HumSS, GA, idinaos ang Pagtatapos 2025

By Janina Calma

By AJ Alarcon

Ipinagdiwang ng mga klase ng ika-12 baitang mula sa larang ng Humanities and Social Sciences (HumSS) at General Academics (GA) ng Ateneo Senior High School (ASHS) nitong ika-25 ng Mayo ang Pagtatapos 2025 na may temang, “Agiyo ng Pag-asa,” sa Ateneo Blue Eagle Gym.

Ang Misang Baccalaureate na ginanap sa umaga ay pinangunahan ni Fr. Roberto Yap, SJ, ang pangulo ng pamantasan. 

Paliwanag ni Fr. Noel Bava, SJ, sa tema, “The moon starts to fade, the stars begin to disappear, and the horizon gives a faint shimmer—that is the agiyo.”

“Hope, even when faint, is still light,” ipinahayag niya ukol sa gampanin ng mga mag-aaral bilang mga agiyo ngayong maraming kaguluhan sa lipunan.

Pagkaraan ay nagsimula na ang palatuntunan ng pagtatapos sa pamamagitan ng prosesyonal na pinangunahan nina Gng. Caroline Laforteza at G. Ferdinand Francis Verayo I., ang strand coordinators ng larang ng HumSS at GA.

Sa atin magmumula ang kislap ng pagbabago

Binigyang-diin ng salutatoryan ng klase na si Sophia Isabella Reyes sa kaniyang Talumpati ng Pagbati ang pagiging kislap ng pagbabago.

Dagdag pa rito, hinikayat niya ang kaniyang mga kamag-aral na paunlarin ang mga sarili upang “maging inspirasyon at agiyo ng pag-asa para sa iba.”

Gaya ng naunang programa para sa pagtatapos ng mga klase mula sa larang ng Accountancy, Business and Management (ABM) at Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM), muling binigyan ng parangal ang mga mag-aaral na nakatanggap ng mga pagkilala sa bawat larang kabilang ang Gawad James J O’Brien, SJ para sa Kahusayang Panlarang sa HUMSS, Gawad Jose A Cruz, SJ para sa Kahusayang Panlarang sa ABM, Gawad James P Dunne, SJ para sa Kahusayang Panlarang sa GA, at Gawad Prudencio F Macayan, SJ para sa Kahusayang Panlarang sa STEM.

Ipinakilala rin ang mga nakakuha ng mga natatanging karangalang Gawad Luis “Moro” Lorenzo para sa Manlalaro ng Taon at Gawad Horacio V. de la Costa, SJ para sa Katangi-tanging Pamumumo.

“Hindi lang kaalaman ang natutunan natin, kundi ang tunay na diwa ng pakikipagkapwa—ang pagiging sandigan sa hirap at katuwang sa tagumpay,” wika ng balediktoryan sa kaniyang Talumpati ng Pamamaalam.

“Panatilihin sa ating puso, isip at diwa ang aral na napulot mula sa ASHS—ang malasakit, ang katarungan, ang tunay na husay,” dagdag pa niya.

Ang panauhing tagapagsalita naman na si Engr. Richard Allan Cabanela, na siya ring ama ng isa sa mga nagtapos, ay nagbahagi ng apat na “pabaon” para sa mga mag-aaral.

Tinapos niya ang talumpati sa pahayag na“Be proud, represent, and be the hope for others.”

Pagkatapos ay isa-isa nang tinawag ng mga tagapayo ng klase ang kanilang mga estudyante upang umakyat sa entablado at tanggapin ang kanilang mga diploma. 

Bilang pagwawakas ng programa, pinroklama ang mga nagtapos bilang bagong mga kasapi ng Asosasyon ng Alumni ng Ateneo (AAA).

Sa huli ay sabay-sabay inawit ng mga bahagi ng palatuntunan ang alma mater hymn ng Ateneo na “A Song for Mary.”

Ang pagtatapos ng mga klase mula sa larang ng ABM at STEM ay ginanap noong ika-24 ng Mayo. 

Leave a comment