
By Rhianna Ramos
Pormal nang binuksan ng mga mag-aaral ng Ateneo Senior High School (ASHS) ang kani-kanilang negosyo para sa Katipunan Fund Drive (KFD) ngayong Taong Panunuran (T.P.) 2025–2026 nitong Martes, Nobyembre 12, sa Main Building.
Sinimulan ang programa sa pag-awit ng Lupang Hinirang at sabayang pagbigkas ng Panatang Makabayan, na sinundan ng pagninilay ni Jerome Caluya mula sa 12-Walpole na pinamagatang “Id Quod Volo.”
Ibinahagi ni Caluya ang kaniyang karanasan bilang apat na taong Chief Executive Officer (CEO) ng kaniyang pangkat.
Aniya, “Ang KFD ay pagkakataon para maglingkod at matuto — isang pagkakataon na makilala ang sarili habang naglilingkod sa iba.”
Dagdag pa niya, ang bawat taon ng KFD ay paalala na ang paglilingkod ay bahagi ng paghubog ng pagkatao at pananampalataya ng isang Atenista.
“Find meaning in the things you do, be open to learning new things, and always remember what we are doing all this for — Ad Majorem Dei Gloriam,” pagtatapos niya.
Binigyang-diin naman ni Gng. Rosanna Borja, Punong-guro ng ASHS, ang kahalagahan ng pakikinig sa pagninilay ng mga layunin ng KFD.
“Do better, senior high,” paalala niya sa bawat isa na pagbutihin ang kanilang pakikilahok, paglilingkod, at pagbibigay-respeto sa proyekto.
Ipinakilala naman ni Bb. Gerlita Sianda, Christian Service and Involvement Program (CSIP) Subject Coordinator, ang tema ng KFD ngayong T.P. na “KaBayani: Kapwa, Bayan, Sarili.”
Ayon kay Bb. Sianda, layunin ng proyekto ang pagtutulungan at pagpapatibay ng kabayanihan sa pamamagitan ng pagtatayo ng negosyo.
“Ang KFD ay hindi paligsahan, kundi pagkakataon upang sama-samang makibahagi sa diwa ng paglilingkod,” ani Bb. Sianda.
Nagbigay rin ng pambungad na mensahe si Gng. Maria Jennifer Concepcion, Katuwang ng Punong-guro sa Paghubog, kung saan ibinahagi niya na ang KFD ay pagkakataon upang makiisa sa mga Pilipinong dumaranas ng kahirapan at sakuna.
Pormal ding idineklara ni Gng. Concepcion ang pagbubukas ng KFD 2025, kung saan binuksan ng bawat klase ang kani-kanilang mga negosyo sa oras ng recess.
Tugon ni Darlene Athena, CEO ng 12-Xavier, ukol sa natutuhan niya sa proyekto, “Ang KFD ay tagumpay na nakabatay sa pagtutulungan, hindi sa iisang tao.”
Samantala, ibinahagi ni Ashaina Manlangit, CEO ng 12-Sullivan, na ang pamumuno sa KFD ay nangangailangan ng sakripisyo at pakikinig sa bawat kasapi ng klase.
Saad niya, “Ang pagiging lider ay hindi lamang tungkol sa pagpapasya, kundi sa pag-unawa sa pangangailangan ng pinaglilingkuran.”
Isasagawa ang KFD mula Nobyembre 12 hanggang 21, at ipagpapatuloy mula Disyembre 2 hanggang 12.
Kasaysayan ng KFD
Ang KFD ay unang isinagawa noong 1995 bilang Pinatubo Fund Drive upang makalikom ng pondo para sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Pinatubo.
Mula noon, nagsilbi itong taunang proyekto upang makalikom ng pondo para sa mga biktima ng sakuna, sa misyon ng mga Heswita, at sa mga katuwang na paaralan at institusyon ng CSIP.
Naging plataporma rin ang KFD para sa mga mag-aaral upang mailapat ang diwa ng pagiging persons-for-and-with-others.
