
By AJ Alarcon
Nitong ika-24 ng Mayo sa Ateneo Blue Eagle Gym, ipinagdiwang ang pagtatapos ng mga estudyante sa ika-12 na baitang mula sa mga larang ng Accountancy, Business and Management (ABM) at Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) ng Ateneo Senior High School (ASHS) na may temang “Agiyo ng Pag-asa.”
Pinangunahan ng pangulo ng pamantasan na si Fr. Roberto Yap, SJ ang Misang Baccalaureate simula 7:30 ng umaga.
Sa kaniyang homily, hinikayat naman ni Fr. Noel Bava, SJ ang mga mag-aaral na ipagpatuloy ang pagiging student-leader.
“It’s not blood, or status, or fame that binds us to God,” aniya.
Paliwanag niya, “It is obedience; it is action; it is aligning your life with truth, service, and love.”
Kasunod nito ay nagbahagi ng mensahe ang punongguro ng ASHS si Gng. Rosanna Borja ukol sa gampanin ng mga mag-aaral sa lipunan.
“We prepared you enough for a world that needs you,” wika niya.
Agiyo ng pag-asa
Matapos ang misa ay nagsimula ang prosesyonal sa pagmartsa ng mga estudyanteng mula larang ng ABM sa pangunguna ng strand coordinator nilang si Gng. Caroline Laforteza.
Sunod namang nagmartsa ang mga klase mula sa larang ng STEM sa pangunguna ng kanilang strand coordinator na si G. Ferdinand Francis Verayo I.
Sa kaniyang Talumpati ng Pagbati, iminungkahi ni Sophia Isabella V. Reyes, salutatoryan ng klase ng 2025, na mapagtatanto natin ang kagandahan ng mundo basta makita natin ang “biyaya at agiyo ng pag-asa.”
Pagkaraan ay pinarangalan ang mga sumusunod na mag-aaral na nagkamit ng natatanging mga gawad:
- Alyssa Jhoanna L. Cabanilla, Balediktoryan at Gawad James J O’Brien, SJ para sa Kahusayang Panlarang sa Humanities and Social Sciences (HumSS)
- Sophia Isabella V. Reyes, Salutatoryan
- Stefanie Jianne Kimberly S. Leones, Gawad Luis “Moro” Lorenzo para sa Manlalaro ng Taon
- Irish Tonifleur K. Ordoña, Gawad Horacio V. de la Costa, SJ para sa Katangi-tanging Pamumumo
- Jay Martin V. Mendoza, Gawad Jose A Cruz, SJ para sa Kahusayang Panlarang sa ABM
- Andrea Sofia F. Maiquez, Gawad James P Dunne, SJ para sa Kahusayang Panlarang sa General Academics (GA)
- Julianna Marie N. Ong, Gawad Prudencio F Macayan, SJ para sa Kahusayang Panlarang sa STEM
Naghatid naman ng Talumpati ng Pamamaalam si Cabanilla kung saan kaniyang ipinahayag na, “Tayo ay isang komunidad, isang tahanan, isang pamilya.”
“Tayo ang agiyo ng pag-asa,” dagdag niya.
Naghatid rin ng Talumpati sa mga Magtatapos si Lt. Gen. Allen Paredes, ama ng isang mag-aaral mula sa klase ng 2025, kung saan binigyang-diin niya ang katagang, “Have hope, give hope, be hope.”
Sinundan ito ng pag-akyat ng mga mag-aaral sa entablado upang kunin ang kanilang mga diploma habang isa-isa silang tinawag ng kani-kanilang mga tagapayo ng klase.
Opisyal silang naproklamang nakapagtapos na sa ASHS nang itinalaga na silang mga bagong kasapi ng Asosasyon ng Alumni ng Ateneo (AAA).
Natapos ang programa sa pag-awit ng klase ng 2025 ng “A Song for Mary,” ang alma mater hymn ng Ateneo.
Ang palatuntunan ng pagtatapos naman ng mga klase mula sa mga larang ng HumSS at GA ay magaganap sa ika-25 ng Mayo.
