Pamahalaan, handa para sa Undas 2025

Kuha sa Manila Bulletin

Ni Lia Atienza

Iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang nakaalerto para sa inaasahang dagsa ng mga Pilipino sa mga sementeryo sa Metro Manila mula bisperas ng Undas ngayong Biyernes, Oktubre 31, hanggang sa huling araw nito sa Linggo, Nobyembre 2. 

Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Oktubre 28 sa mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang ligtas, mapayapa, at maayos na paggunita ng Undas ngayong taon.

Inanunsyo rin ng Philippine National Police (PNP) na itinaas nila sa heightened alert status ang kanilang mga yunit mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang ipatupad ang mga hakbang sa seguridad at kaligtasan ng publiko.

Mahigit 50,000 miyembro ng PNP ang nakatalaga sa buong bansa, kasama ang mahigit 16,000 tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG).

Sa Metro Manila, nakatutok ang PNP sa limang pinakadadagsaing sementeryo sa rehiyon — Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Bagbag Public Cemetery, Loyola Memorial Park sa Marikina, at San Juan Public Cemetery.

Samantala, nakaalerto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), kanilang Quick Response Team (QRT), at ang field offices nito para tulungan ang mga pasaherong stranded at nais umuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong Undas. 

“Mayroon kaming nakalagak na FFPs sa aming mga warehouses at naka-preposition na mga RTEF sa iba’t ibang daungan o pantalan. Sapat po ang food at non-food items natin,” sabi ni DSWD Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao.

Sa mga araw bago ang Undas, iniutos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na agarang tapusin ang pagsasaayos ng mga kalsada papuntang Manila North Cemetery. 

Ipinahayag din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang lokal na pamahalaan ang pagsasara ng ilang kalsada at pagpapatupad ng mga alternatibong ruta upang kontrolin ang trapiko na dinaranas ng rehiyon ngayon. 

Milyon-milyon ang inaasahang dadayo sa Manila North Cemetery ngayong Undas, batay sa 1.2 milyong naitala noong nakaraang taon. 

Kaugnay nito, inilunsad ng Manila North Cemetery at Manila South Cemetery ang onlinePuntod Finder,” upang mapadali ang aksesibilidad, seguridad, at paghahanap ng mga puntod sa paggunita ng Araw ng mga Kaluluwa. 

Leave a comment