
Kuha ni Mary Joy Salceco – INQUIRER.net
Sulat ni AJ Alarcon
Itinigil ng transport group na Manibela ang nakaplanong tatlong araw na transport strike sa ikalawang araw nito noong Huwebes, Setyembre 18, matapos ang pagtutol ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO).
Ang protesta laban umano sa katiwalian sa gobyerno, kaugnay ng mga flood control projects, ay nakatakda sanang isagawa mula Setyembre 17 hanggang 19.
Ayon kay Mar Valbuena, Chairperson ng Manibela, sa isang pulong ay nakiusap ang mga kinatawan ng LTFRB, LTO, at Department of Transportation (DOTr) na itigil na ang protesta dahil nahihirapan na ang mga mananakay.
“Huling araw na ito ng aming transport strike at bukas ay magiging normal na,” ani Valbuena.
Dagdag pa niya, marami ring commuter groups ang umapela dahil halos wala nang masakyan, na naging malaking salik sa kaniyang pagpapasya.
Pahayag naman ni Atty. Teofilo Guadiz III, Chairperson ng LTFRB, “Our duty is to the riding public. Strikes must never paralyze the lives of ordinary Filipinos.”
Inanunsyo rin ni Valbuena na makikibahagi pa rin ang Manibela sa mga protesta sa Luneta Park at EDSA Shrine sa Setyembre 21 bilang paggunita sa ika-53 anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar.
