Ang Mamatay Nang Dahil Sa ‘Yo’: Ang salaysay ni Ninoy Aquino

Likha ni Raya Untalan

Sulat ni Gilli Aquino

“The Filipino is worth dying for.”

Naganap ang pagpatay sa dating Punong Tagapagtanggol ng Oposisyon na si Benigno “Ninoy” Aquino noong panahon ng Batas Militar noong 1983 sa Manila International Airport. Ang balitang ito ay pumukaw ng kamalayan sa sambayanan, na nagbigay-daan sa mga sunod-sunod na protesta sa buong bansa. Ang pangyayaring ito ang sumiklab ng pangangailangan para sa pagbabago, tulad ng mga reporma, upang mapabuti ang kalagayan ng politika at demokrasya sa bansa. Ito ay tumatatak ng isang mahalagang sandali sa kasaysayan ng Pilipinas — na nagkaroon ng pangmatagalang epekto sa ating bansa. 

Ang simbolo ng demokrasya at katarungang kinatawan ni Ninoy ay isang diwa na lalo nang kailangan sa lipunan ngayon. Sa panahong laganap ang krimen at korapsyon, ang simpleng panonood ng balita ay maaaring magdulot sa iba na mawalan ng kanilang lakas na loob para umasa. Gayumpaman, habang ginagamit natin ang holiday na ito upang makapagpahinga, maaari din nating gamitin ang oras na ito upang pagnilayan ang mga prinsipyong isinalarawan ni Ninoy; hindi lamang isang adbokasiya para sa katarungan, kung hindi isang pagmamahal para sa Pilipinas kahit na ito ay mahirap.

Mana ng Pamumuno 

Ang Agosto 21 ay idineklara bilang isang special non-working holiday ngayong 2025, ngunit bago natin ipagdiwang itong pahinga mula sa pag-aaral, mahalaga para sa atin na maunawaan kung sino at ano talaga ang ating pinarangalan. 

Si Benigno “Ninoy” Aquino ay nagsimula bilang isang mamamahayag sa murang edad na labing-pito. Ang kaniyang matapang na diwa ay nagsilbing pundasyon ng kanyang hinaharap sa pulitika. Si Aquino ay nagmula sa isang pamilyang may malalim na ugnayan sa pulitika. Sa edad na dalawampu’t dos, nahalal siya bilang ang pinakabatang alkalde ng Concepcion, Tarlac. Sa paglaon, naging bise-gobernador siya ng Tarlac at nang maabot niya ang edad na dalawampu’t siyam, naluklok siya bilang gobernador ng nasabing lalawigan, na siyang pinakabata sa Pilipinas na nakahawak sa posisyong iyon noong panahon niya. 

Ang kaniyang matapang at matibay na paninindigan ang nagtulak sa kaniya upang maging isang kilalang kritiko ng rehimen ni Pangulong Ferdinand Emannuel Marcos Sr, lalo na noong panahon ng batas militar. Pagkatapos ideklara ang batas militar noong 1972, siya ay inaresto at nilitis sa isang military tribunal kung saan inakusahan siya ng mga kasong gawa-gawa lamang tulad ng pag-aari ng armas at subersyon. Sa bilangguan, nag-protesta siya sa pamamagitan ng isang matinding hunger strike upang tutulan ang hindi makatarungang paglilitis. Habang nakakulong, nanatili siyang matatag sa kaniyang paninindigan laban sa diktadurya. Noong 1980, pagkatapos mabawi ang kaniyang death sentence, pinayagan siyang magpagamot sa Estados Unidos, kung saan pinag-aralan niya ang mga paraan para ibalik ang demokrasya sa Pilipinas.

Sa kabila ng panganib, bumalik siya sa Pilipinas noong 1983 upang makipaglaban sa rehimeng Marcos. Ang kaniyang pag-uwi ay naging simbolo ng paglaban sa diktadurya, at ang pagpaslang sa kaniya sa paliparan ay nagbunsod ng malawakang pagkondena, nagtulak sa oposisyon, at sa huli ay nagpasimula ng People Power Revolution na nagpatalsik kay Marcos mula sa kapangyarihan. 

Matagal nang lumipas mula ang pagkamatay ni Aquino, ngunit ang kaniyang mensahe ay patuloy na nananatili at tumitibok sa puso sambayanan. Sa kabuuan, si Ninoy Aquino ay isang tao na patuloy na lumaban para sa ikabubuti ng ating bayan, hindi para sa kapangyarihan o kasikatan — kung hindi dahil naniniwala siya sa halaga at potensyal ng bawat Pilipino.

Pag-asa sa Pilipino

“Umaasa ito na, kahit mawala na tayo sa mundong ito, patuloy pa ring lalago ang Pilipinas.”

Noong Agosto 4, 1980, ipinahayag ni Ninoy Aquino ang mga salitang nagbibigay-buhay sa kaniyang pagiging biyaya sa bansa: “I have carefully weighed the virtues and the faults of the Filipino, and I have come to the conclusion that he is worth dying for, because he is the nation’s greatest untapped resource.” Gayunpaman, mas tumatak sa alaala ng sambayanan ang pinaikling pahayag na, “The Filipino is worth dying for.” Inilahad niya ito matapos makalaya at manirahan sa Estados Unidos, isang yugto ng kaniyang buhay kung saan ang kaniyang pagbabalik sa Pilipinas ay may kasamang panganib at sakripisyo. Sa kabila ng lahat, buong dangal niyang ipinahayag ang kaniyang kahandaang ialay ang buhay para sa bayan. Sa katunayan, binitawan niya ang linyang “I would rather die a glorious death than be killed by a Boston taxicab,” kung saan binigyang-diin niyang mas gugustuhin niyang mamatay nang may dangal para sa kapwa Filipino.

Ngunit, kahit gaano man kahalaga ang mensaheng ito sa ating kasaysayan, sa kasalukuyang panahon, ang kabuluhan nito ay nawawala sa ilang mga Pilipino. Dahil sa iba’t ibang mga isyung pampulitika at panlipunan na kinahaharap ng ating bansa, may ilan na nagpahayag na sila ay tila nawalan ng pag-asa para sa kinabukasan ng Pilipinas. Subalit, kahit gaano man kahirap magkaroon ng pag-asa sa lipunan ngayon, bilang mga estudyanteng na magiging mga pinuno o tagapagpaunlad ng hinaharap, may tungkulin tayo na patuloy na panindigan ang katotohanan at katarungan — kahit na mukhang imposibleng gawin ito. 

“Sa katotohanan, napakahirap sumang-ayon sa pahayag na ito,” wika ni Herson Ofrecio mula sa 12-HUMSS. Ipinahayag niya na ang iba’t ibang uri ng karahasan at mga hindi kaaya-ayang naganap at nagaganap, katulad ng War on Drugs at ang paghalal ng isa na namang Marcos bilang ating pangulo, ay nagdulot sa mga tao na mawalan ng pag-asa.  Para sa kaniya, “Napakahirap na talagang mahalin ng bansang ito dahil sa pagpapaubaya natin, at lalo ng ating pamahalaan, na mangyari sa atin ang masasamang bagay tulad nito.” Hindi lamang ang iba’t ibang mga suliraning panlipunan ang nakakaubos ng ating pag-asa, kundi ang masdan pa na tila walang ginagawa ang ating mga pinuno upang pigilan ang mga ito. 

Tulad ni Herson, mahirap para sa marami sa atin ang mangarap ng isang mas mabuting Pilipinas, ngunit kahit nakapanlulumo ito minsan, may tapang sa umaasa, may lakas sa matibay na paniniwala na may mas mabuting kinabukasan para sa ating bansa. Ang umaasa para sa isang mabuting kinabukasan ay ang unang hakbang upang magawa natin ang mga pagbabagong nais nating makita sa mundo.

Sa kabilang banda, matatag na naniniwala si Francine Aquino mula sa 12-ABM, sa damdaming ito. “Ang damdaming ito ay kinikilala ang dignidad at halaga ng buhay ng Pilipino at pinaninindigan na ang lahat ng pagsisikap at sakripisyo ay makabuluhan sapagkat ito ay nakatutulong sa pagbuo ng mas makatarungang at makataong lipunan,” paliwanag niya. Para kay Francine, sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa, pinaniniwalaan niya na ang mamamayang Pilipino ay patuloy na nagpapakita ng tiyaga, katatagan, at pagpupursige tungo sa magandang kinabukasan ng bayan.  

Sa lahat ng pagsubok, may mga taong patuloy na gumagawa ng simpleng paglilingkod para sa kapwa Pilipino. Ang mga guwardiya na bumabati sa atin tuwing umaga o ang mga guro na nagtutulak sa atin na umunlad — ang mga simpleng gawaing ito ang patuloy na nagpapatunay ng kabutihan ng Pilipino. Habang may mga taong mistulang nawawalan ng pag-asa, mayroon din mga taong handang lumaban at magtrabaho para sa isang mas mabuting lipunan — isang lipunang karapat-dapat ng sakripisyo. 

Para sa Kinabukasan 

Bilang mga mag-aaral, maaaring mahirap maramdaman na kaya nating gumawa ng malaking pagbabago sa lipunan. Ngunit bilang kabataan ngayon, nagsisimula ang mga pagbabagong nais nating gawin sa ating sariling pagkatao.

Para kay Joshua Tan ng 12-HUMSS, ang paniniwala at paninindigan natin sa mga adbokasiya at prinsipyo, ay isang bagay na maaring nating gawin. Sa kaniyang salita, “Ang mga katawan natin ay may nakatalagang oras lamang sa mundo at kasama nito ang ating mga mithi, pumapanaw din iyon. Gayunpaman, kapag tayo ay magsusumikap na umaksyon sa ngalan ng ating mga adbokasiya at prinsipyo upang makagawa ng mga proyekto at tunay na pagbabago, ang ating mga mithi ay mananatili pa rin sa mundo natin.” 

Tulad ni Ninoy Aquino, ang kaniyang adbokasiya para sa karapatang pantao at katarungan ay patuloy na nabuhay sa paglipas ng panahon. Sa kabila ng maikling oras natin sa mundo, may kakayahan tayong gumawa ng mga pagbabago na magtatagal lampas sa ating buhay. 

“Para sa akin, ang Pilipinong ‘worth dying for’ na katulad ng sinabi ni Ninoy ay isang Pilipinong walang-takot na pinakikita at pinahaharap sa kanyang mga kapwa Pilipino ang mga katotohanan ng ating lipunan,” sabi ni Herson. Sa kanyang pananaw, ang Pilipinong na maalam at malay sa mga pinagdaraanan ng kanyang kapwa mamamayan at hindi natatakot o nahihiyang magsalita at ipaglaban sila at ang kanilang mga karapatan, ay isang taong tunay na sumasagisag sa Pilipinong “worth dying for.” 

Sa mundo natin ngayon, mahalagang hindi lamang tayo maging mga pasibong kasapi ng lipunan. Ang pagsasalita para sa mga walang tinig, paglaban para sa mga wala ng lakas, at painndigan ang pagtutol sa anumang anyo ng pang-aapi o pang-aabuso ay isinasabuhay ang diwa ng tapang na kinakailangan sa ating lipunan ngayon.

Habang ginugunita natin si Ninoy Aquino sa Agosto 21, hindi lamang natin inaalala ang nakaraan kung hindi tumitingin tayo sa hinaharap ng Pilipinas. Isang kinabukasang taimtim na pinaniniwalaan at ipinaglaban ni Aquino — isang bagay na tungkulin nating panatilihin at ipaglaban. 

Leave a comment