Bagyong Tino, nagdulot ng malawakang pinsala sa Visayas

Mula sa GMA News

Ulat ni AJ Alarcon

Lubog sa baha at wasak ang ilang bahagi ng mga istruktura sa Cebu dahil sa patuloy na pananalasa ng Bagyong Tino (Kalmaegi) sa Visayas, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes, Nobyembre 4.

Batay sa tala ng NDRRMC, umabot na sa 102,243 pamilya o 339,886 indibidwal ang apektado ng bagyo sa ilang mga barangay sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Bicol, Kanlurang Visayas, Negros Island Region, Gitnang Visayas, Silangang Visayas, at Caraga.

Dagdag pa rito, tinatayang 129,700 pamilya o 387,000 indibidwal ang maagang pinalikas bilang paghahanda sa hagupit ng bagyo.

Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kumikilos pahilagang-kanluran si Bagyong Tino sa bilis na 15 kilometro kada oras, na may lakas ng hanging umaabot sa 130 km kada oras malapit sa sentro, at bugso na hanggang 180 km kada oras.

Sa abiso ng  PAGASA alas-5 ng hapon, nakataas ang Signal No. 4 sa Calamian at Cuyo Islands, gitna at timog na bahagi ng Antique at Iloilo, at sa Guimaras.

Samantala, nananatiling nakataas ang Signal No. 3 sa pinakahilagang bahagi ng Palawan, iba pang bahagi ng Antique, hilaga at gitnang bahagi ng Negros Occidental, at hilagang bahagi ng Negros Oriental.

Binigyang-diin din ng PAGASA ang mataas na panganib ng “life-threatening” at nakapipinsalang storm surge na maaaring umabot sa taas na tatlong metro sa susunod na 24 oras.

Posible ring lumakas muli ang bagyo sa mga susunod na araw bago maabot ang rurok ng lakas nito sa West Philippine Sea.

Inaasahan namang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa madaling-araw ng Huwebes, Nobyembre 6.

Leave a comment