
Kuha ni Raya Untalan
Ulat ni Lia Atienza
Nagtipon ang libu-libong Pilipino sa People Power Monument sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) para sa “Trillion Peso March,” noong Linggo, Setyembre 21, upang manawagan sa gobyernong panagutan ang umaahong kaso ng korapsiyon sa mga proyektong pang-flood control.
Pinangunahan ng Tindig Pilipinas, mga pinuno ng simbahan, civil society organizations, at mga unyon ng manggagawa ang kilos-protesta.
Nagsimula ang programa sa pagtitipon ng mamamayan sa EDSA Shrine bago nagmartsa patungo sa People Power Monument sa kanto ng EDSA at White Plains Avenue.
Layon ng protesta na bigyan ng plataporma ang mga biktima ng korapsiyon sa bansa, lalo na ang mga naapektuhan ng baha dahil sa ‘ghost’ flood control projects.
Saad ni Yoti Dizon ng St. Paul University Manila, “Ang gusto kong marinig ay ang katotohanan; Ang pag-amin nila na talagang ginawa nila ang mga mali at sana naman ay ‘di sayang ang ating paghihirap ngayon.”
Nakilahok din ang iba’t ibang artista, progresibong organisasyon, mag-aaral, at iba pang mamamayan sa kilos-protesta.
“Karapatan natin ang maningil,” sabi ni Elijah Canlas, aktor, sa kaniyang mensahe sa “Trillion Peso March.”
Protesta sa Buong Kapuluan
Bago ang “Trillion Peso March,” pinangunahan ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) ang kilos-protestang “Baha sa Luneta” sa Luneta Park, Maynila, noong umaga.
Layon nitong tawagin ang gobyerno upang panagutan ang katiwalian sa Pilipinas, at tanggalin at ikulong ang mga korap na pulitiko sa pamahalaan.
Samantala, sa labas ng National Capital Region (NCR), may mga protestang ginanap sa mga lungsod ng Cebu, Iloilo, Bacolod, at iba pa, sa gitna ng kontrobersiya sa flood control projects.
Boses ng Kabataan
Nakilahok din ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad sa mga kilos-protestang ginanap noong Linggo, upang ipaglaban ang kinabukasan ng Pilipinas.
“Sa labas ng isyu ng flood control projects, hindi puwedeng pumapayag tayo sa pagbawas ng pondo sa edukasyon, sa maliit na kita sa trabaho, sa hindi maayos na pagtutok sa pagpapalapad ng akses ng healthcare, lalo na sa mahihirap,” saad ni Liwayway*, mag-aaral na lumahok sa “Baha sa Luneta.”
Bukod sa dalawang protestang isinagawa, ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Pamantasang Ateneo de Manila (AdMU) ay ilan sa mga institusyon at organisasyong nakibahagi sa Black Friday Protest noong ika-12 ng Setyembre, bilang pagtutol sa katiwalian sa gobyerno.
“Kung hindi man bababa ng kanilang puwesto ang lahat ng may kasalanan, dapat ay dumami ang taumbayan na punong-puno na sa galit — doon ay baka pag-isipan na nila nang mabuti ang pinaggagagawa nila,” dagdag ni Liwayway*.
Noong 2017, idineklara ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang ika-21 ng Setyembre bilang National Day of Protest, kasabay ng paggunita ng anibersaryo ng Batas Militar sa bansa.
Ang mga pangalang may markang * ay mga alyas lamang.
