Isinulat ni Ana Rufa Padua
Hindi muna tatanggap ng mga pasyenteng walang COVID-19 ang Philippine General Hospital (PGH)—ang pinakamalaking COVID-19 referral facility sa bansa—pahayag nito tanghali ng Sabado, Agosto 15.
Ayon sa tagapagsalita ng PGH na si Dr. Jonas del Rosario, tatanggapin lamang ng ospital ang mga pasyente na may COVID-19 o “life-and-limb threatening non-COVID emergencies” tulad ng trauma, atake sa puso, o malalang stroke.
Sa kasalukuyan, nakatanggap na ng 262 pasyenteng may COVID-19 ang PGH. Lagpas na ito sa kanilang bed capacity na 250.
“Ang amin pong COVID-19 bed capacity ay 250, so lumagpas na po kami doon. Dahil po doon, na-decide na po namin na magbukas pa ng ilang wards at isa na po doon ang non-COVID wards.” saad ni del Rosario sa panayam kasama ang DZMM Teleradyo.
Dagdag pa ni del Rosario na kailangan nang hatakin ang mga tao nila sa non-COVID wards upang makatulong sa pagsisilbi sa mga pasyenteng may COVID.
Maglalaan ang ospital ng karagdagang 50 beds upang magkaroon ng 300 bed capacity para sa mga paparating na pasyenteng may COVID-19.
“With the way things are going, baka mapuno na rin ‘yon in a few days, kasi ang bilis talaga ngayon ng sipa,” sabi ni del Rosario. “Last week nung nag-usap tayo, I think sabi ko sa inyo wala pang 200, these past five days 100 ang inakyat ng aming mga pasyente,” dagdag niya.
Ang 40 beds ng adult intensive care unit (ICU) ay puno na habang ang 12-bed pediatric COVID-19 ward naman ay mayroong walong pasyente at apat na naghihintay ma-admit.
Sa 262 na pasyenteng may COVID-19 sa PGH, 260 ang mga kumpirmadong kaso habang dalawa pa ang iniimbestigahan.
Humingi ng paumanhin ang pasilidad sa publiko dahil sa kanilang naging desisyon.
Isasarado muna lahat ng outpatient services sa ospital mula Agosto 16, Lunes hanggang sa susunod na abiso.
Maliban dito ang Department of Ophthalmology and Visual Sciences at ang Cancer Institute ng PGH na mananatiling bukas.
Inaanyayahan ng Philippine General Hospital ang mga pasyente na mag-telemedicine consultation pansamantala.
Maaaring magpa-iskyedul ng konsultasyon sa pamamagitan ng Online Consultation Request and Appointment System (OCRA) ng PGH sa link na ito: https://pghopd.up.edu.ph/
SANGGUNIAN:
- ABS-CBN News. (2021b, August 15). PGH will temporarily not accept non-COVID cases. news.abs-cbn.com/news/08/15/21/pgh-will-temporarily-not-accept-non-covid-cases
- Deiparine, C. (2021, August 15). PGH restricts non-COVID admissions as patient count reaches record high. Philstar.Com. www.philstar.com/headlines/2021/08/15/2120135/pgh-restricts-non-covid-admissions-patient-count-reaches-record-high
- Philippine General Hospital. (2021a, August 14). Public Advisory August 14 2021 [Facebook post]. Facebook. www.facebook.com/philippinegeneralhospitalofficial/photos/a.2554926417871915/4565546200143250/?type=3
- Philippine General Hospital. (2021b, August 14). Notice to the public August 14 2021 [Facebook post]. Facebook. www.facebook.com/philippinegeneralhospitalofficial/photos/pcb.4566278920069978/4566278516736685/
