
By Jelena Villorente
Isa sa mga pinakamahahalagang bunga ng panlipunang ebolusyon ay ang pag-unlad ng wika — at sa pamamagitan nito, nagiging dinamiko ang pananalita ng lahat ng mga Pilipino. Mula sa mga makabagong diyalekto hanggang sa mga makukulay na lengguwahe, ang diwa ng ating wika at komunikasyon ay patuloy na nagniningning.
Bawat Pilipino ay may iba’t ibang pamamaraan ng pagsasalita, at ito’y lubos na naiimpluwensiyahan ng kanilang grupong kinabibilangan sa siyudad at ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Nagbubunga ito ng baryasyon sa estilo ng komunikasyon — na ginagamit upang makihalubilo sa mga taong kabilang sa mga magkakaibang panlipunang pangkat. Sa larang ng lingguwistika, rehistro ang tawag sa pag-aakma ng wika sa partikular na sitwasyon o layon — at dito, mas pinagdidiinan ang layuning ito sa pakikipag-ugnayan sa kapwa-Pilipino.
Sa ganitong paraan, nagkakaroon din ng dibersidad sa ating wika na hindi lamang limitado sa Filipino at Ingles, na kung saan tayo ay kilala. Nagiging pananalita na ang Taglish, o Tagalog na may halong Ingles. Kasali na rin sa klasipikasyong ito ang pagsasalita ng mga pangunahing diyalektong may halong Ingles. Bukod dito, umiiral rin ang mga lingo at slang na kaugnay sa mga magkakaibang gawi at konteksto, sa trabaho man o sa social media lumaganap. Bilang karagdagan, may relasyon din dito ang paksa ng “sosyolek” — ang pormal na konsepto ng diyalekto na nakabatay sa partikular na pangkat sa lipunan.
Tunay na mahalaga at malaki ang papel ng wika sa pangkalahatan, lalong-lalo na sa pagpapanatili ng mga koneksyon sa lipunan — ngunit, sa kabila ng pagkadinamiko ng wika, ang realidad na ito ay nagiging hadlang din sa pagkakaisa ng ating bansa. Sa iilang mga sitwasyon, ang kaibahan ng mga sariling wika ay nagiging rason din ng kahirapan sa mabisang pakikipag-ugnayan.
Mga Dilang Kinakagat
Kapag pinagmasdan natin nang maigi ang kalagayan ng ating wika, makikita natin na ang kultura ng ating paggamit nito ay hindi kaakit-akit sa ibang aspeto. Sa halip na mas lalong magkaisa ang ating bansa dahil sa ating makulay na wika, mas naoobserbahan natin ang kabaliktaran nito — ang pagkahiwa-hiwalay ng ating mga pamayanan dahil sa kaibahan ng ating mga pananalita.
Isang manipestasyon nito ang pagkakaroon ng language barriers mula sa maraming diyalektong bumubuo sa ating wika. Nagiging daan ito para sa maraming suliranin, na maaaring umabot sa edukasyon, politika, at panghuhusga sa ating lipunan. Ang mga isyung ito sa pangkalahatan ay may kinalaman sa kakulangan ng pagkakaunawa sa pagitan ng mga partidong sangkot, lalo na sa mga larang ng edukasyon at politika kung saan pinakamadalas ang pagbabahagi at pagpapahayag ng impormasyon at kaalaman sa madla — at kung saan mas lalong kinakailangan ang maayos na pagkakaintindi.
Isa sa mga ito ay ang kahirapan sa pagpapaabot ng impormasyon sa masa, lalo na kapag ito’y nasa larang ng politika. Hindi lahat ng manonood ay marunong mag-Ingles, at ang pagkakaroon ng opisyal na Ingles na lengguwahe sa Pilipinas ay hindi nakatutulong sa ganitong mga sitwasyon — at sa pagkakaroon ng mga talumpati o anunsyo, hindi mabisa ang pagpapairal ng impormasyon at mensahe sa masang hindi ganoon kahusay sa pagsasalita ng Ingles, o kahit Tagalog kung galing sa ibang probinsya.
Kamakailan, naghain ng panukalang-batas ang kinatawan ng Akbayan Partylist na si Chel Diokno na naglalayong isalin ang mga batas sa wikang Filipino, Bisaya, at Ilokano upang basagin ang mga language barriers sa tulong ng House Bill No. 3863 o ang “Batas sa Sariling Wika” Act. Ayon sa kaniya, “How can we expect ordinary citizens to follow the law if it’s written in a language they can’t understand? A worker in Mindanao shouldn’t need a lawyer or translator to understand the Labor Code; a mother in Ilocos should be able to read the Anti-VAWC law in her native tongue.” Sa pag-unawa ng suliraning ito at ang epekto nito sa masa, binigyang-diin ni Diokno ang kahalagahan ng paggamit ng mga magkakaibang wika sa pagpapahayag ng impormasyon sa ating bansa, lalong lalo na para sa mga taong nakakaintindi ng mga partikular na diyalekto lamang.
Isa pa rito ay ang kahirapan sa edukasyon. Ang pag-aaral ng English at Filipino ay kasama na sa ating opisyal na kurikulum, ngunit paano kung hindi kabilang sa mga ito ang mga wikang bihasang gamitin ng mga mag-aaral? Paano nila ito matututuhan kung hindi man lang nila naiintindihan ang wikang ginagamit sa pagtuturo? Isang halimbawa rito ay ang mga natuklasan ni Bastida et al. (2022) sa kaniyang saliksik, na kung saan pinag-aralan niya ang mga hamon ng mga guro para sa Indigenous People’s Education (IPEd) sa larang ng pagtuturo ng Ingles — at ayon sa mga resulta, talagang nahihirapan ang mga mag-aaral sa asignaturang ito dahil ibang kultura at diyalekto ang kanilang nagiging kasanayan sa labas ng silid-aralan.
Dagdag pa rito ay ang hadlang na dala ng pagtanggal ng asignaturang Mother Tongue sa kurikulum noong 2024, sapagkat ito’y naging daan para sa mga mag-aaral na mas kilalanin ang kanilang pangunahing wika at alamin ang tungkol sa lengguwaheng nagbibigay-diwa sa kanilang pinanggalingan, lalong lalo na para sa mga mag-aaral na mahusay sa pagsasalita ng kanilang mother tongue. Hindi naman natin maitatanggal sa kanilang dila ang diyalekto ng kanilang kasanayan, lalo na kung hindi Filipino o Ingles ang sinasalita sa lugar na kanilang pinanggalingan.
Ayon pa sa isang artikulo mula sa Manila Bulletin, tinuligsa rin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) ang desisyong ito noong 2022 pa lang dahil sa hamong madadala ng patakarang ito para sa iilang mga mag-aaral. Ayon kay Roel Mape mula sa ACT-Teachers, “Mahalaga ang literasiyang Mother Tongue para maging mas epektibong medium of instruction ito sa ibang subject, at maging mas mabilis at epektibo ang pagtuturo ng pagsasalita, pagsulat, pagbasa at komprehensyon sa iba pang wika.”
Sa huli, madalas na iniuugnay ang pananalita sa mga partikular na estereotipo, lalo na para sa mga sosyal na pangkat na makikita natin sa lipunan — at sa realidad na ito, unti-unting sinasalamin ang herarkiya ng wika at ang sistemang nagpapairal sa ganitong uri ng pag-iisip.
Halimbawa nito ay ang hiyang mararamdaman ng isang tao sa mga oras na nagkakamali siya sa pagsasalita ng Ingles. Matatawag siyang illiterate, o kaya’t pagtawanan ang kaniyang maling gramatika. Sa kabila naman nito, kapag hindi naman mahusay magsalita ng Filipino, hindi ito kadalasang binibigyan ng pansin sapagkat kadalasang pinalalampas lamang ng ilan sa mga mamamayan kung hindi magaling sa pagsasalita nang “malalim” na Filipino — kahit nagkakamali sa mga madadaling salita lamang.
Kapag iuugnay natin ito sa mga panlipunang pangkat, naoobserbahan naman natin ito kung maaakma natin ang partikular na pananalita sa isang grupo. Ilang halimbawa rito ay ang pagtingin sa isang tao bilang mayaman at suplada kung madalas silang nagsasalita ng conyo, o kung kaya’t tatawagin kang chronically online kapag ika’y gumagamit ng mga online o Gen-Alpha slang. Ito’y nagiging daan para sa paghuhusga base sa wikang sinasalita — ang mga mababaw na paghahatol na mula lamang sa mga lumulutang na katangian at kasanayan.
Sa madaling salita, hinuhubog ng wika ang sistema ng ating lipunan at kung paano tayo nakikipag-ugnayan sa isa’t isa, mabuti man o hindi. Pinaiiral ang sistema ng pagkakaroon ng mga grupong naaayon sa kahusayan sa partikular na wika, o kung kaya’t sa lengguwaheng madalas na ginagamit ng mga grupo sa lipunan — at sa halip na pahalagahan ang sariling wika, mukhang kinakagat lamang natin ang ating mga dila, at winawaksi sa kasalukuyan ang dibersidad ng ating pananalita.
Kanluraning Kaunlaran
Sa kabila ng mga hamong kinahaharap ng wika sa kasalukuyan, maaari din itong iugnay sa kasaysayan ng ating kolonyalisasyon. Maituturing nating ugat ng kasalukuyang sistema ang mga kaunlarang naganap sa nakaraan, na pinasulong ng ating mga mananakop patungo sa “pagbabago” ng ating bansa.
Noong unang panahon pa lamang, pinupuri na ang mga nagmumula sa Kanluran bilang mga tagapagdala ng mga modernong ideya at konsepto. Mas pinahalagahan ng ating mga kababayan noon ang mga Pilipinong nakapagtapos sa labas ng Pilipinas (hanggang ngayon), at dito nagsimula ang ating bansa na iakma ang kaniyang sistema ayon sa mga pamantayang pinaunlad ng Kanluran noong una. Sa pagsulong nito, nararamdaman na natin sa kasalukuyan ang mga epekto ng paglawak ng mga Kanluraning konsepto. Mas pinupuri ng ating lipunan ang mga pamamaraang nanggagaling sa labas ng bansa, at dahil dito, unti-unting nagiging bahagi ng ating kultura ang mga dayuhang kasanayan at kaugalian.
Isa sa mga ebidensiya ng ganitong pag-unlad ay ang pagkakaroon ng mga English Only na patakaran sa iilang mga paaralan. Hindi naman natin masasabing lahat ay sumusunod dito sapagkat may iilan talagang mga mag-aaral na ang unang wika ay hindi Ingles — ngunit sa paghaharap ng realidad na ito, hinahamon lamang sila ng mga kapaligiran na nagpapairal ng ganitong kasanayan.
Dagdag pa rito ay ang konsepto ng pagturing bilang mas edukado kapag magaling mag-Ingles, kumpara sa pagsasalita sa wikang Filipino o mga katutubong diyalekto. Ang kahusayan sa pagsasalita ng Ingles ay kasingkahulugan ng katalinuhan, lalo na kung malawak ang iyong bokabularyo — ngunit sa kaisipang ito, binabalewala ang mga matatalinong hindi Ingles ang pangunahing wika, lalo na ang kalidad ng kanilang pag-iisip at ng pagpaparating ng mga ideya.
Sa madaling salita, sa mga Kanluraning estruktura pinagbasehan ang kasalukuyang sistema ng Pilipinas, at patuloy na hinuhubog pa rin ang modelong ito upang iakma sa organisasyon ng Kanluran — dahil para sa karamihan sa atin, sila ang mistulang basehan ng isang perketong lipunan. Kaya naman, naaapektuhan na rin ang ating bansa, sapagkat sa pinakamadaling paliwanag, hindi tayo taga-Kanluran.
Nahuhumaling lamang tayo sa kaunlarang naaayon sa sistema ng mga nangunguna sa pandaigdigang karera. Gusto nating umabot sa puntong tayo’y maituturing na globally-competitive sa mundong mahilig umusad sa lahat ng aspeto. Sa wakas, developing country pa rin tayo sa mata ng daigdig, kahit marami-rami pa rin ang mga plano para sa pagsusulong ng ating bansa. Ngayon, subukan nating tumungo sa sarili nating mga isyu bago bigyan ng pokus ang pagtingin ng mundo — mula rito, baka sakaling mapagtanto nating wala sa Kanluran ang solusyon, ngunit nandito lang sa ating harapan.
Boses ng Kultura
Sa huli, isa lang ang konklusyon ng naratibong ito — ang realidad na ito’y nangangahulugan sa wasak-wasak na pagkakaintindihan sa ating bansa, bunga ng diskriminasyong lumulutang sa iba’t ibang wika. Humihina ang ating pag-unlad sa ganitong kalagayan; at lalong-lalo na dahil nawawala ang pagkakaisa ng ating lipunan mula sa mga malalim na ugat ng isyung ito, mas lalala ang suliranin ng ating kaunlaran.
Ang mga hamong ito’y sumasalamin sa kahirapan ng Pilipinas na tanggapin ang kaniyang sariling wika at yakapin ang kulturang nagniningning sa kaluluwa nito. Magkakaiba man ang ating pananalita, hindi maitatanggi ang katotohanang tayo ay mga Pilipino — at mahalagang binibigyan natin ng diin ang kagandahan ng ating lengguwahe bilang mga tagapagsalita ng mga ito.
Huwag lamang natin pahalagahan ang wikang kumakatawan ng impluwensiya ayon sa mga pamantayan ng lipunan. Huwag natin iwanang iwawaksi ang mga katutubong wika na nananatiling buhay na buhay. Huwag natin balewalain ang mga taong nagsisikap para mapanatili ang kayamanan ng ating wika — sapagkat sa huli, malaki pa rin ang silbi nito sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Sa pangkalahatan, sa halip na husgahan natin ang isa’t isa batay sa wika, yakapin nating talagang magkakaiba ang ating pananalita at tumungo tayo sa pagmamalasakit. Tagpuin natin ang mga tao kung saan sila tunay nanggagaling kahit ito man ay mahirap — dahil sa huli, ang pangunahing layon ng ating masiglang wika ay upang maisulong ang makabuluhang komunikasyon. Unawain natin ang wika bilang patunay ng dibersidad at pagkakaisa sa ating bansa — sapagkat ano pa ba ang magbibigay ng boses sa ating masaganang kultura kung hindi ang ating makulay na pananalita?
