Tropical Depression “Isang”, inaasahang hindi gaanong makakaapekto sa Pilipinas

Isinulat ni Ana Rufa Padua

Nakapasok na ang Tropical Depression “Isang” sa Philippine Area of Responsibility (PAR), umaga ng Agosto 19, Huwebes. 

Nakita ang sentro ng tropical depression sa layong 975 kilometro Silangan ng Extreme Northern Luzon, umaga ng Biyernes. 

Lagpas 11am nang naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bugso ng tropical depression na umaabot hanggang 70 kilometers per hour (kph) at lakas ng hanging umaabot hanggang 55 kph. 

Ayon sa PAGASA, hindi maaapektuhan ng Isang ang kasalukuyang sistema ng panahon o ang habagat.

Malaki ang posibilidad na maging tropical storm na ang “Isang” makarating ang Sabado ng tanghali o gabi.

Base sa forecast track ng PAGASA, aandar ito papuntang hilagang-kanluran at liliko papuntang hilaga ng hilagang-kanluran tanghali ng Sabado. Inaasahan ito makalabas ng bansa Linggo ng umaga o tanghali.

Sa kabila nito, mataas ang posibilidad ng matinding pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila mula Biyernes hanggang Linggo, ayon sa PAGASA weather forecaster na si Raymond Ordinario.

Inaasahan din ang pagtaas ng temperatura mula 24 degrees hanggang 33 degrees Celsius.

Ulat ni Ordinario na dadagsa na ulit ang habagat sa bansa, lalo na sa hilagang parte ng Ilocos Region sa mga paparating na linggo.

Humigit kumulang dalawang bagyo ang maaaring pumasok o mabuo sa PAR ng Setyembre.

SANGGUNIAN:

Photo source: PAGASA

Leave a comment