Ulat ni Lia Atienza
Nitong Biyernes, Disyembre 26, ipinahayag ng Malacañang Palace na patuloy ang imbestigasyon at pag-aresto sa mga opisyal na sangkot sa kontrobersiya ng flood control projects sa Pilipinas.
Tumugon ang Palasyo sa kritisismo sa dating pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahuhuli ang mga nakinabang sa mga anomalous flood control projects bago mag-Pasko.
“The flood control investigation does not end on Dec. 25,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez.
Aniya, “There will surely be more thrown behind bars in the New Year.”
Dagdag ng Malacañang na ang pagbibitiw sa posisyon ng iilang komisyonado sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay hindi makaaapekto sa kasalukuyang imbestigasyon ng pamahalaan.
Sabi ni Palace Press Officer Claire Castro sa hiwalay na pahayag, lahat ng mga katawan na may kaugnayan sa pag-imbestiga ay patuloy na nagsisikap na mangalap ng ebidensiya upang makasuhan ang lahat ng sangkot sa ‘ghost’ projects.
“President Marcos Jr. is clear in his pronouncement, ‘Managot ang lahat ng dapat managot,’ whether they are relatives, friends, and allies,” sabi ni Castro.
Bago pa mag-Disyembre 25, nahuli ang ilang opisyal at kontraktor ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang si Sarah Discaya, na sangkot sa ‘ghost’ flood control projects sa bansa.
