ng DepEd, inuna nila ang paggawa ng mga self-learning modules mula 2020 hanggang 2023 bilang tugon sa mga pagbabago noong pandemya. Ngunit, ang suliranin sa kakulangan ng textbooks para sa mga mag-aaral ay isang dekada nang hinaharap ng ating bansa at nagsimula na bago pa nangyari ang pandemya. Sadyang nakapagtataka na sa laki ng nakalaang pera para sa mga aklat ay hindi pa rin magawan ng solusyon ng ahensya. Malaki ang posibilidad na may mga mag-aaral na nakaabot ng ikasampung baitang at hindi pa rin nakararanas na magkaroon ng sariling aklat. 

Sa pagpapatupad ng kurikulum na MATATAG, nangako ang bagong Kalihim ng DepEd na si Sonny Angara na gagamitin ang natitirang pondo upang mapabilis ang paggawa at paghahatid ng aklat sa mga paaralan. Ayon sa kaniya, target ng DepEd na makumpleto ang distribusyon ng mga aklat-pampaaralan sa Hunyo ng taong ito. Nawa’y maging totoo at mabilis ang pagkilos tungo sa katuparan ng pangakong ito, na isang dekada ng naghihintay sa kanila.

Kakulangan ng access sa mga aklat sa buong Pilipinas

Subalit, hindi lamang limitado ang kakulangan ng access sa mga aklat sa mga paaralan. Kung tutuusin, mapapanasin natin ito sa buong Pilipinas. Tatlumpung taon mula ngayon ipinasa ang Republic Act 7743 na naglalayong magtayo ng mga aklatan sa mga lokal na pamahalaan, subalit hanggang ngayon, marami pa ring mga lugar ang walang access sa isang mabisang sentro ng kaalaman—bihirang makakita tayo ng mga pampublikong silid-aklatan. Noong 2018, dalawang porsyento lamang ng mga barangay sa Pilipinas ang may pampublikong silid-aklatan. 

Ayon kay Blesila Velasco mula sa Public Libraries Division (PLD), isa sa mga dahilan kung bakit hindi prayoridad ang pagpapatayo ng mga pampublikong silid-aklatan ay dahil hindi ito direktang kumikita ng pera. Hindi tulad ng iba pang mga proyekto, ang benepisyo nito ay hindi agad nakikita bilang pagbalik ng investment. Kaya naman, karamihan sa mga lokal na pinuno ay pinipiling hindi na lamang ito isulong. 

Ngunit, pera nga lamang ba ang tunay sa sukatan ng epekto at halaga ng isang proyekto? Hindi ba’t ang edukasyon at pagkatuto ng bawat mamamayan ay isa ring mahalagang anyo ng pamumuhunan? Ang silid-aklatan ay hindi lamang koleksyon ng mga libro—maaari itong magsilbi bilang isang pundasyon para sa pag-unlad ng komunidad. Ito ay isang paraan upang mabigyan ng pantay-pantay na oportunidad ang mga mamamayan anuman ang kanilang estado sa buhay.

Makikita sa Readership Survey ng National Book Development Board (NBDB) na karamihan sa mga Pilipino—80% ng matatanda at 93% ng mga bata—ay patuloy na nagbabasa ng mga aklat na hindi pampaaralan. Subalit, halos 72% sa kanila ay hanggang PHP 199 lamang ang gagastusin para sa isang aklat—isang halaga na tunay na kapos kung ikukumpara sa pangkaraniwang presyo ng mga de-kalidad na babasahin na makikita sa mga bookstores. Isa ito sa mga dahilan kung bakit unti-unting nawawalan ng interes ang mga Pilipino sa pagbabasa, sapagkat ang presyo ng mga aklat ay hindi abot-kaya para sa pangkaraniwang mamamayan. Kung kaya, mahalaga ang pagpapatayo ng mga pampublikong silid-aklatan sapagkat sa ngayon, maraming interesado sa pagbabasa ngunit hindi lahat ay may sapat na kakayahan upang gawin ito. 

Ang pagbabasa ay hindi dapat isang pribilehiyo; ito ay isang karapatan na dapat tinatamasa ng bawat isa.

Sa pagtatapos ng ating pagdiriwang ng National Book Week ngayong taon, nawa’y buksan natin ang ating mga isipan sa mga kuwentong bihirang maisulat sa mga pahina ng mga aklat na ating nababasa. Ating bigyang-pansin ang mga kuwento ng mga Pilipinong nananatili sa gilid ng karunungan—ang mga mag-aaral na kailangang maghati sa iisang aklat, ang mga kabataang nangangarap ngunit walang mapagkukunan, at ang mga komunidad na salat sa mga aklatan at sentro ng pagbabasa.

Ayon pa sa PISA, tinatayang nasa 78% ng mga mag-aaral na Pilipino ang may matinding kagustuhang matuto ng iba’t ibang bagay sa kanilang mga paaralan. Subalit, hindi lahat ay nabibigyan ng sapat na learning resources upang maisakatuparan ang mga pangarap na ito.

Ang bawat salita, salaysay, lawaran, at impormasyon na makikita sa mga pahina ay isang daan patungo sa mas maliwanag na kinabukasan. Sa likod ng bawat pahina, may oportunidad na naghihintay—o pintuang nakakandado para sa marami. Hindi dapat manatili ang ating bansa sa ganitong kalagayan. Sa halip, dapat nating gawing abot-kamay para sa bawat Pilipino ang kaalaman at pagbabasa nang sa gayon ay matiyak na ang bawat bata ay mabigyan ng kakayahang sumulat ng sariling kuwento ng kanilang tagumpay.

Leave a comment