Ang Boses ng Pamana

By Monique Arrojo

By Gilli Aquino

Paano mo ilalarawan ang wikang Filipino?

Ito ba ay isang paraan lamang ng komunikasyon? Isang wikang ginagamit natin sa ating araw-araw na pamumuhay? O marahil, sa likod ng bawat binibigkas na salita ay isang kuwento ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan — isang kuwentong buong puso’t tapang na ipinaglaban ng ating mga ninuno. 

Ang Agosto ay ang tanda ng Buwan ng Wika, isang panahon para ipagdiwang ang kulturang Filipino, lalo na ang wikang Filipino. Mula sa makasaysayang may-akda tulad nina Jose P. Rizal at Franciso Balagtas, hanggang sa mga salitang balbal katulad ng “lodi” at “chika,” ang wikang Filipino ay patuloy na umuunlad at nagagamit sa iba’t ibang paraan. Ngunit habang nakibabahagi tayo sa masisiglang videoke at masasarap na pagkain, kailangan nating pagnilayan kung bakit nga ba natin ito ipinagdiriwang.

Pamahalin Pinoy

Ang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” ay ang tema ng Buwan ng Wika 2025. Bagaman karaniwang ginagamit ang wikang ingles dito sa Ateneo Senior Highschool (ASHS), bilang mga mag-aaral, hawak natin ang responsibilidad na muling bigyang-prayoridad ang wikang Filipino sa ating edukasyon. 

Para sa karamihan ng mga mag-aaral sa ASHS, ang pagpiling magsalita sa Filipino kaysa sa ingles ay isang simpleng bagay na ginagawa ng iba upang ipakita ang kanilang pagpapahalaga sa wika. Ito ay totoo rin para kay Timmy Perez ng 12-Kibe. “While I am someone that feels more comfortable speaking English rather than Filipino in my daily life, I don’t ever wish to reject the latter or treat it as second language,” sabi ni Perez sa kung paano siya nagsusumikap na magsalita sa Filipino. “Whether I’m asking for directions in a mall or I’m riding on an Angkas going home, I’ll always make the effort to speak Filipino.” Habang mas komportable ang maraming estudyante sa ASHS sa pagsasalita ng Ingles, patuloy na pinahahalagahan ng mga estudyanteng tulad ni Perez ang paggamit ng Filipino bilang mahalagang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan. 

Sa parehong paraan, si Marc Aranzamendez ng 12-Carvalho ay nagsasanay rin sa kaniyang sarili na magsalita sa Filipino sa kaniyang araw-araw na buhay. “Maliit man o malaki, ginagawa ko ang lahat para magpakita ako ang apresyasyon ko para sa wikang Filipino.” wika ni Aranzamendez. Para sa kaniya, ginagawa niya ito upang mas makipagugnayan siya sa lahat ng tao na nasa paligid niya, lalo na sa mga hindi ganoong marunong mag-ingles. Bukod sa pagiging bahagi ng ating pagkakakilanlan, gaano man tayo magkakaiba, ang ating pambansang wika ay isang bagay na nagbubuklod sa ating bilang mga Pilipino. 

Kahit Filipino ang ating pambansang wika, maraming Pilipino ang kailangang magsanay pa sa pagsasalita sa wikang ito. Ang pangingibabaw paggamit ng Ingles sa mga pormal na larangan o mga okasyon ay maaring isang sanhi nito. Mapa-senyales man sa kalye o direksyon sa mapa, nangingibabaw ang wikang ingles sa maraming bahagi ng bansa, na nagiging dahilan kung bakit ang ilan sa mga kabataan ngayon ay mas naging komportable sa paggamit ng ingles. 

Bukod sa paggamit ng wikang Filipino, mayroon maraming iba’t ibang medyang Pilipino na makakatulong upang higit mapalawak ang ating kaalaman tungkol sa aitng kultura at wika. Para kay Cheska Jovellanos ng 12-Grodecky, pinahahalagahan niya ang mga pelikula, libro at, kantang gawang-Pinoy. “Dito ko pinaka nakikita ko ang ganda ng wika natin. Nakikita ko kasi kung paano niya tayo pinagtitipon at napaguugnay sa ating damdamin at karanasan.” Sa pag-konsumo ng iba’t ibang anyo ng medyang Pilipino, hindi lang natin mas napapalawak ang ating kaalaman tungkol sa ating wika, kundi nakikita rin nating ang kagandahan at nito. 

Sa panahon kung kailan dumarami ang kasikatan ng mga medyang mula sa Amerika, Korea, at iba pang mga bansa, ang pagsusuporta ng mga medyang gawa ng Pilipino ay isang bagay na dapat nating alalahanin at pahalagahan. Ngunit ang kagandahan ng ating pambansang wika ay makikita hindi lamang sa mga libro o pelikula, kundi pati na rin sa ating mahabang kasaysayan na hindi natin kailanman malimutan — isang kasaysayan na bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. 

Ugat ng Ating Wika

“Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda.” – Jose Rizal

Sa kabila ng mga pagsusumikap nating malampasan ito, maraming Pilipino pa rin ang madalas na biktima ng “kolonyal na pag-iisip.” Bilang isang bansang nasakop ng mga Kastila, Amerikano, at Hapon, maraming mga programa at organisasyon ang patuloy na isinusulong para sa pagpapalaganap ng kulturaat wikang Filipino — na may layuning parangalan ang kasaysayan ng ating bansa. 

Noong Nobyembre 9, 1937, inaprubahan ni Pangulong Manuel L. Quezon ang deklarasyon ng Tagalog bilang pambansang wika. Ngunit dahil sa mga argumento at kontrobersiya, ito ay kalaunang pinalitan ng pangalang “Filipino.” Gayunpaman, matagal bago narating ang puntong ito dahil noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, naging malawak na ang paglaganap ng Ingles sa ating pamahalaan, edukasyon at batas. Maraming tao pa rin ang patuloy na nagtaguyod para sa ating wika sa kabila ng mga pagsubok. Kabilang dito si Pangulong Quezon, na kilala bilang “Ama ng Pambansang Wika,” si Cecilio Lopez at iba pang mga lingguwista mula sa Institute of National Language, at marami pang ibang patuloy na lumaban para sa ating inang wika.  

Habang ipinagdiriwang natin ang kulturang Pilipino ngayong buwan, hindi lang natin ipinagdiriwang ang ating pambansang wika kundi iginagalang din natin ang mga taong lumaban para ito ay tanggapin. Habang patuloy tayong nagsasalita ng ating wika sa ating mga kapwa Pilipino, dinadala natin ang kasaysayan at pagkakakilanlan ng ating bansa sa bawat salitang ating binibigkas. 

Kasabay ng tema tungkol sa katutubong wika, ipinagdiriwang din natin ang ating mga katutubong diyalekto. Ang diyalekto ay isang lokal o rehiyonal na baryasyon ng isang wika na ginagamit sa isang partikular na rehiyon o pangkat; karaniwang ito nagsisilbing simbolo ng kanilang pagkakakilanlan. Gayunpaman, maraming komunidad ang kasalukuyang nanganganib na mawala ang kanilang mga diyalekto, na isang mahalagang bahagi ng kanilang kultura. Kasama sa mga halimbawa nito ay ang mga baryasyon ng Arta, Ata, Ayta, Agta at marami pang iba. Hindi lamang nawawala ang kanilang wika, pati na rin ang kanilang paraan ng pamumuhay — isang tanda ng kanilang kultura. 

Para sa Wika at Kultura

Sa mga nakatagong lupain ng East Quezon probinsya, nakararanas ang mga Agta ng pagdukot ng kanilang lupain at diyalekto. Ang panganib na mawala ang kanilang wika ay maaaring magdulot hindi lamang ng pagkawala ng kanilang paaran ng komunikasyon, kung hindi pati rin ng kanilang sariling kultura.

Ang pagkawala ng isang diyalekto o wika ay maaaring sanhi ng kumbinasyon ng mga panlipunan, pang-ekonomiya, pangkapaligiran, at pampulitikang mga salik. Ang mga salik na ito ay ang pumipigil sa patuloy na pagmana ng wika mula sa isang henerasyon patungo sa susunod. Dahil sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno, napipilitan ang mga Agta na maki-ayon sa nagbabagong panahon. Kasama rito ang paglipat mula sa kanilang tradisyunal na pamumuhay patungo sa pagsasaka at iba pang uri ng paggawa.  Bukod dito, dahil pangunahing ginagamit ng mga kabataan ang Tagalog at Ingles, unti-unti nang nawawala ang wikang Agta sa mga kabataan ng komunidad. 

Sa kabila nito, patuloy ang suporta ng ilang mga organisasyon sa mga katutubong komunidad at sa pagpapanatili ng kanilang mga wika. Kabilang dito ang organisasyong Obo Manobo Active Language Resource and Community Development (OMALRACD) na nakatuon sa wika at kultura ng Obo Manobo, ang Tuklas Katutubo na naglalayong bigyan ng tinig ang mga katutubo, at ang SIL Philippines na tumutulong sa maraming mga komunidad ng wika sa Pilipinas.

Sa panahong nanganganib nang mawala ang mga diyalekto at wika, higit kailanman ay mahalaga na patuloy nating isabuhay ang ating sariling wika at kultura. Ang mga okasyon katulad ng Buwan ng Wika ay inaasahan ng mga mag-aaral, dahil nabibigyan nila ng pagkakataon na lubusang mapahalagahan sa wikang Filipino at kultura sa pamamagitan ng iba’t ibang mga aktibidad. Para kay Alleah Ortega ng 12-Miki, ang pagsasabuhay ng motto na ‘persons for and with others,’ ay kinabibilangan ng pag-aaral kung paano mahalin ang sariling wika para sa layuning pagsilbihan ang ating bayan at komunidad. Ang pagmamahal ng ating pambansang wika ay hindi lamang isang pagdiriwang ng ating kultura, kundi isa ring maliit na paraan upang parangalan ang mga naglingkod sa ating bansa.  

“Ang pag-aaral at paggamit ng wikang Filipino, lalo na sa isang paaralang katulad ng Ateneo na pinahahalagahan ang kritikal na pag-iisip, pamumuno, at pagbuo ng bayan, ay hindi lamang tanda ng pagiging makabayan, kundi isang anyo ng pagmamahal at paggunita.” Para sa kanya, bilang mga estudyante ng ASHS na hinuhubog upang maging mga pinuno sa hinaharap, tungkulin nating kilalanin, gamitin ang wika nito, at ipaglaban ang ating sariling bansa. 

Habang ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika, kailangan nating tandaan na ang pagpapahalaga sa ating kultura at wika ay hindi nagtatapos kapag natapos ang buwan ng Agosto. Habang sabay-sabay tayong umaawit ng mga klasikong opm na kanta at panoorin ang mga masiglang pagtatanghal ng ating mga kaklase, ipinagdiriwang din natin ang kasaysayan sa ating mga ninuno — kung saan ang kanilang mga tinig ay umaalingawngaw sa lahat ng ating ginagawa. 

Leave a comment