Pinoytuntunan 2025, ipinagdiwang ng ASHS

By Anjela Ferry

By AJ Alarcon

Ipinagdiwang ng komunidad ng Ateneo Senior High School (ASHS) ang Pinoytuntunan 2025, rurok ng paggunita sa Buwan ng Wika na may temang “Timpuyog,” o pagkakaisa, noong Martes, Setyembre 2, sa ikatlong palapag ng Formation and Learning Center (FLC).

Binigyang-diin ng selebrasyon ang kahalagahan ng pakikipagkapuwa at ang pagpapalalim sa yaman ng wikang Filipino.

Nagbukas ang pagdiriwang sa pambungad na panalangin at mensahe ni Fr. Jonjee Sumpaico, SJ, na siyang nagbigay-diin sa diwa ng tema.

“Dahil tayo ay mga Pilipino, marami tayong pinanggagalingan, ngunit tayo ay pinag-iisa,” aniya.

Dagdag pa niya, “Sa ating salita, dito natin nakikita [kung] paano tayo nakikipagkapuwa.”

Pagkakaisa at Pakikipagkapuwa

Unang isinagawa ang Bihis Pinoy kung saan itinampok ng mga guro at tagahubog ng paaralan ang kanilang mga katutubong kasuotan, kasunod ang pagkilala sa mga nagwagi sa Pinoy Trivia.

Sumunod ang Bihis Pinoy para sa mga mag-aaral kung saan itinanghal na kampeon ang 11-Perez at 12-Kibe. 

Nagtanghal naman sina Jerald Cea ng 11-Tsuji at Jianna Miradora ng 12-Acquaviva sa Videokehan, kung saan idineklara sila bilang mga kampeon nito sa kanilang mga baitang.

Matapos magtanghal ang mga kinatawan ng bawat larang para sa Hataw Pinoy, itinampok din ang panalo ng 11-San Vitores sa Harana sa pamamagitan ng kanilang likhang music video

Kasunod nito, binigkas ni Zeki Vizcarra ng 11-Brebeuf ang kaniyang nagwaging tula para sa Tulaan, bago ipinakilala sina Dominic Pelingo ng 11-Hoyos at Marielle Orbong ng 12-Anchieta bilang mga nagwagi sa Pagsulat ng Sanaysay.

Sa Paglikha ng Orihinal na Awitin, nagwagi ang kantang “Bukas Na Lang,” na isinulat ng mga mag-aaral mula sa 12-Navarro, 12-Oldcorne, at 12-Pantalia.

Bukod dito ay nagtanghal din ang Dulaang Sibol bago tuluyang ideklara ang larang ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) bilang kampeon sa Hataw Pinoy.

Bilang pangwakas, nagtanghal ang mga guro at mag-aaral ng kantang “Pantropiko” ng BINI.

Kayamanan ng Wikang Filipino

Ayon kay Ethan Rivadelo ng 11-Borja, naging makabuluhan ang kaniyang unang paglahok sa Buwan ng Wika sa ASHS.

 “Natutuwa ako hindi lamang dahil nabalikan at mas nakilala natin ang iba’t ibang wika ng Pilipinas…kundi dahil nakita ko rin ang husay at sipag na ibinuhos ng mga estudyante at guro mula sa iba’t ibang strand,” aniya.

Dagdag pa niya, higit niyang naunawaan ang kahalagahan ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang mga aktibidad.

“Ipinagmamalaki ko ito at naniniwala ako na bilang mga kabataan, tungkulin natin na ipasa at iparanas pa sa susunod na henerasyon ang yaman ng kulturang Pilipino,” wika niya. 

Samantala, inaasahang maanunsyo ang resulta ng Bandegrasya at Panalanging Bayan matapos ang pinal na pagmamarka sa Miyerkules, Setyembre 3.

Leave a comment