
Kuha ni Xarah Yap
Ulat ni Alexia Bangayan
Inilunsad ng Ateneo Senior High School (ASHS) Sandigan Mapulon ang “Kapit: Holistic Wellness Seminar,” sa ikalawang palapag ng Formation and Learning Center (FLC), na may layuning palawakin ang kamalayan ng mga mag-aaral sa kahalagahan ng pangangalaga sa mental at pisikal na kalusugan, mula 4:15 n.h. hanggang 5:45 n.h. nitong Lunes, Oktubre 20.
Inimbitahan ang bawat mag-aaral ng ASHS, partikular ang mga Class Wellness Beadles, Sports Beadles, at Human Resources Officers (HRO) ng organizations, sports clubs, and committees (OSCCs) upang makibahagi sa seminar at mabigyan ng oryentasyon sa wastong pagharap sa mga isyung pangkalusugan sa klase.
Nagsilbing panauhing tagapagsalita ng programa sina Gng. Irene A. Castillo, ASHS Guidance Counselor at Wellness Beadle Moderator, at Coach Alvin Lloyd A. Andresio, Level 2 Track and Field Coach.
Tinalakay nila ang kahalagahan ng pakikinig nang may pag-unawa bilang susi sa mental wellness at ang pagpapanatili ng pisikal na kalusugan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng balanseng pamumuhay.
Nagsagawa rin ng maiikling aktibidad tulad ng charades na nakatuon sa mga temang may kinalaman sa kalusugan, upang pasiglahin ang mga dumalo bago ituloy ang talakayan.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Breanna Andres, Wellness and Sports Beadle ng 12-Solinas, na bilang mga beadle, mahalagang marunong makinig sa mga kaklase.
“Being the wellness beadle and the sports beadle of our class,…we should really learn how to listen to our classmates since we are usually the ones [to step up] if our therapists or our guidance counselors aren’t there,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging handa ng mga Sports Beadles, lalo na sa nalalapit na intramurals ng mga mag-aaral sa ika-12 na baitang, upang mapangalagaan ang pisikal na kalagayan ng kanilang mga kaklase at maiwasan ang anumang disgrasya.
