ASHS, opisyal na inilunsad ang Buwan ng Wika ‘25: Timpuyog

Photo by Anjela Ferry

By AJ Alarcon

Opisyal nang inilunsad ng Ateneo Senior High School (ASHS) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025 na pinamagatang “Timpuyog” —  salitang Ilokano na nangangahulugang “pagkakaisa.” — noong Lunes, ikaapat ng Agosto, sa isang maikling programa sa foyer ng unang palapag ng Main Building.

Pinangunahan ng Kagawaran ng Filipino ang pambungad na programa na nagsimula sa panalangin sa ni Troy Yusingbo, Pangulo ng Sanggunian.

Sa kaniyang pambungad na pananalita naman, binigyang-diin ng punongguro ng ASHS na si Gng. Rosanna Borja ang kahalagahan ng temang “Mga Wikang Katutubo: Wika ng Pakikipagkapuwa.”

“Ito ay napakahalaga, lalo’t lalo na lumalabas kayo ng Ateneo upang makipagkapuwa-tao sa mga iba’t ibang tao sa iba’t ibang panig,” aniya.

Dagdag pa niya, “Kaya magandang matuto talaga tayo ng paggamit ng wika sa pakikipagkapuwa. Masanay na po tayo doon.”

Kasunod nito, isinagawa ang larong pukpok palayok na nilahukan ng mga kinatawan mula sa bawat larang.

Nagtapos ang programa sa isang pagtatanghal ng awitin mula sa mga guro ng ASHS.

Bukod sa programa, namahagi rin ng libreng taho at sorbetes sa mga mag-aaral.

Makikita rin sa foyer ang “Timpuyog Wall,” at isang salamin na nakadisenyo ayon sa tema ng pagdiriwang.

Mayroon ding iba’t ibang aktibidad at paligsahan na layong pukawin ang kamalayan ng mga mag-aaral sa kahalagahan ng wika at kulturang pambansa.

Ilan sa mga ito ay ang Bandegrasya at Panalangin, Hataw Pinoy, Bihis Pinoy, Videokehan at Tulaan, Panonood ng Vlogyumentaryo, Kontemporaryong Babasahin at Palabas sa Filipino, at Pinoy Trivia Game.

“Inaasahan ko [talagang] maraming akong [matututuhan] ngayong Buwan ng Wika,” pahayag ni Joaquin Jobog mula sa 11–Perez.

Bilang unang beses niyang masasaksihan ang selebrasyon sa ASHS, dagdag pa niya, “Ang pinakainaabangan ko ay [ang] maramdaman ko [ang] kasiyahan sa pagsali [sa] Buwan ng Wika.”

Nakatakdang magtapos ang pagdiriwang sa Agosto 27 sa pamamagitan ng Pinoytuntunan, kung saan pararangalan ang mga magwawagi sa bawat aktibidad.

Leave a comment