
By Anjela Ferry
By AJ Alarcon
Noong Huwebes, ika-apat ng Setyembre, dumalo ang mga mag-aaral mula sa larang ng Humanities and Social Sciences (HumSS) sa unang araw ng “HumSS Sama-Sama!” na ginanap sa ikalawang palapag ng Formation and Learning Center (FLC).
Sa pangunguna ng Strand Chairperson na si Caelyn Santos at Strand Secretary na si Ava Veloso, ginanap ang salu-salo upang pagtibayin ang ugnayan ng mga “Humanista,” sa tulong ng mga boluntaryo mula sa larang.
Pagkatapos ng kanilang klase, dumalo ang mga mag-aaral mula sa 12-Kibe, 12-Holland, 12-Grodecky, 11-Goupil, at 11-Grande na bitbit ang mga pagkain para sa salu-salo.
Magkakahalo sa mga grupo ang mga kalahok mula sa iba’t ibang baitang at seksyon upang makabuo ng mga bagong pagkakaibigan sa labas ng kanilang seksyon.
Unang isinagawang aktibidad ang charades, na sinundan ng Student Sharing kasabay ng salusalo.
Kasunod nito, bumuo ang mga pangkat ng chant at vision board, at itinanghal na nagwagi sa chant ang Team Yellow at Team Lime.
Sama-Sama
Bilang unang proyekto ng larang para sa Taong Panunuran (TP) 2025–2026, ibinahagi ni Santos, “Pinag-isipan talaga namin ni Ava [ang] activities that will really connect people to one another.”
Nagpasalamat din siya sa mga boluntaryo at kinatawan ng bawat klase ng larang sa kanilang pagtulong upang maayos na maisagawa ang mga aktibidad at makarating sa lahat ang mga anunsyo tungkol sa kaganapan.
Paliwanag pa ng Strand Chairperson, “For this event, we really hope to set the tone for the rest of the school year.”
“We’ll have more events…so we really hope by that time na the strand is really connected and they know people outside of their sections,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Natania Dubongco ng 11-Grande, natupad ang layuning ito ng HumSS Council.
“As a transfer, I was able [to meet] new people and befriend people who I didn’t think I would befriend before,” ani Dubongco.
Dagdag pa niya, “It was, overall, a really nice experience kasi I got to do things out of my comfort zone.”
Itutuloy ang ikalawang araw ng kaganapan para sa mga mag-aaral mula sa 12-Gonzales, 12-Geronimo, 11-Hoyos, at 11-Hurtado sa ikasiyam ng Setyembre sa parehong lugar at oras.
