
By AJ Alarcon
Nitong Lunes, Agosto 18, ipinagdiwang ng komunidad ng Ateneo Senior High School (ASHS) ang Misa ng Banal na Espiritu Santo sa ikatlong palapag ng Formation and Learning Center (FLC) bilang pagsalubong sa Taong Panuruan 2025–2026.
Nagsilbing punong tagapagdiwang ng misa si Fr. Bobby Yap, SJ, pangulo ng Pamantasang Ateneo de Manila, kasama sina Fr. Jonjee Sumpaico, SJ, Fr. Bert Ampil, SJ, Fr. Mamert Manus, SJ, at Fr. Noel Bava, SJ.
Bilang panimula, inialay ang pitong kaloob ng Espiritu Santo — Karunungan, Pag-unawa, Payo, Kaalaman, Katatagan, Kabanalan, at Banal na Takot sa Diyos.
Sa kaniyang homiliya, tinalakay ni Fr. Bobby Yap, SJ ang apat na bunga ng Espiritu Santo na aniya ay patunay na “The Holy Spirit is operative in us.”
Ayon sa kaniya, ang pag-ibig ay higit pa sa pakiramdam, kung hindi “willing the good of the other.”
Dagdag pa niya, “Nothing is more important (than love).”
Ipinunto rin niya ang kahalagahan ng kagalakan at sinabing, “The flag of the Holy Spirit is joy…a joyless Christian is a contradiction in terms.”
Tinalakay naman niya ang kabutihan bilang mga simpleng kilos na may malaking saysay sa pananampalataya.
“Basic decency, basic courtesy — these little tiny gestures are not tiny spiritually,” aniya.
Huli niyang ibinahagi ang repleksyon sa pagiging bukas-palad.
“If love has taken root in you, you become generous with what you have,” wika ng Heswita.
Kasunod namang isinagawa ang Panalangin ng Bayan sa iba’t ibang wikang Filipino.
Nagsindi rin ng mga kandila sa isang seremonya na pinangunahan ng kapilan ng ASHS, si Fr. Noel Bava, SJ, kasama ang mga tagahubog at ang Sanggunian Executive Council (ExeCoun) bilang mga kinatawan ng komunidad.
Itinalaga naman bilang benepisyaryo ng misa ang Parokya ng St. Michael the Archangel sa La Union upang makapaghatid ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Emong.
Hinihikayat din ang buong komunidad na maghandog ng mga school supplies para sa mga nangangailangan, na maaaring iabot sa Office of the Campus Ministry (OCM) sa unang palapag ng FLC.
