
ni Liza
Panahon na ng midterm elections sa Pilipinas, at walang biro ang pagtatapos ng pangangampanya ng mga kandidato bago ang mismong eleksyon. Patuloy ang pagpapakalat ng mga billboard, tarpaulin, post sa social media, at iba pang mga pangkampanyang materyales—na inaasahang may kapangyarihang ikutin ang mga resulta sa pabor ng bawat kandidatong nangangampanya.
Sa gitna ng ganitong uri ng pagkakalat ng impormasyon, lalong-lalo na sa matinding kompetisyong dala ng halalan, walang sorpresa na lalabas na ang maiingay at malalakas na pangangampanya ng mga kandidato; hindi lamang upang ipagkalat ang kanilang ipinipintang karakter na nais nilang maipakita sa masa—ngunit para din umapela sa bawat botante.
Sa realidad na ito, talagang hantad ang masa sa napakaraming propaganda at impormasyon na dala ng ganitong pangangampanya, na kung ano-ano lang ang ipinagkakalat para sa mabuting pagsasapubliko ng pangalan at intensyon ng mga kandidato. Talagang may epekto ang bawat post, bawat tarpaulin, at bawat rally sa bawat utak ng mga mamboboto—at sa totoo lang, ito rin ang bibihag sa kanilang pag-iisip pagdating sa palapit na halalan.
Kung ito man ang kaso, paano na kung lahat nalang tinatanggap agad-agad ng mga botante bilang totoo? Paano kung hindi man lang binibigyang-isip ang kanilang kinukuha na impormasyon—na nasa kanilang kamay ang kinabukasan ng buong Pilipinas? Para ba talaga sa masa ang lahat ng propaganda?
Isang Karapatang Nagdurusa
Ang karapatang bumoto sa Pilipinas ay non-discriminatory ayon sa ating Konstitusyon, at ito’y nangangahulugan na kahit sino man ang nasa hustong gulang ang pwede bumoto tuwing eleksyon, nakapag-aral ba o hindi. Ayon sa mga statistikong inilabas ng Philippine Statistics Authority na may kinalaman sa vulnerable sector noong 2022, umabot sa numerong 759,599 na mga rehistradong botante ang mga “illiterate,” pangalawa lang sa pinakamalaking sektor ng senior citizens na umabot sa halagang 10,248,073 na rehistradong botante.
Ang statistikong ito ay sapat na para patunayan ang ideya na hindi lahat ng botante ay may sapat na kakayahan para intindihin nang mabuti ang propaganda na kanilang tinatanggap. Madali silang manipulahin ng masamang sistema at maimpluwensiyahan ng mga nangangampanya—at siguradong may epekto ito sa kanilang pag-iisip at pagboto tuwing halalan.
Bilang karagdagan, ang Pilipinas din ngayon ay nagdudusa sa kakulangan ng mabuting edukasyon. Patuloy pa rin ang ating mababang ranggo sa agham, sipnayan, at reading comprehension kumpara sa ibang bansa sa Asya—na nangangahulugan sa kakulangan sa sapat na kapasidad upang unawain nang lubos ang ipinagkakalat na impormasyon tungkol sa eleksyon.
Maliban sa mga ito, isa ring makabuluhang salik sa sitwasyong ito ay ang mga isyu na lumalabas tuwing panahon ng halalan. Isa rito ay ang pagkakalat ng hindi totoong impormasyon, o ang tinatawagang “disinformation,” lalong-lalo na sa paggamit ng social media sa pangangampanya. Ayon sa isang artikulo ni Chua et al. (2022), naging malaking problema ang disinformation sa gitna ng mga botante noong halalan ng 2022, kung saan naging pangunahing target sina Leni Robredo at Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakalat ng maling impormayon.
Kasama na rin dito ang suliranin ng vote-buying. Ayon sa ginawang pagsisiyasat ni Velmonte (2019), maraming kandidato ang pumunta sa vote-buying, lalo na sa mga mahihirap, upang siguraduhin ang kanilang posisyon sa gobyerno. Dagdag dito, isinulat din sa isang artikulo mula sa GMA News na naa-alarma ang International Observer Mission (IOM) sa mga nabalitang kaso ng vote-buying—kasama na rin ang iba’t ibang uri ng karahasan katulad ng red-tagging—sa gitna ng panahon ng pangangampanya para sa halalan 2025.
Sa kabuuan, hindi natin maitatanggi na talagang nagkakaroon ng pagdurusa sa karapatang bumoto, lalong-lalo na pagdating sa mga kalokohan na nagaganap sa pagitan ng mga botante at kandidato. Sa halip nito, walang ibang solusyon kung hindi tumungo sa tama, dumako sa kabutihan ng kinabukasan—at balikan ang tunay na rason ng ating demokrasya.
Pagbabangon sa Bawat Balota
Sa pangkalahatan, sa lahat ng mga isyung ito, mahalaga lamang na bigyang-tuon ang mga epekto ng hindi magandang sistema, lalong-lalo na sa konteksto ng mga botante. Hindi naman mali ang pagkakaroon ng kaniya-kaniyang opinyon sa pulitika—ngunit mahalagang intindihin na ang mga opinyong ito ay hindi para sa sarili lamang.
Sa anumang paraan, pag-isipan natin nang mabuti ang talagang kinakailangan ng ating bansa. Suriin natin ang mga umiiral na propaganda. Maging kritikal tayo sa mga kandidato. Bigyan natin ng oras ang pagiging edukado sa eleksyong ito—dahil ang bawat boto ay may silbi.
Ang pagboto ay hindi pribilehiyo, kung hindi isang karapatan. Ang karapatang ito ay hindi tunay na babangon kung hindi rin paninindigan ang mga responsibilidad na naaayon sa tamang pagboboto—at sa gitna ng pagkakalat ng kung-anumang propaganda, nawa’y bigyang-tuon ang obligasyon ng pagiging matalino sa pagpili ng kandidato na talagang para sa masa.
