Babuyan Islands isinailalim sa Signal No. 5

Larawan mula sa DOST-PAGASA

Ulat ni Alexia Bangayan

Itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa ilalim ng Signal No. 5 ang Babuyan Islands nitong Lunes ng madaling araw, Setyembre 22, bunsod ng Bagyong Nando (Ragasa).

Ayon sa ulat ng PAGASA, alas-10 ng umaga, namataan ang mata ng bagyo sa layong 110 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan, taglay ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 215 kilometro bawat oras at may bugso na 265 kph, habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kph at patuloy na nagbabanta sa hilagang Luzon.

Bukod sa Babuyan Islands, nakataas din ang wind signal sa mga sumusunod na lugar: 

  • Signal No. 4 (typhoon-force winds): Katimugang Batanes, hilagang parte ng Cagayan, at hilagang bahagi ng Ilocos Norte
  • Signal No. 3 (storm-force winds): Nalalabing bahagi ng Batanes, gitnang Cagayan, at ilang bahagi ng Apayao at Ilocos Norte
  • Signal No. 2 (gale-force winds): Nalalabing bahagi ng Cagayan, Isabela, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, hilagang bahagi ng Benguet, hilagang-silangang bahagi ng Nueva Vizcaya, Ilocos Sur, at hilagang bahagi ng La Union
  • Signal No. 1 (strong winds): Quirino, nalalabing bahagi ng Nueva Vizcaya, Benguet, at La Union, gayundin ang Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at hilangang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands

Kaugnay nito, naglabas ng abiso ang PAGASA sa posibleng storm surge na lalagpas sa tatlong metro sa mabababang baybaying-dagat ng Batanes, Cagayan (kabilang ang Babuyan Islands), Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Pinapayuhan ang mga komunidad sa mga high-risk area na lumikas at sumunod sa mga panukala ng lokal na awtoridad, lalo’t posibleng maranasan ang matinding pagbaha, malakas na hangin, at alon na maaaring umabot hanggang 14 metro sa karagatang nakapaligid sa Batanes at Babuyan Islands.

Inaasahan namang dadaan o tatama sa Babuyan islands ang bagyo mula tanghali hanggang hapon bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes, Setyembre 23.

Pinapaalalahanan ang mga residente na manatili sa loob ng tahanan, ihanda ang mga importanteng kagamitan, iwasan ang pagpalaot ng maliliit na bangka, at patuloy na sumubaybay sa mga anunsyo tungkol sa lagay ng panahon.

Leave a comment