
Larawan mula sa Philippine Star
Ulat ni Alexia Bangayan
Nitong Biyernes, Setyembre 26, nanatiling isang severe tropical storm ang Bagyong Opong (Bualoi), na nagdudulot ng malakas na pag-ulan at nagbabanta ng storm surge sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), tumama ang bagyo sa ikalima nitong landfall sa Mansalay, Oriental Mindoro, dakong alas-2 ng hapon.
Nauna na itong nag-landfall sa Ferrol, Romblon pasado alas-8 ng umaga at sa San Fernando, Sibuyan Island, Romblon, pasado alas-9 ng umaga.
Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras, dala ang hanging umaabot sa 110 kph at bugso na hanggang 150 kph.
May lawak din ang hanging malakas na umaabot sa 460 kilometro mula sa sentro.
Kaugnay nito, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 sa Batangas, Marinduque, Romblon, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Calamian Islands, gayundin sa Aklan at Caluya Islands.
Itinaas naman ang Signal No. 2 sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Quezon, Bataan, Rizal, Bulacan, Pampanga, Zambales, at iba pang bahagi ng Luzon, kasama ang Capiz, Iloilo, Antique, at Northern Samar sa Visayas.
Samantala, nakapailalim na sa Signal No. 1 ang mas malawak na lugar kabilang ang Pangasinan, Nueva Ecija, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate, Catanduanes, Palawan, at malaking bahagi ng Central at Eastern Visayas.Nag-abiso ang PAGASA ng malakas hanggang matinding ulan sa Palawan, Quezon, Laguna, Batangas, Masbate, Marinduque, Aklan, Antique, at Capiz, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
