
Kuha ni Roy Navarro
Ulat ni Noriko Yamamoto
Bilang paggunita sa ika-53 anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar, itinanghal ng Sandigan Alunsina at Kamalayan at Tinig ng Atenista (KaTA) ang programang “AlunSay Mo?: Pagtanaw mula sa Laylayan,” nitong Setyembre 29, sa Blackbox Theatre ng Ateneo Senior High School (ASHS) Main Building.
Layunin ng programa ang ilantad ang karanasan ng mga katutubong komunidad sa ilalim ng diktadurya ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Nagsilbing panauhing tagapagsalita sa programa si Bb. Maningning Vilog, isang aktibong boluntaryo ng organisasyong Liwanag at Dunong na naglilingkod sa mga pamayanan sa Capas, Tarlac.
Upang higit na maunawaan ang konteksto, ibinahagi ni Vilog ang mga pinagdaanan ng mga katutubong Pilipino bilang mga biktima ng pang-aabuso at ang kanilang mga kuwento ng paglaban noong panahon ng Batas Militar.
Isa sa mga tampok na kuwento ang laban ni Macli-ing Dulag, isang lider-Kalinga na pinatay noong 1980 dahil sa pagtutol niya sa Chico River Dam Project.
Aniya, ang Chico River Dam Project, na pinondohan ng World Bank, ay naglayong magtayo noon ng dam sa Cordillera na nagbantang magdulot ng matinding pagbaha sa komunidad ng mga katutubo.
Tinalakay din ni Vilog kung paano ginamit ni Marcos Sr. ang kapangyarihan ng pamahalaan upang buksan ang mga lupang ninuno sa pagmimina, pagtotroso, at pagtatayo ng mga sonang militar.
“Sa mga Lumad communities, mas tumindi ang illegal logging at mining. Sa mga Moro naman, patuloy ang forced displacement, at kapag tumutol sila, iba’t ibang massacre ang naganap tulad ng Manili Massacre noong 1971 at Malisbong Massacre noong 1974,” saad ni Vilog.
Dagdag pa niya, nagresulta ito sa sapilitang paglikas at mga ulat ng pang-aabuso at karahasang naranasan ng mga katutubong komunidad.
Ipinaliwanag din niyang hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang sistematikong pang-aapi sa mga katutubo sa pamamagitan ng land grabbing at militarisasyon, lalo na sa mga lugar tulad ng Mindanao.
Ayon naman kay Carlos Urbi mula sa 11-Hoyos, binuksan ng programa ang kaniyang pananaw sa epekto ng Batas Militar sa pamumuhay ng mga katutubong Pilipino, hindi lamang sa mga karaniwang nababanggit sa balita.
“For ASHS students, someone here will most likely be a future leader, so this is a good way to stand against corruption as it is an issue that must be addressed,” aniya.
Binigyang-diin niya ring mahalagang marinig ang mga karanasan ng mga katutubo, lalo na ng mga mag-aaral ng ASHS na maaaring maging mga lider ng bansa sa darating na panahon.
Pahayag ni Enie Belza, pangulo ng KaTA, “I made sure that the articles I used were reliable, factual, and up-to-date. I also ensured that all perspectives were included in the presentation, so that everyone was well represented.”
Bilang bahagi ng kampanya para sa karapatan ng mga katutubo, nanawagan si Angel Manalo, Advocacy Coordinator ng Liwanag at Dunong, sa kabataan na makibahagi sa mga talakayan at proyektong nagbibigay-serbisyo sa mga katutubong Pilipino.
Nagwakas ang programa sa pagbibigay ng sertipiko ng pagkilala sa panauhing tagapagsalita at mga kinatawan ng mga organisasyon, kasabay ng panawagan para sa kolektibong aksiyon at patuloy na pag-alala sa mga aral ng Batas Militar.
