Lakad ng Lumad: Mga Tagapag-alaga ng Kultura

Likha ni Monique Arrojo

Ni Jelena Villorente

Mula sa mga matataas na kabundukan hanggang sa mga mahahabang dalampasigan, nananatiling buhay ang mga ugat ng kulturang Pilipino — at ito’y pinayayaman ng mga pamayanan ng lumad na namumuhay nang mapayapa sa mga lugar na ito. Patahimik at patago man ang kanilang paglalakbay, nananaig pa rin sila sa pag-unlad ng awtentikong tradisyon sa pamamagitan ng kanilang mga simpleng gawi. Sa kanilang hiwa-hiwalay na katayuan, pinalalakas nila ang diwa ng kanilang dibersidad, upang hubugin ang manipestasyon ng pagiging tunay na natibong Pilipino. 

Sa pundasyon ng kanilang kabuhayan, hindi nagpapatalo ang kanilang mga pamamaraan ng pagpapanatili ng kultura, at ito’y nagreresulta sa bawat pagkakakilanlan ng bawat katutubong tribo. Ilang halimbawa nito ay ang tribo ng T’boli sa rehiyon ng Cotabato na kilala para sa paghahabi ng mga T’nalak, ang mga Igorot ng Cordillera na kilala para sa kanilang terasa ng palay, at ang mga Aeta na nakakalat sa Luzon na kilala para sa kanilang paggamit ng organikong gamot. 

Bilang karagdagan, sila rin ay ang mga tagapanatili ng katutubong wika na unti-unting nawawala sa mga Pilipino ngayon. Nakalapag sa kanilang mga dila ang mga salita at lenguahe ng unang panahon — at mananatiling matatag sa bawat bigkas ng mga dialektong ito.

Sa pangkalahatan, mahalaga ang mga katutubong komunidad sa pagpreserba ng ating kultura bilang mga Pilipino, lalong lalo na sa gitna ng umuusad na panahon at sa pagsulong ng teknolohiya. Ngunit, bagaman makabuluhan ang kanilang pakinabang sa pamana, mayroon pa rin tayong nalalampasang katotohanan tungkol mga tribong ito — at sa kabila ng kulay na kanilang dinadala, marami-rami pang isyu ang umiiral sa mga komunidad na ito.

Hamon ng Panahon

Sa simula pa lang, relihiyoso sa pagpapanatili ng kultura ang mga Lumad, sa bawat henerasyong kanilang binabantayan upang maisulong ang bawat tradisyon na mahalaga para sa kanila. Hindi nawawala ang kanilang katapatan para sa kanilang tribo, at pinakikita ito sa pamamagitan ng kanilang mga gawi, ritwal, tradisyon, at iba pang mga kilos bumibihag sa kanilang sariling pamumuhay.

Tunay na walang hanggan ang kanilang pagmamahal para sa kanilang pamumuhay. Gaano man ka-simple ng daloy ng kanilang pang-araw-araw na rutina, patuloy na nagiging matibay ang ugat ng kanilang mga gawi — at sa pagpapanatili ng kanilang pagkakakilanlan, walang makapapantay sa mga kasanayan ng mga tribong ito. Ngunit, sa kabila ng kanilang kahalagahan sa ating kontemporaryong lipunan, hindi rin natin maitatanggi na nagkakaroon pa rin sila ng mga isyu ngayon — mga problema na hindi dapat nila dinadaranas lalong lalo na sa loob ng panahon ng kaunlaran.

Isang pangunahing problema ay ang kanilang kahirapan. Kahit sa kultura man sumulong ang kanilang yaman, sa konteksto ng modernong panahon, nahihirapan silang sumabay sa agos nito sapagkat limitado ang kanilang abot sa mga pangangailangan katulad ng tubig, sanitasyon, a serbisyong pangkalusugan, at iba pa. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang Indigenous Peoples ay ang pinakamahirap na sektor na umabot sa 32.4% noong 2023, kahit bumaba nang kaunti ang poverty rate ng bansa sa pangkalahatan. 

Madalas din silang nagkukulang sa aspekto ng edukasyon, lalong lalo na para sa mga batang lumad sapagkat tinuturo ang ating modernang kurikulum sa wikang Ingles o Filipino lamang. Ayon sa isang artikulo mula sa Philippine Star, napatunayan ng Department of Education ng Cordillera Administrative Region (CAR) mas mahusay sa pag-uunawa ng mga teksto ang mga mag-aaral marunong magsalita ng Ingles at Filipino kaysa sa mga batang mas sanay sa paggamit ng kanilang sariling wika — kaya tinuligsa ang pagtanggal ng asignaturang Mother Tongue sa kurikulum ng K-10. Dahil dito, pati na rin dahil sa kalayuan ng mga lumad mula sa mga metrong siyudad, nahihirapan ang mga lokal na gobyerno na tulungan sila sa larangan ng edukasyon. 

Dagdag dito, isa pang suliranin na umiiral sa mga katutubo ay ang pag-agaw ng lupa, o land grabbing. Ang land grabbing ay ang ilegal na pagkukuha ng lupa, pati ang pagtatanggal at pagsasamantala ng karapatan ng mga may-ari ng lupang ito — at kadalasan, ang mga naapektuhan dito ay ang mga maliliit na komunidad laban sa mga mayayaman at malalaking negosyo.

Mahalaga ang lupa para sa mga lumad at ito’y isang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan bilang mga natibo ng Pilipinas. Ang kawalan nito para sa kanila ay hindi lamang isang krimen, ngunit isa ring pagnanakaw mula sa kanilang puso at kaluluwa — at sa kasulukuyan, nananatili pa rin itong matinding isyu para sa mga kapuwa nating katutubo. Ayon sa isang report mula sa World Bank noong 2024, madami-dami pang mga katutubong komunidad ang naghihintay ng opisyal na titulo para sa kanilang lupa upang protektahan ang mga ito laban sa mga grupong nais agawin ang kanilang pamanang lupa.

Bagaman itanatag ang Indigenous Peoples Rights (IPRA) Act of 1997 upang matulungan ang mga komunidad na ito at palakasan ang kanilang mga karapatan, hindi pa rin ito naiiwasan sa kasalukuyan, at tuloy pa siyang umiiral sa mga lokalidad ng mga katutubo. Hindi lamang ito nakawawala sa tirahan ng mga katutubo, ngunit ito rin ay nakakasira sa kanilang kalikasan at nakakabasag sa diwa ng kanilang pamumuhay. 

Sa wakas, hindi natin maitatangging ginagawa silang paksa ng diskriminasyon sa gitna ating umuunlad na siyudad, kahit gaano pa man katunay ang kanilang pamumuhay na tumutungo sa pagpapanatili sa agos ng kultura. Nananatili pa ring kulang ang edukasyon at pangangailangan ng mga katutubong populasyon. Hindi naman matibay ang IPRA sa pagpipigil ng land grabbing. Mas binibigyang prayoridad ang pagtatayo ng mga korporasyon, resort, gusali, at iba pa sa mga pamanang lupa kumpara sa pagtutulong sa mga tribong nagdudusa sa pilitang pag-uunlad at pag-aakma sa modernang panahon.

Ganito ba talaga kahina ang ating bansa sa pagpepreserba ng sariling kultura? 

Sa dinami-daming suliraning umiikot sa sektor ng mga katutubong tribo, hindi man lang nakikita ng masa na sila ang mga komunidad na nananatiling tapat sa pag-uusad ng awtentikong pamumuhay nating Pilipino. Naka-display naman ang kanilang mga damit at kagamitan sa mga museo na nakakalat sa bansa. Nakatayo naman ang kanilang mga monumento sa ating mga siyudad. Nakaikot sa kanila ang tema ng ilan sa mga pambansang sayaw na ating ineensayo upang “maipahalaga ang ating sariling tradisyon.” Isa silang malaking bahagi ng ating pagtataguyod ng kulturang Pilipino — ngunit, inaalagaan ba talaga sila ng ating bayan?

Hindi ba’t ang tingin din natin sa mga lumad ay mga taong mapagtiis? Mga komunidad na kayang lampasin ang kanilang mga hamon, gaano man kahirap? O mga katutubong simple dahil sa kanilang mahirap na pamumuhay? 

Ang totoo — ito’y isang mababaw na pananaw. Umaabot pa nang mas malalim ang kanilang mga nararanasan, at ang ganitong tingin sa kanila ay pipigil lamang sa makabuluhang pag-unawa sa kanilang tunay na mga sitwasyon.

Sa wakas, tunay na nagiging hamon ang kontemporaryong panahon para sa mga komunidad na ito. Sa gitna ng mga siyudad na ang hinahangad ay ang pagsusulong ng teknolohiya at globalisasyon, kailangan natin alalahanin na kasama pa rin natin ang mga grupong nais payamanin ang mga bunga ng sinaunang panahon — lalong lalo na sa pagpepreserba ng ating identidad bilang mga Pilipino.

Ang Kultura ay Kayamanan

Sa huli, gaano man kaiba ang mga katutubo sa atin bilang mga indibidwal ng modernong kasalukuyan, wala pa ring makakaalis sa katotohanan na ang mga katutubong ito ay atin paring mga kababayan — mga kapuwa-Pilipino na naninirahan nang pantay-pantay sa atin at nakikibahagi rin sa mga bunga ng ating Inang Bayan

Sa pagtukoy ng kanilang mga kakaibang sitwasyon, mamulat tayo sa kanilang katapatan para sa Pilipinas, at sa kanilang pagsisikap upang panatilihin ang ating kultura. Hindi nararapat na sila’y gawing subheto ng diskriminasyon at ng mababang pagtingin, kundi respetuhin sila bilang mga taga-alaga ng ating kultura.

Sa parte naman ng ating mga awtoridad, nananatiling malinaw ang layunin na bigyan ang mga komunidad na ito ng maayos na pamumuhay kahit papaano man, para manatiling mapayapa ang kanilang paglalakbay. Hinahangad nila ang suporta ng mga lider upang matugunan ang kanilang mga kakulangan — at upang protektahan ang agos ng kanilang pamana at ang mga kinabukasang henerasyon ng mga tribong ito. Hindi natin gusto ng pag-aawayan o pag-aagawan sa anumang anyo — ang respeto lamang para sa isa’t isa, at kahalagahan para sa kanilang mga ginagawa para sa ating bansa.

Bilang katapusan, sa pagbukas ng Buwan ng Wika, mananatiling matunog ang boses ng ating mga katutubong kapuwa. Kahit ano mang dialekto ang kanilang sinasalita, kahit gaano sila kalayo mula sa ating mga tahanan, nasa kanila pa rin ang puso, ang kaluluwa, at ang diwa ng pagkakakilanlang Pilipino. Sa gitna ng sumusulong na panahon, sila ay ang mga tagapag-alaga na nagsisilbing paalala sa ating identidad — at paalala sa kayamanan na ating dala mula lamang sa ating masining at makulay na kultura.

Leave a comment