ASHS inalala ang Batas Militar sa ‘Semana Sitenta’

Kuha ni Anjela Ferry

Ulat ni AJ Alarcon

Nagtipon ang komunidad ng Ateneo Senior High School (ASHS) noong Martes, Setyembre 30, sa Main Building upang gunitain ang pagdeklara ng Batas Militar sa pamamagitan ng programang pinamagatang “Semana Sitenta.”

Hango ang pamagat sa dekada sitenta o 1970s, panahon ng pagdeklara ng Batas Militar noong Setyembre 21, 1972, kung kailan lumaganap ang mga paglabag sa karapatang pantao na naranasan ng mga Pilipino hanggang sa mapatalsik si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.

Batay sa tala, tinatayang mahigit 70,000 ang inaresto, mahigit 34,000 ang tinortyur, mahigit 3,200 ang pinaslang nang walang paglilitis, at mahigit 700 ang sapilitang nawala sa ilalim ng administrasyon.

Isinagawa ang programa sa oras ng Moderator’s Inspection Period (MIP) dakong alas-8:40 n.u., na sinimulan sa pag-awit ng “Lupang Hinirang” sa pangunguna ng Dulaang Sibol.

Kasunod nito ang panalangin na pinangunahan ni Miks Sta. Maria, kalihim ng pangulo ng Sanggunian, at ang talumpati ng pangulo ng Sanggunian na si Julius Yusingbo.

“Lahat tayo dito ngayon ay biktima, at kung mananahimik lamang tayo, ginagawa nating biktima ang ating mga sarili,” ani Yusingbo.

Dagdag pa niya, “Ang mga pakikibakang naganap noong 21 ay isang manipestasyong buhay, nakikinig, at nagmamasid ang sambayanang Pilipino.”

Nanawagan din siya sa kapwa Atenista na makibahagi at gamitin ang kanilang tinig.

“Mga kapwa ko Pilipino at mga kapwa ko Atenista, hindi tayo bulag sa katotohanan. Hindi tayo basta bata na mananahimik at magsasawalang-kibo,” pahayag niya.

Nagwakas ang programa sa pagtatanghal ng Dulaang Sibol ng kanilang rendisyon ng kantang “Makibaka, Huwag Matakot” mula sa dulang musikal na “Lean.”

Para kay Gia Fegi mula sa 11-Tsuji, ang paggunita ay mahalagang pagkilala sa mga biktima ng Batas Militar.

Way siya ng pagtangkilik sa mga naging biktima ng Batas Militar — ng Martial Law. At saka, way siya para respetuhin sila, ‘wag kalimutan yung nangyari,” saad niya.

Aniya pa, “Marami pa rin talagang nahihirapan [dahil sa] korapsyon,”at binigyang-diin na ang pakikilahok sa ganitong mga programa ay pakikilahok din bilang Pilipino laban sa kawalan ng hustisya.

Bilang pakikiisa, hinikayat ang mga mag-aaral na magsuot ng itim na pantaas noong araw ng Setyembre 30.

Samantala, noong Setyembre 27, naglabas ang ASHS Sanggunian ng isang joint statement kasama ang mga sanggunian ng Rosita G. Leong School of Social Sciences (RGLSOSS), De La Salle University (DLSU) Manila Senior High School, at University of the Philippines (UP) Diliman kaugnay ng ika-53 anibersaryo ng Batas Militar.

Sa pahayag, hinikayat nila ang kabataan na “alalahanin natin ang nakaraan upang ipaglaban ang ating kinabukasan.”

Binigyang-diin din nila na parehong karapatan at tungkulin ng kabataan ang paggunita sa nakaraan at ang patuloy na pakikibaka para sa kalayaan ng bansa.

Leave a comment