
Sulat ni Hanan
Tuwing ika-12 ng Hunyo, ginugunita ang pagkamit ng Pilipinas ng kaniyang kalayaan mula sa mga mananakop makalipas ang mahigit isang siglo. Bagaman isang araw lang ang ating ipinagdiriwang ngayon, dalawang beses natin ipinaglaban ang ating kalayaan mula sa mga Kastila at Amerikano. Sa kabila nito, hindi maipagkakailang dama pa rin natin sa kasalukuyang panahon ang naging bunga ng pagiging kolonya.
Kung itatanong sa iyo kung ano ang kahulugan ng pagiging Pilipino, may maisasagot ka ba?
Hanggang ngayon, mahirap pa ring tiyak na maipaliwanag kung ano nga ba ang kahulugan ng pagiging isang Pilipino nang hindi nababanggit ang impluwensya ng ibang bansa. Maski ang ating wika ay nakaugat sa wikang Kastila at unti-unti pa itong nababawasan at nababago sa patuloy na pagdaloy ng panahon at karagdagang impluwensya mula sa ibang bansa. Kailangan pa natin magkaroon ng mga pambansang sagisag tulad ng Pambansang Bulaklak, Kasuotan, Pagkain, Laro, at iba pa para lamang maiayon ang ating pagkakakilanlan sa bansa. Ngunit, kung tatanggalin ang lahat ng sagisag na ito, mayroon bang mananatiling pagka-Pilipino sa atin? Naisip man lang ba natin kung saan din nagmula ang mga sagisag na ito? Tunay nga bang Pilipino ang kinakatawan nito o ito ang identidad na ibinigay sa atin ng mga kolonisador natin?
Pananakop sa Kaisipan
Kung hindi materyal na bagay o simbolo, maaayon natin ang ating pagkakakilanlan sa ating karakter at ugali. Kilala tayo bilang bukas sa mga panauhin o hospitable kung kaya maraming turista ang dumadayo sa bansa dahil iba rin ang pagtingin natin sa kanila. Para sa iba, mas nangingibabaw ang mga dayuhan kumpara sa mga lokal na naninirahan dito dahil sa kaisipang kolonyal. Sa tingin natin, mas nakatataas ang tao mula sa ibang bansa kumpara sa atin at kung tutuusin, iyan ay nagmula sa matagal na pananakop sa ating bansa at ang paulit-ulit na pagpapaalala sa atin ng mga mananakop na tayo ay walang alam at mahina.
Dagdag pa, kamakailan lang ay sumikat ang terminong “Pinoy Pride,” kung saan ipinagmamalaki natin ang ating pamanang kultura at lahat ng mga bagay na maiaayon sa atin. Lumalabas ang ating “Pinoy Pride,” tuwing may pambato tayong kandidato sa mga internasyonal na paligsahan tulad ng Olympics at Miss Universe. Kakaiba rin ang puri natin sa mga pandaigdigang Hollywood stars na may dugong Pilipino, kahit kapiranggot lang ang koneksyon sa atin. Kahit anong pagbanggit sa atin at sa ating kultura ay niluluwalhati natin nang wagas subalit nakapagtatakang kahit ganito ay nahihirapan tayong tangkilikin ang sariling atin.
Kung susuriin, ang ating mga nakasanayan ay nakaayon sa kung ano ang ginagawa sa mga bansang-kanluran. Laganap na sa atin ang mga fast food chains at binabago natin ang mga banyagang pagkain tulad ng pizza, spaghetti, at burgers para maiayon sa ating lokal na panlasa. Ang usong kasuotan din sa atin ay kung ano ang madalas na nakikita natin sa mga banyaga at kabilang na rito ang mga brands na tingin natin ay mas maganda at matibay kung ikukumpara sa ating sariling gawa. Pati ang ating mga pagdiriwang na nakasanayan natin tulad ng Pasko, Araw ng mga Puso, at Halloween ay nakuha lamang natin mula sa ibang bansa.
Ngunit ang pinakamalaking impluwensiya sa atin ng ibang bansa, partikular ang Amerika, ay ang sistema sa edukasyon. Sa aklat ni Renato Constantino na “The Miseducation of the Filipino,” tinalakay ang maling sistema ng edukasyon na napulot natin mula sa mga Amerikano sapagkat sila ang nagpakilala sa atin sa pormal na edukasyon kung saan tinuturo ang pagsulong sa mga kaisipang pang-Amerikano, kasaysayan ng kanilang bansa, at ang pagturo ng Ingles. Sa ganitong paraan, nagiging masunurin na kolonya ang mga mamamayang Pilipino. Makikita pa rin ang epekto nito hanggang ngayon sapagkat mas ginagamit na ang Wikang Ingles bilang wika ng pagtuturo kaysa sa ating Inang Wika. Sa mata ng mga Pilipino, sinusukat ang karunungan at pagiging edukado sa pagsasalita ng Ingles kung kaya ito rin ang ginagamit sa mga pormal na okasyon na siyang tumutuligsa sa pagpapahalaga ng ating wikang pambansa.
Sa kabila ng ating taos-pusong pagsuporta at pagsulong sa ating kultura, kadalasan ay hanggang salita lang ito at hindi naipakikita sa gawa. Kahit sabihin nating pinipili natin ang Inang Pilipinas — hindi tayo bayani. Likas na sa ating unahin ang kasanayan sa banyagang bansa sapagkat iyon ang itinuro sa atin.
Bayan o Sarili?
“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila. Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa. Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.” – Andres Bonifacio.
Napaisip din ba kayo kung naging madali sa ating mga bayaning yakapin ang kanilang pagka-Pilipino? Kung saan sa kabila ng pang-aabuso ng mga mananakop, nahanap pa rin nila ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga anak ng Inang Bayan? Ayon kay Bonifacio, nagmumula ang pagkabayani sa labis na pagmamahal para bayan na higit pa sa iba, subalit sa panahon ngayon ay tila hirap na hirap pa rin tayong mahalin nang tunay ang bansa dahil sa hirap at pasakit na dala nito.
Ang “General Luna” ay isang pelikula na ginawa noong 2015 na nakaayon sa naging buhay ng isa sa pinakatinitingalang General noong panahon ng kolonisasyon ng mga Amerikano. Tumatak sa mga manonood ang monologo ng bida kung saan pinapapili niya ang mga tao sa kaniyang paligid: “Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili?” Siguro, sasabihin ng ating pagkamakabayan na halata kung ano ang tamang piliin, subalit marami pa rin ang nangingibabaw ang pansariling kapakanan.
Isang halimbawa nito ay ang sumikat na scrunchies mula sa Bahay Kubo, isang lifestyle brand na nagbebenta ng mga kagamitan para sa buhok tulad ng mga panali at headbands. Marami ang kumuwestiyon dito sapagkat ang isang scrunchie ay nagkakahalagang PHP 2,000 samantalang ang isang kahon naman ay PHP 11,400. Magandang inisyatiba ang pagbigay nila ng 1$ mula sa bawat benta nila sa Lokal Lab sa Siargao, subalit hindi maitatangging mataas pa rin ang presyo ng kanilang produkto kung kaya kinilala ito bilang luxury item. Dahil dito, kinukuwestiyon ang branding nila at kung tama nga bang gamitin ang kultura natin bilang isang simbolo sa bagay na hindi naman ginawa nang iniisip na para ito sa mga Pilipino?
Maituturing itong “cultural commodification,” sapagkat masasabing ginamit ang salitang “bahay kubo,” hindi para ipakita ang ating kultura, kundi upang makagawa ng negosyo na hindi naman naka-ayon sa kinakatawan ng salitang ginamit. Ito rin ay “performative localization,” dahil hindi ito para sa masang Pilipino kahit na ito ang pangalan ay nakasentro sa ating kultura.
Kaya kung babalikan ang linya mula sa pelikulang General Luna, masasabing malaki ang naging epekto nito sa atin sapagkat tayo ay napa-isip na hanggang ngayon, nahihirapan pa rin tayo sa pagpili sa mga bagay na dapat ay madali lang sa atin.
Kasalukuyang Himagsikan
Mahigit isang siglo na natin naranasan ang pagiging isang malayang bansa at kahit maraming nagtangkang gambalain ito, nagawan pa rin ng paraan ng mga Pilipino na patuloy na ipaglaban ang ating karapatan bilang anak ng bayan sapagkat likas sa atin ang pakikibaka at pagsalita laban sa mga nang-aalipusta. Isang katunayan ay ang People Power Revolution kung saan lumaban ang taong-bayan sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Kung tatanungin ang ilan, ang kaganapang ito ang tunay na nagpakita ng ating pagka-Pilipino sapagkat naipakita natin kung ano ang ating kakayahan: dedikasyon na magsama-sama at lumaban para sa ating hindi natitinag na pagmamahal para sa bayan.
Sa kasalukuyan ay nararanasan pa rin natin ang himagsikan — maaring hindi tulad sa naging rebolusyon noon, pero kasing halaga rin. Ito ay ang himagsikan laban sa lahat ng nagbabalak na burahin ang ating pagkakilanlan. Karaniwan na sa atin ang pagkakaroon ng kaisipang kolonyal kung saan mas pinipili natin ang produkto at kinagisnan ng mga dayuhan. Madalas ay ikinahihiya pa ang ating kultura tulad ng diskriminasyon laban sa mga pangkat-etniko at kanilang mga kaugalian. Dagdag pa, mayroon tayong pagtingin na mas pormal ang paggamit ng wikang Ingles kaysa Filipino kung kaya bumababa na rin ang katatasan nating magsalita sa ating inang wika. Unti-unti na ring nawawala ang ating mga tradisyon tulad ng pagdiwang ng mga pyesta, pagmamano, pamamanhikan, at iba pa.
Ang problema lamang ay mahirap nang matiyak kung sino nga ba ang tunay na kalaban dulot ng impluwensya ng midya at pamahalaan. Dati, mga kolonisador ang ating kinikilalang kaaway pero ngayon, maaaring kapwa Pilipino na. Mga Pilipino na pinili ang kapangyarihan at sarili kapalit ng bayan. Ang halimbawa nito ay ang pagtalaga na special working holiday ang People Power Anniversary para sa taong ito ayon sa proklamasyon no.727 ni Pangulong Marcos Jr. kung saan naging malaking sampal ito sa mga naging biktima ng batas militar noong panahon ni dating Pangulo Marcos Sr. Maaring mababaw lang ang tingin dito ng iba subalit ito ay malaking hakbang sa pagbura ng ating pagkakakilanlan sapagkat ang People Power Revolution ang nagpakita sa mundo kung paano lumaban ang mga Pilipino nang may pagmamahal para sa kapwa at sa bayan.
Sa kabila ng lahat ng ito, mahalagang tandaan na patuloy pa rin ang paglaban kahit matagal na panahon pa ang abutin. Sapagkat kahit ilang siglo na ang nagdaan noon, hindi nawala ang hangarin ng mga Pilipino na makamit ang kalayaan. Sa dinami-rami ng mga manlulupig, hindi tayo kailanman pasisiil.
Awit ng Kalayaan
Matagal na ang naging paglalakbay ng ating bansa pagdating sa usapang kalayaan at malayo na rin ang naging pagsulong natin. Kahit maraming naging hadlang, kahit paano ay palagi pa rin nating nahahanap ang daan pabalik sa kalayaan. Ngayon, nagsisikap pa rin tayong buhayin ang ating pagiging Pilipino sa pamamagitan ng pag-aaral sa ating kasaysayan at pakikisangkot sa mga kasalukuyang isyu na nararanasan ng bansa. Kahit paano ay marami ang tumataguyod na payabungin ang ating kultura sa pamamagitan ng wika, sining, pananamit, pagtatanghal, at iba pa. Mas naipapakita rin ang angking talento at husay ng mga Pilipino sa larangan ng musika, pelikula, palakasan, agham, at negosyo. Isang halimbawa ay ang pag-aaral ng mga dalub-agham sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na makatutulong sa maagang pagtuklas ng kanser sa baga.
Bukod pa dito, malaki rin ang papel ng kabataan sa pag-unlad ng bansa lalo na’t nangunguna tayo sa pamamahagi ng ating kasanayan at kultura sa ibang tao sa pamamagitan ng social media. Mas bukas rin tayo sa mga mahahalagang talakayan na magpapatakbo sa progreso ng ating bayan. Iba ang apoy sa puso ng kabataan — puso na naghahangad ng tunay na kalayaan — kaya tayo ang sentro ng pagbabago dahil nagagawa nating makisabay sa ibang bansa habang pinagtutuonang pansin pa rin ang ating pinanggalingan.
Mahirap pa ring sagutin ang mga tanong hinggil sa halaga ng sagisag na nakakabit sa pagiging Pilipino sapagkat ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino ay dinamiko; patuloy ang pagtuklas natin sa ating kultura at kakanyahan sa paglipas ng oras at hindi iyon masamang bagay. Ang pagiging Pilipino ay isang dangal sapagkat sa kabila ng lahat nagagawa pa rin nating lumaban nang may puso at gunitain ang mga pangyayari na siyang dahilan sa kung bakit nandito tayong mga Pilipino ngayon.
Ngayong Araw ng Kalayaan, patuloy pa rin ang laban para sa kalayaang hindi kaduda-duda. Hanggang sa dumating ang araw na masasabing malaya tayo sa lahat ng aspeto at hindi lamang nakaulat sapagkat patuloy nating sinusulat ang ating kasaysayan.
