
Ulat ni Rhianna Ramos
Nitong Linggo, Disyembre 14, isinagawa ng Ateneo Senior High School (ASHS) Sandigan Alunsina, katuwang ang non-governmental organization (NGO) na Liwanag at Dunong, ang “Paskuhan sa Tribo 2025” sa Sitio Kalangitan-Gauaman, Capas, Tarlac.
Ang taunang protekto na ito ay naglalayong salubungin ang Kapaskuhan kasama ang komunidad ng mga Aeta habang isinusulong ang pagpapahalaga sa wikang Filipino, kultura, at kapwa sa pamamagitan ng makabuluhang pakikisalamuha at paglilingkod.
Upang matiyak na ang pagdiriwang ay angkop sa konteksto ng komunidad, mahigpit na nakipag-ugnayan ang Alunsina at Liwanag at Dunong sa mga mamamayan ng nayon.
Sa nasabing aktibidad, nakikilahok din ang mga boluntaryo mula sa ASHS sa komunidad upang magbahagi ng mga regalo at makiisa sa pagdiriwang kasama ang mga pamilya at kabataan ng komunidad.
Sa buong taon, regular na dumadalo ang Liwanag at Dunong sa komunidad upang magturo ng pagbabasa at pagbibilang, kung saan nakasasalamuha nila ang mga Aeta na nanay, tatay, at mga bata.
Mula rito ay nabibigyang-pansin ang kanilang mga suliraning pang-ekonomiya, pang-edukasyon, at panlipunan.
Ibinahagi ng ilang Aeta na nanay ang kanilang mga simpleng kahilingan para sa Pasko, tulad ng pagkain, gatas, at damit.
Isinaad din nila na anuman ang kanilang matanggap ay tinatanggap nila nang may pasasalamat, at ayon sa mga boluntaryo, sumasalamin ito sa diwa ng pagkakuntento at pananampalataya sa komunidad.
Bukod sa pamimigay ng mga regalo, isinagawa rin ang mga gawaing pang-edukasyon at youth development na naglalayong suportahan ang pagkatuto at personal na pag-unlad ng mga kabataang Aeta.
Binigyang-diin ng mga tagapag-organisa na mahalagang maunawaan at igalang ang kultura ng komunidad upang matiyak na ang anumang anyo ng serbisyo ay nagiging makabuluhan at tunay na kapaki-pakinabang.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Elaiza Mae Labuguen, ang Pangkalahatang Pinuno ng Sandigan Alunsina, “lumalahok ang Sandigan Alunsina sa proyekto sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga boluntir na mag-aaral ng ASHS na makibahagi at maghandog.”
Dagdag ni Labuguen na isa rin itong paglubog kung saan personal na nakikipag-ugnayan ang mga mag-aaral sa mga Aeta at natutunghayan ang kanilang pamumuhay, tradisyon, kultura, at mga suliraning kanilang kinakaharap.
Samantala, sa pagtingin sa kahalagahan ng Paskuhan sa Tribo ngayong taon, binigyang-konteksto ni Iesha Faith Badua, Pinuno ng Communications ng Sandigan Alunsina, ang mas malawak na sitwasyon ng bansa.
Ayon kay Badua, “Mas naging makabuluhan ang Paskuhan sa Tribo sapagkat naharap sa maraming pagsubok ang bansa ngayong taon dahil sa mga suliraning pampolitika na labis na nakaapekto sa ekonomiya.”
Aniya, ang mga suliraning ito ay higit na nakaapekto sa mga komunidad tulad ng mga Aeta.
Kalakip nito, itinampok niya na isinasagawa ang proyekto upang bigyang pagkakataon ang mga mag-aaral ng ASHS na ilubog ang kanilang sarili sa buhay at mga isyung kinahaharap ng mga katutubo, kasabay ng pagbibigay ng regalo at pangangaroling bilang pagkakaisa sa nalalapit na Pasko.
