
Sinulat ni Therese Catapang
Dahil sa kasalukuyang pandemya, napilitan ang karamihan na umangkop sa mga pagbabago tulad na lamang ng pagdepende sa online na komunikasyon, kaya naman mula pagsusuri ng GlobalWebIndex, 64% ng mga Pilipinong netizens na kasama sa sarbey ang nagsabing tumaas ang oras na ginugugol nila sa social media ngayong pandemya kumpara noon.
Kapansin-pansin ito sa pag-usbong ng mga maiinit na isyung pampulitikang dahilan ng pagsulpot ng mga trolls, DDS (Diehard Duterte Supporter), at Dilawan, kasama na rin ang mga taong walang pulitikal na kulay. Maraming nagaganap na online rallies, pagsusulong ng mga adbokasiya, pagdidiskurso tungkol sa isyung pampulitika, at pagpupuna sa gobyerno na pangunahing tinatarget ng mga trolls kaya naman mas lalong umiinit ang tensyon sa pagitan ng mga DDS at Dilawan, pati sa mga walang pulitikal na kulay.
Kadalasan, ang pag-atake ng mga trolls ay umaabot sa ad hominem o personal na pambabatikos kasama na rin ang pagpapalaganap ng maling impormasyon. Ito ang mismong nagdudulot ng pagkakawatak-watak ng taumbayan na mas lalong lumalala dahil sa pagpanig, pagprotekta, at pagpabor ng administrasyong Duterte sa mga trolls at DDS.
Kahulugang Kalakip ng Bawat Termino
Bago ang lahat, kinakailangan munang lubos na maintindihan kung ano ang pagkakaiba ng “trolls,” “DDS,” at “Dilawan.” Ang “trolls” ay tumutukoy sa mga taong naghahanap ng away online para sa anumang kadahilanan tulad ng pagsusulong ng politikal na hangarin, pambabatikos ng personalidad, at paglalabas ng galit tungkol sa isang paksa.
Ang mga trolls na makikita sa social media, lalo na sa Facebook at Twitter, ay DDS o Diehard Duterte Supporter, ngunit hindi nangangahulugang lahat ng DDS ay troll dahil may mga DDS na suportado lamang si Pangulong Duterte kahit anong kapalpakan ang mangyari. Samantalang ang mga Dilawan naman ang tawag sa mga taong lubos ang pagsuporta sa mga Aquino at Liberal Party sa kabuuan. At syempre, ang mga taong walang politikal na kulay ay hindi mawawala sa eksena. Sila ay walang sinusuportahang partido politikal maliban lamang sa nakikita nilang marangal na politiko.
Modus Operandi ng [DDS] Troll
Ang trolls ay mga taong matatapang lamang dahil nakatago sila sa tila maskarang paggamit ng iba’t ibang pekeng identidad online upang panatilihin ang kanilang kawalang pagkakakilanlan. Sa ganitong paraan, walang takot nilang binabanatan ang lahat ng makitang post na taliwas sa kanilang hangarin sa pamamagitan ng panlilinlang, pagbabanta, at paghahasik ng maling impormasyon na paulit-ulit nilang ginagawa dahil kahit pa matanggal ang kanilang account, malaya pa rin silang makagagawa ng panibago.
Mula sa mga nakalap na datos ng BBC News, kinumpirma nito na karamihan ng mga online troll ay taga-suporta ni Pangulong Duterte kaya tinatawag din nila ang kanilang mga sarili bilang DDS. Inamin din naman ng Pangulo na marami siyang binayarang netizens upang ikampanya at isulong ang kanyang mga plano sa social media noong halalan 2016. Sa ulat ni Eric Caruncho ng Inquirer, nakakuha siya ng datos sa mismong propesyonal na troll na tinago sa pangalang “William.” Ayon kay William, parang advertising o pagpapahayag ang trabahong ito kung saan kailangang manghikayat na suportahan ang isang brand sa paraang wasto sa panlasa ng mga Pilipino.
Sa pambobola ng mga troll, walang hinala ang karamihang mayroong organisadong sistema sa likod nito. Mula sa pahayag ni William, nagsasagawa sila ng plano para sa kampanya kung ang nilalaman ng kanilang dapat sabihin sa mga komento at kung paano nila mas mapapaniwala ang iba. Araw-araw, ang pinuno ng koponan ay magpapaskil ng malaking board kung saan nakatala ang pinakahuling post na maraming likes at shares. Kailangan tumugon dito ang mga troll gamit ang mensaheng isinulat ng nakatalagang manunulat ng iskrip. Pagkatapos, sunod-sunod na magkokomento ang bawat isa sa pamamagitan ng copy-pasting ng mensahe. Kahit buong araw at gabi sila nagtatrabaho, ayos lamang ito kay William dahil sa sahod na hindi bababa sa 2,000 kada-araw.
Dagdag pa niya, sa konteksto ng bansa, madalas nagaganap ang trolling sa tuwing may kandidato sa pagka-presidente at dito nagiging organisado ang sistema ng mga troll. Naglalaan din ng malaking badyet para dito dahil binigyan din sila ng opisina sa mga nirentahang silid sa iba’t ibang parte ng bansa, patunay na mahalaga ito sa pangangampanya ng mga pulitiko.
Bukod sa ganitong modus, kilala rin ang mga trolls sa pagpapangalap ng maling impormasyon. Ayon kay William, dahil may koneksyon sila sa isang sikat na psychologist sa UP, alam nila kung paano manipulahin ang isip ng mga tao upang mapaniwala sila sa mga kasinungalingan.
Dagdag pa rito, hindi rin pinapalagpas ng mga trolls na magbanta ng buhay at mambatikos sa kung sino mang kinakalaban ang kanilang sinasambang pangulo.
Ang lahat ng ito ay patunay kung paano hinahabi ng mga DDS troll ang kultura ng kasinungalingan, galit at suklam na pinahihintulutan pa ng Administrasyong Duterte.
DDS versus Dilawan
Bukod sa mga DDS troll, karaniwang mayroong oposisyon kumokontra ritong tinatawag nilang mga Dilawan. Subalit, kahit hindi Dilawan ang isang netizen na maayos na nakikipagdiskurso online, tinatawag pa rin silang ganito ng mga troll. Dulot ito ng panibagong kahulugang ipinatong ni Pangulong Duterte sa kulay dilaw upang madaling i-grupo ang oposisyon. Madaling sumikat ito dahil sa kilalang blogger na si Mocha Uson na nagpakalat nito at mismong Administrasyon na rin.
Kung noon ang dilaw ay sumisimbolo sa kulay ng demokrasya dahil ito ang grupong nagpabagsak sa rehimeng Marcos, ayon kay Patricio Abinales, PhD, historiyador at propesor sa University of Hawaii, ang dilaw ay sumisimbolo na ngayon sa pagkamit ng Partido Liberal (Liberal Party)sa titulo o mukha ng EDSA Revolution. Kaya naman ang terminong Dilawan ay mas madaling binahiran ng masamang imahe ng Administrasyong Duterte.
Samantala, ang mga tunay na Dilawan, ayon sa pagpapakahulugan ni Paul Tena ng Politixxx Today, ay mga taong kilala bilang taga-suporta ng mga Aquino o Partido Liberal sa kabuuan. Ang dalawang grupo, DDS at Dilawan, ay mayroong magkasalungat na paniniwala sa politika. Sa pagbandera nila ng opinyon tungkol sa ilang isyung panlipunan, kailangan palaging umaayon o pumapabor ito sa kanilang pinapanigang partido politikal bago sila matawag na isang DDS o Dilawan.
Sa kasalukuyan, ang gusot sa pagitan ng dalawang magkatunggaliang oposisyon ay patuloy na lumalala dulot ng mainit na usapin tungkol sa pagresponde ng gobyerno sa pandemya. Hanggang ngayon, ipinaglalaban pa rin ng mga DDS ang kanilang Tatay Digong na ginagawa umano ang buong makakaya upang maihatid sa magandang kinabukasan ang Pilipinas kahit lagpas isang taon nang naka-quarantine ang buong bansa at marami nang naghihirap dahil dito.
DDS’ “Subtle Clown Traits”
Syempre, hindi mawawala sa eksena ang mga personalidad na DDS. Sila ang mga taong mahirap papanagutin sa batas hangga’t sila’y nasa kapangyarihan at isang DDS dahil protektado sila ng Pangulo.
Katulad na lamang ng kaso ni Metro Manila police chief na si Debold Sinas dahil sa paglabag sa mga patakaran sa quarantine noong ika-12 ng Mayo nang may naganap na mañanita o pagtitipon-tipon sa kanilang tahanan. Kung sino pa ang dapat nagpapatupad ng batas ay siya pang lumalabag dito. Kasama rin si Mocha Uson na nagsagawa ng mass gathering subalit hindi man lang siya sinita ng Malacañang. Isa rin siya sa mga pangunahing nagpapakalat ng maling impormasyon sa kanyang plataporma sa Facebook, ang Mocha Uson Blog.
Samantala, hindi rin naman nagpahuli si Harry Roque, ang presidential spokesperson, nang kumalat ang kanyang litratong kinuha sa Ocean Adventure Park, Subic, Bataan. Dahil siya ang pinuno ng Strategic Communication Task Group ng National Task Force COVID-19, tungkulin niyang tiyakin na nauunawaan ng mga Pilipino ang mga paghihigpit sa quarantine at iba pang mga patakaran sa kalusugan na ipinapatupad upang labanan ang pandemya ayon sa ulat ni Pia Ranada ng Rappler.
Kitang-kita kung paano nagiging selektibo ang batas sa mga mayayaman samantalang ang mga mahihirap na pilit na kumakayod sa kabila ng pandemya ang ginigipit. Matatandaan kung paano ikinulong ang Piston 6, mga jeepney drivers na nag-rally dahil tanging hiling lamang nila ay makapaghanapbuhay upang sustentahan ang kanilang pamilya.
Ayon sa artikulo ni Joshua Corcuera na iniulat ng Daily Guardian, kung sasanayain ng mga Pilipino ang kanilang sarili na ang kontemporaryong politika ay mahahati lamang sa dalawa, ang DDS at ang Dilawan, hindi nito masasalamin ang paniniwala at paninindigan ng bawat mamamayan. Mas lalo rin nitong paghihiwalayin ang bansa at mas maghihirap pa ang mga mahihirap na mismo dahil sila ang pinakanaapektuhan sa bawat desisyong ginagawa ng gobyerno na madalas ay pumapabor sa mga may kapangyarihan at mayayaman lamang.
Malaya ang bawat isa na maging kritikal sa mga pulitiko, mapa-Aquino, Duterte, o Marcos man. Ngunit hindi dapat isaalang-alang ng mga taong palibhasang may dalawang partido na nagtatalo, nangangahulugang ang isa ay mabuti at ang isa ay masama. Ang pulitika ay hindi itim at puti kaya tungkulin ng mga mamamayang hindi lamang ang kulay ng politiko ang maging basehan kundi pati rin ang mga hakbang at aksyon nila gamit ang obhetibong pag-iisip upang makapagbigay ng maayos na hatol at opinyon lalo na tuwing halalan.
Ang ganitong katangian ay madalas makikita sa mga taong walang politikal na kulay na ang tanging ginagawang basehan lamang para sa kanilang nais na suportahang politiko ay ang katangian, intensyon at plano ng lider. Mahalaga ring tandaang ang mga taong walang pulitikal na kulay ay hindi nangangahulugan neutral o bulag-bulagan sa nangyayari. Sa katunayan, sila’y walang kinikilingan at pinoprotektahan kundi ang taumbayan lamang.
Aanhin pa ang kulay kung malapit nang maubos ang buhay? Pumanig sa boses ng taumbayan at bumoto ng makatao, matalino, at makatarungan.
Mga Sanggunian:
https://theaseanpost.com/article/social-media-habits-during-pandemic
https://www.bbc.com/news/world-asia-54275891
https://cnnphilippines.com/news/2020/4/28/Mocha-Uson-OFW-mass-gathering-COVID-19-enhanced-community-quarantine.html
https://www.rappler.com/nation/roque-response-swim-with-dolphins-ocean-adventure-subic-bay
https://www.cnnphilippines.com/news/2020/5/15/Sinas-Metro-Manila-police-charged-birthday-feast.html
Mga pinagkunan ng screenshots:
preen.ph
u/mynameisd96 from reddit
Pinoy Ako Blog
